Life Lessons

Ika-30 anibersaryo ng EDSA

'Ganun Pa Rin' by Ted Camahalan / Photo by Bulatlat
Ika-30 anibersaryo ng EDSA
Rolando B. Tolentino

Life lessons matapos ang ika-30 anibersaryo ng EDSA People’s Uprising:

una, pinatalsik ang diktaduryang Marcos matapos ng 14 taong labis na panunungkulan, pandarambong (di simpleng korapsyon), nepotismo at burukrata kapitalismo, pandudusta (di simpleng paglabag) sa karapatang pantao, kultura ng “true, good, beautiful,” pagbaon sa bansa sa utang panlabas, golf buddies ni Ferdinand at Blue Ladies ni Imelda (mga sila-sila lang na nabigyan ng pabor), megalomania (edifice complex), kaya hinay sa pag-kingmaker kay Bongbong o kung bakit laki ng interes ni Aquino na gawing mas spectacular na holiday at paggunita sa asasinasyon ng ama’t ang EDSA hanggat hindi napapag-aralan ang kasaysayan;

ikalawa, “people power” dahil ito ang bulto ng nagpatalsik kahit napalitan lamang –lampas sa pagkamit ng mga liberal na karapatan ng gitnang uri at nadustang mayayaman – ay mga pamilyang muling nakapaghari (Aquinos sa pangunahin), figura ng EDSA (Ramos), at dalawang mandarambong (Estrada at Arroyo);

ikatlo, walang reckoning o pagtutuos, at closure na naganap dahil walang truth commission na nagsiyasat at naglatag ng lawak at lalim ng kalabisan ng diktaduryang Marcos, at higit sa lahat, umaresto’t nagparusa sa perpetrators ng diktdurya, hindi tulad sa ginawa ng mga transitioning na bansang nanggaling sa diktadurya, tulad ng South Korea, Latin America, at Indonesia;

ikaapat, bineybi ni Marcos ang militar, at patuloy na labis ang papel nito at suporta rito sa pamamalakad ng bansa kaya patuloy ang paglabag at pandudusta sa karapatang pantao – iugnay naman sa kasalukuyang kaso ng mga Lumad, patuloy na militarisasyon sa Mindanao, politikal na pagpaslang sa mga aktibista, pagpaslang sa journalists, at pangigipit sa kilusang mamamayan;

ikalima, hindi nabago ng EDSA ang sistema ng pagpili ng mamamahala sa bansa, liban sa makitid na espasyo ng mga tunay na partylist kumpara sa pretend na partylist ng mga politiko at politikal na partido, kaya trapos pa rin ang naghahari;

ikaanim, hindi nabago ng EDSA ang pagturing sa mamamayan bilang dapat paglingkuran at kalingain, lalo pa ngang dinudusta ang public at social services (edukasyon, kalusugan, transportasyon, seguridad, recreation, pananaliksik sa syensya’t teknolohiya, suporta sa sining at kultura, at iba pa) para rito;

ikapito, lahat ng presidential administration may presidential son o daughter, at kay Aquino, sibling, na nag-showbiz, tignan din sa tumatakbo kung sino ang nasa pipeline dahil anim na taon din itong iindain ng publiko;

ikawalo, bawat presidential administration ay may ginawang sound bite ng kanilang peg sa panunungkulan: Bagong Lipunan sa diktaduryang Marcos, total opposite ng Marcoses ni Cory, Philippines 2000 ni Ramos, Jeep para sa Mahirap ni Erap, Matatag na Republika ni Arroyo, at Daang Matuwid ni Pnoy, at lahat failures, kaya plataporma hindi sound byte sa pagpili ng administrasyon (media, please gawin ang gawain para tumaas ang political literacy);

ikasiyam, bawat henerasyon may comfort group na nabuo: martial law babies, generation X at Y, at ngayon, millenials – ang nagpatangi sa una ay ang pagkakaroon ng politikal na causa;

ikasampu, huwag namang paabutin pa uli sa 30 taon bago magkaroon ng hibla ng modernong kaisipan sa bansa: gamit ng contraceptives, na ang nagse-same sex marriage ay masahol pa sa hayop, na ang konsert ni Madonna ay orkestrasyon ng demonyo, akses sa health care options ng kababaihan, divorce, at iba pa; kung pretend na umuunlad ang pambansang ekonomiya, dapat sumabay ang antas ng pambansang kamulatan;

ikalabing-isa, when all else fails, reboot – ang EDSA lang naman ang may serial number para magpatalsik ng corrupt at abusadong presidente! O ang pagkakulong sa dalawang huling naging presidente, at malamang, pati itong magtatapos.

Life Lessons
Rolando B. Tolentino

Writer and critic Rolando B. Tolentino is a a board member of AlterMidya & a professor at the University of the Philippines Film Institute. 'Life Lessons' are short & straightforward musings on culture & timely issues.

More in Life Lessons

Akusasyon sa mga magsasaka ng Kidapawan massacre bilang ginamit lang ng Kaliwa

Rolando B. TolentinoApril 8, 2016

Ang pangalawang presidential debate

Rolando B. TolentinoMarch 21, 2016

Bakit dapat minamahal ang babae?

Rolando B. TolentinoMarch 4, 2016

Ang Oscar Awards 2016

Rolando B. TolentinoMarch 1, 2016

Manny, same-sex marriage, at Nike

Rolando B. TolentinoFebruary 24, 2016

Altermidya (People’s Alternative Media Network) is a national network of independent and progressive media outfits, institutions and individuals in the Philippines.

Copyright © 2015 | People's Alternative Media Network