Sa kabila ng pagtutol ng iba’t ibang koalisyon sa bansa, tuloy-tuloy ang mga mambabatas sa pagtulak ng pagbabago sa Konstitusyon. Anila, para ito sa ikauunlad ng Pilipinas. Pero ano ba ang tingin ng mga eksperto at mga organisasyong direktang nakikipag-ugnayan sa mga sektor?
Lupa para sa lokal
Pangamba ng marami sa sektor ng agrikultura, mauuna pang magkalupa sa Pilipinas ang mga dayuhan kaysa mga magsasakang Pinoy.
Kasama sa mga babaguhin ng panukalang Charter change (Cha-cha) ang Article XII ng Konstitusyon na nagtatakda sa tungkulin ng estado na itaguyod ang reporma sa lupa at pagpapaunlad sa agrikultura.
“Naku po! Mga kababayan, maghunos-dili po tayo. Dahil para sa amin, ang lupa ay katumbas ng buhay,” babala ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos sa mga kongresista sa pagdinig ng Kamara sa Resolution of Both Houses (RBH) 7 noong Mar. 5.
Ipinaalala niyang mayorya ng mga Pilipino ay mga magsasaka, na walang sariling lupa. Dahil dito, sila rin ang sektor na sadlak sa hirap.
Sa huling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala ang 30% poverty incidence sa hanay ng mga magsasaka at mangingisda, pinakamataas kumpara sa iba pang sektor sa bansa.
Tutol ang mga magsasaka sa Cha-cha dahil palalalain nito ang kalbaryo nila sa kawalan ng lupa, bagsak na lokal na agrikultura, at ang kawalan ng seguridad sa pagkain sa bansa.
“Magbibigay daan lang ang Cha-cha sa talamak na land grabbing, land-use conversion at ispekulasyon ng lupang agrikultural, komplikasyon ng mga lupang ninuno para sa development projects, at pandarambong sa likas na yaman,” sabi ni Zenaida Soriano, tagapangulo ng Amihan National Federation of Peasant Women (Amihan).
Dagdag pa sa paghihirap ng mga walang lupang magsasaka ang pagbaha ng imported na produkto at krisis pang-ekonomiya. Kaya ayon sa mga grupo ng magsasaka, lagi silang lugi at baon sa utang.
Ayon sa Amihan, hindi sapat ang mga proyekto ng gobyerno na nakatuon sa pagpapautang sa mga magsasaka dahil nababawi lang ito ng napakalaking gastusin sa pagtatanim gaya ng abono, binhi at irigasyon.
Sabi naman ni dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, hindi Konstitusyon ang problema, kundi ang globalisasyon at liberalisasyon na sumira sa ating ekonomiya. Hindi na aniya kailangang mas buksan pa ang ekonomiya ng bansa dahil isa na nga ito sa pinakabukas na ekonomiya sa Asia-Pacific.
Mula sa $2.8 bilyon noong 1987, umabot na ang foreign direct investments (FDI) sa $113 bilyon nitong 2022. Lumaki ang FDI stock mula 7.4% ng gross domestic product (GDP) noong 1987 tungong 28% noong 2022.
“Bukas na bukas na ang Pilipinas sa dayuhang pamumuhunan pero nananatiling atrasado, lugmok at kulelat ang ating ekonomiya,” ani Mariano.
Malinaw ang posisyon ng mga magsasaka laban sa Cha-cha. Hindi maiiwasan ng pagbabago sa Konstitusyon ang kanilang kalbaryo sa kawalan ng lupa. Pabibigatin pa nga nito ang pasan nilang krus sa balikat.
Karagdagang trabaho?
Ipinagmamalaki naman ng gobyerno ang pagbaba ng unemployment rate sa bansa. Sa datos PSA, bumaba sa 4.5% ang unemployment rate nitong Enero 2024 mula sa 4.8% sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Gayunpaman, kapansin-pansin na nabawasan ang mga trabaho sa manupaktura at agrikultura na simpleng palatandaan ng pagbagsak ng kapasidad ng bansa para bumuo ng ekonomiyang nagsasarili.
Pero para sa pangulo at kaalyadong mga mambabatas, nakasalalay sa pagbubukas ng ekonomiya ang paglikha ng maraming trabaho. Tuluyan nilang isinantabi ang nakababahalang epekto nito sa masahol nang sahod at kondisyon ng mga manggagawa.
Kamakailan, sinabi mismo ni Marcos Jr. na wala na siyang oras mamasyal dahil sa kaliwa’t kanang pulong kasama ang mga lider ng malalaking kompanya sa Germany. Pinagyabang pa nito ang bilyon-bilyong dolyar na kasunduang nakuha sa mga dayuhan.
Nitong Mar. 11, hinimok din ng niya na mamuhunan sa Pilipinas ang dumayong United States trade mission. Tinawag pa niyang “essential trading and investment ally” ang mayamang bansa.
Sabi naman ng mga kongresista, dapat tulungan ang pangulo na makapang-akit pa ng dayuhang mamumuhunan sa pamamagitan ng pagtutulak ng Cha-cha. Pinapantasya nila ang bilyong halaga ng puhunang ipapasok sa bansa oras na mawala ang restriksyon sa pagnenegosyo ng mga dayuhan at malalaking kapitalista.
Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, walang ebidensiya ang nagpapatotoo na katumbas ng pagdami ng dayuhang pamumuhunan ang paglago ng ekonomiya. Sa katunayan, ang Pilipinas na ang may pinakabukas na ekonomiya sa Asya, pero wala pa ring signipikanteng epekto ito sa mga industriya, lalo sa mga manggagawa.
Ayon pa sa Kilusang Mayo Uno (KMU), aasahang lulubha ang kontraktuwalisasyon, mga taktika para pababain ang sahod, pandarahas sa mga unyon at samu’t saring paglabag kung sakaling matuloy ang Cha-cha.
“Kung dayuhan ang may-ari ng pabrika, magpapatuloy ang pagbabalewala sa mga batas ng bansa,” sabi ni KMU vice chairperson for women’s affairs Joanne Cesario.
Kontrol sa serbisyo
“Hindi lang ito usapin ng pagpasok ng foreign capital at businesses. Tingnan rin natin ang magiging epekto: puwedeng tanggalin sa mga Pilipino ang kontrol sa lahat ng sektor ng nagbibigay ng serbisyo sa publiko,” ani Sen. Grace Poe, tagapangulo ng Senate Public Services Committee, sa pagdinig para sa RBH 7 noong Pebrero.
Dagdag pa niya na “puwedeng makontrol ng ibang bansa ang tubig, kuryente, seaports, gasolina, at public utility jeeps natin.”
Sa press conference ng No to Cha-cha Network noong Mar. 14, nabanggit ng grupo na kasalukuyang isyu na nga sa bansa ang kalayaan sa dayuhang pagmamay-ari dahil sa mga batas tulad ng Republic Act (RA) 11659 o Public Services Act na pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2022.
Dahil sa RA 11659, posible na ang 100% dayuhang pagmamay-ari ng mga pampublikong serbisyo tulad ng mga airport, railway, expressway at pati telecommunication. Abril 2023 pa lang ipinatupad ang implementing rules and regulations para sa Public Services Act.
Ayon sa mga tutol sa Cha-cha, nakakapagtaka ang pagmamadali ng gobyerno sa panibagong pagbibigay-laya sa mga dayuhan gamit ang Cha-cha gayong nariyan na ang RA 11659 at iba pang mga batas.
Halimbawa, sa bisa ng mga amiyenda sa Foreign Investments Act na pinirmahan rin ni Duterte bago matapos ang kanyang termino, malaya na ang mga dayuhang magmay-ari nang buo ng mga negosyo, kasama ang small and medium enterprises.
Ayon kay Poe at sa iba pang senador na tutol sa Cha-cha na “nasa pagpapalakad ng mga ahensiya, pagbawas ng korupsiyon kung hindi man tanggalin nang todo-todo, at paglimita ng burukrasya” ang pagpapaunlad ng mga serbisyo sa bansa.
“Inaanyayahan namin ang mga lider ng bansa na bigyang atensiyon ang mga tunay na isyu ng mamamayan—pagtaas ng sahod, pagbaba ng presyo ng mga bilihin, pagpapaganda ng pampublikong serbisyo, pagbabawas sa red tape at korupsiyon, pagtalima sa karapatang pantao, hustisya at kapayapaan, pagprotekta sa kasarinlan ng bansa sa West Philippine Sea, pag-aalaga sa kalikasan, at pagkakaroon ng malinis na halalan,” sabi ng No to Cha-cha Network.
Sa joint statement ng koalisyon na kinabibilangan ng mga dating Supreme Court justice na sina Antonio Carpio at Adolfo Azcuna, miyembro ng 1986 Constitutional Commission na si Rene Sarmiento, mga taong simbahan, mga dati at kasalukuyang mambabatas, at mga lider ng iba’t ibang sektor, idiniin nila na posibleng mas mapabuti ang lipunan nang hindi binabago ang Saligang Batas.
Ilalako rin ang edukasyon
Sa desperasyong ayusin ang sektor ng edukasyon, nagkukumahog ang pamahalaan sa isang milagrosong lunas sa malalang krisis ng sektor. Para raw sa “internasyonalisasyon” ng edukasyon, mistulang inihahain sa mga kapitalista ang edukasyon para paghatian at angkinin ang mahalagang serbisyong ito.
Sa nagdaang mga pagdinig sa Kongreso, malinaw ang tulak na isama sa Cha-cha ang edukasyon para maging bukas rin ito sa dayuhang pamumuhunan. Pangamba ng marami, makokompromiso ang curriculum o pagtuturo sa mga paaralan para mas bigyang diin ang pagsuplay ng lakas-paggawa para sa interes ng negosyo imbis na pagkakaroon ng makabayang oryentasyon ng edukasyon.
Makikita sa Article XIV, Section 3 ng Saligang Batas na tungkulin ng gobyernong siguraduhin na lahat ng paaralan ay nagtuturo ng patriyotismo at nasyonalismo.
“Ang kasalukuyang restriksiyon sa dayuhang pag-aari sa mga mahahalagang institusyon, kabilang ang paaralan at unibersidad, ay dapat manatili sa kontrol ng Pilipino at hindi ng dayuhan lalo sa panahon na may banta sa soberanya ng bansa,” paliwanag ng Teachers, Education Workers, and Academics Against Charter change (Teach) sa kanilang press conference noong Peb. 23.
Bagaman may tindig ang Department of Education kontra Cha-cha sa edukasyon, dapat maging mapagbantay din ang mamamayan sa hakbangin ng administrasyong Marcos Jr. na baguhin ang aralin sa kasaysayan upang linisin ang kanilang pangalan.
“Dapat nasa unahan ng paglaban ang mga edukador sa pangangalaga ng alaala ng mga nagsakripisyo laban sa tiraniya sa panahon ni Marcos Sr. lalo na sa panahon na talamak ang pambabaluktot sa kasaysayan,” dagdag ng Teach.
Nababahala din ang grupo na pagkakataon ito ng administrasyong Marcos Jr. na unti-unting palabnawin ang pagtuturo sa kasaysayan. Kabilang ang kahalagahan ng Pag-aalsang EDSA bilang panandang-bato ng mga demokratikong institusyon sa bansa at pagpapatalsik sa kanyang pamilya sa kapangyarihan noong 1986.
Panganib sa karapatan
Para sa maraming nagkakaisang grupo laban sa Cha-cha, hindi lang ito usapin ng mga probisyon para sa pagbabago sa ekonomiya. Usapin rin ito ng katakot-takot na mga posibilidad oras na mahanapan ng puwang ang pagbabago sa iba pang bahagi ng Saligang Batas.
Ayon sa Karapatan, organisasyong tumitinding para sa karapatang pantao, baka gamitin ang Cha-cha para mas matagal manungkulan ang mga nasa kapangyarihan.
Posible rin, anila, na gamitin itong pagkakataon para tanggalin ang mga probisyon na nagbabawal sa pagtatayo ng foreign military bases at pag-iimbak ng mga armas na nukleyar sa teritoryo ng Pilipinas.
“Ginagamit ulit ng gobyerno ng Pilipinas ang Charter change para tanggalin ang natitirang mga probisyon sa Konstitusyon na pumoprotekta sa pambansang patrimonya laban sa buong pagmamay-ari at pang-aabuso ng mga dayuhang interes,” sabi ng Karapatan sa kanilang 2023 year-end report.
Sinang-ayunan din ni Gabriela Women’s Party legislative consultant at Babae para sa Inang Bayan convenor Sarah Elago ang puntong ito ng Karapatan.
Aniya, sa pagpapahintulot ng mga dayuhang base militar sa Pilipinas na hatid ng Cha-cha, “tiyak na lalala rin ‘yong mga kaso ng karahasan sa kababaihan tulad ng nangyari kay Nicole, Jennifer Laude at iba pang mga naging biktima ng mga sundalo ng US.”
Sabi ng Karapatan, karapatan ng mga Pilipino na matamasa ang mga benepisyo mula sa lupang minana at dinepensahan ng mga ninuno. At obligasyon ng gobyerno na protektahan ang mga interes na ito, hindi ilako sa mas malaking entablado.
Ayon na mismo sa Korte Suprema, ginawa at dinisenyo ang Saligang Batas ng 1987 para protektahan ang karapatang pantao lalo na’t nagmula ang bansa sa patong-patong na kaso ng paglabag sa mga kalayaan at karapatan ng mamamayan sa panahon ng diktadurang Marcos Sr.