90% ng ruta sa NCR, paralisado sa tigil-pasada–Piston
October 1, 2024

Ni KRISTEN NICOLE RANARIO
Pinoy Weekly

Tuloy ang laban para sa mga transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) matapos ang dalawang araw na welga na nagparalisa sa 90% ng mga pangunahing ruta sa Kamaynilaan.

Panawagan ng dalawang malaking transport group na ibasura ang Public Transportation Modernization Program (PTMP) na kumikitil sa kabuhayan ng maraming maliliit na drayber at opereytor.

Tuloy ang gobyerno sa pagpapatupad ng programa matapos ang deadline para sa konsolidasyon noong Abril 30. Ngunit sa resolusyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), hindi bababa sa 2,400 na ruta sa buong bansa ang hindi sumunod dito. 

Inamin din ng ahensiyang nasa 10,770 pa lang ang mga mini bus sa bansa na hindi sapat upang palitan ang mahigit 150,000 na mga tradisynal na jeepney sa bansa. 

Kasabay rin ng mga protesta ang paghahain ng mosyon ni Piston president Mody Floranda upang pabilisin ang pagresolba sa kanilang ipinasang petisyon para sa isang temporary restraining order (TRO) o suspensiyon sa PTMP noong Disyembre ng nakaraang taon upang maiwasan ang pinsalang dulot ng programa sa publiko lalo na sa mga opereytor, tsuper at komyuter.

Sinabi ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III na pinag-iisipan nilang bigyan ng 60 na araw ang mga unconsolidated jeepney operators para sumali sa mga kooperatiba at korporasyon.

“Pagkatapos naming pumunta sa Senado, napag-usapan namin ‘yong mga hindi pa sumasama sa programa ng gobyerno ay bibigyan ng pagkakataon. They can join existing cooperatives and corporations, pero hindi sila puwedeng bumuo ng korporasyon o [kooperatiba],” aniya. 

Buwelta naman ni Floranda, hindi panibagong ekstensiyon ang kailangan ng mga tsuper at opereytor ng mga tradisyonal na jeepney kundi ang maibalik ang kanilang limang taong indibidwal na prangkisa.

“Ang kailangan namin, makakuha kami ng certification sa LTFRB na ina-allow kami na makapag-renew kami ng aming prangkisa [na] hindi nangyayari kasi ‘yan ang panggigipit ng LTFRB dun sa mga non-consolidated. [Bagaman] hindi sila nanghuhuli ng mga hindi pumaloob sa consolidation, naghahanap naman sila ng iba’t ibang violation,” giit ni Floranda. 

Ayon din sa Piston, magpapatuloy ang kanilang protesta kung ipagpapatuloy ang konsolidasyon. “Non-negotiable” ang pagbabasura sa programa para sa grupo dahil marami na sa kanilang mga miyembro ang pinili na lang ibenta ang kanilang mga jeepney. 

“Marami na po tayong mga driver na nag-chop-chop na ng kanilang mga yunit. Para po sa kanila, sa totoo lang, kung bakit kami naghahabol sa Korte Suprema kasi baka naman may pagkakataon pa na makabalik sila,” ani Kristina Conti, abogado ng Piston.

Read more

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Ni AXELL SWEN LUMIGUEN, TRISHA ANNE NABORPinoy Weekly Ilang araw bago ang paggunita sa Buwan ng mga Magbubukid ngayong Oktubre, pinatay ang mga magsasakang sina Roger Clores at Ronnel Abril ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) sa Uson, Masbate noong...

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Matapos ang mahabang pakikipaglaban sa hindi makatarungang tanggalan at paglabag sa collective bargaining agreement (CBA), ipinahayag ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) ang tagumpay sa pagigiit nito ng katiyakan...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This