Lider ng La Tondeña strike, pumanaw na ‘bayani ng manggagawa’
August 8, 2017

“Ang talas pa ng memory niya dito, oh,” banggit ng kanyang anak habang pinapanood ang isang panayam kay Eliseo “Ka Elsie” Estares noong ika-40 anibersaryo ng La Tondeña strike noong 2015. At totoo, kahit sa edad na 82, malinaw pa ring nailahad ni Ka Elsie kung paano nila nilunsad ang unang welga ng mga manggagawa sa ilalim ng batas militar.

Si Estares ang isa sa mga pangunahing lider ng 800 manggagawa ng La Tondeña Distillery na naglunsad ng makasaysayang welga noong Oktubre 24, 1975 sa Tondo, Maynila. Binasag ng kanilang welga ang katahimikan at takot na namamayani noong batas militar, at naging hudyat ng sunud-sunod na mga pag-aaklas ng mga mamamayan laban sa diktaduryang Marcos.

Nitong Hulyo 31, pumanaw sa sakit si Ka Elsie, sa edad na 84.

Ama sa panahon ng welga

Maagang minulat ni Ka Elsie ang kanyang pamilya sa reyalidad ng buhay—at na kailangang lumaban para baguhin ang reyalidad na ito. Ayon sa kanyang anak na si Manuel, magkakasama silang mga magkakapatid na sinama ng ama sa piketlayn. “Nang nagsisimula ‘yung piket sa La Tondeña, nandoon din kami. Kumakanta kami, hawak-kamay, sama-sama sa mga madre at manggagawa. Nang madampot siya, pinagsalita din ako sa San Pablo Apostol kasi naging president din siya ng simbahan. Pinagsalita ako sa mass tungkol sa tatay ko,” aniya.

Ipinaglalaban noon ng mga manggagawa ng La Tondeña ang pagreregularisa sa mahigit 1,000 “kaswal” at “extra” na manggagawa—katumbas ng mga kontraktwal na manggagawa ngayon. Ipinaglaban din nila ang karapatang magbuo ng unyon, na tinawag nilang Kaisahang Malayang Manggagawa sa La Tondeña.

Marahas na binuwag ng Metropolitan Command ang piketlayn. Pinagpapalo ng Metrocom ang mga manggagawa, maging ang mga buntis. Dinampot ang ikinulong ang mga lider, kabilang na si Ka Elsie.

Ngunit naging signipikante ang mga tagumpay ng welga. Tatlong buwan makaraan nito, binago ni Marcos ang batas sa welga at ginawa na lamang bawal ang welga sa mahahalagang (“vital”) industriya. Pumutok din ang mga welga sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Noong 1976, lumahok ang mga manggagawa sa pagkilos ng 10,000 katao sa Plaza Bustillos laban sa batas militar.

Kahit na pinili ng kanilang tatay ang mahirap na landas ng pakikibaka, suportado ng kanyang pamilya ang desisiyong ito. Alam nilang para rin ito sa kanilang kapakanan.

Kuwento ni Manuel, nagtulong-tulong silang magkakapatid para mabuhay silang pamilya sa panahon nang nakakulong ang kanilang ama. May panahon na kinailangan nilang tumigil sa pag-aaral.

Sa kalaunan, dahil sa suporta ng mga taong simbahan at iba pang mga mamamayan, nakalaya ang mga welgista. Naipagtagumpay din nila na maging regular ang 300 manggagawa. Ngunit bilang kapalit, hindi na ibinalik ng manedsment sa trabaho ang mga lider gaya ni Ka Elsie.

Ngunit masipag si Ka Elsie, kuwento ng mga anak niya. Matapos ang welga sa La Tondeña, pumasok siya sa iba’t ibang trabaho mula sa pagiging checker sa pier, security guard, hanggang sa pag-igib ng tubig para sa buong barangay para lang may pang-kain ang kanyang pamilya. Dumaan sila sa panahon ng matinding hirap. “Pero hindi kami nagsisisi dahil nagsilbing mahalagang aral ang lahat noong panahon na iyon,” sabi ni Manuel.

Huwaran sa manggagawa

Nagsilbi ring huwaran sa ibang manggagawa ang buhay ni Ka Elsie, na hindi ipinagpalit ang mga kanyang mga prinsipyo, alang-alang sa uring manggagawa. Sa isang simple, ngunit makabuluhang seremonya, nagbigay ng parangal ang mga lider-manggagawa mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba’t ibang unyon.

Kabilang sa mga dumalo si Harris Gadi, miyembro ng unyon sa Golden Fortune Construction. Sa kasalukuyan, umaabot na sa dalawang taon at pitong buwan ang kanilang welga, na inilunsad para gawing regular ang mga manggagawa. Tinuturing ng kompanya na “project-based” lamang ang mga manggagawa.

Harris Gaddi, isang manggagawa sa konstruksiyon at unyonista: Inpirasyon ang buhay ni Ka Elsie. Larawan ni Bastin Adrias.

“Pag naaalala ko si Ka Elsie, pag nariring ko ang pangalan niya at nagugunita ko yung mga karanasan niya, tumatatak sa isip ko…ang sobrang paghanga ko sa kanilang paglaban. Dahil kung titingnan natin ang sitwasyon nila noon ay hindi pa ganoon kalakas ang kilusang paggawa para magabayan sila nang husto. Kaya humahanga ako sa kanilang inisyatiba na magkaisa para lumaban sa martial law at siyempre ipaglaban ang kanilang pagiging regular sa trabaho,” sabi ni Gaddi.

Para sa kanya, napakalaking inspirasiyon para sa bagong henerasyon ng mga lider-manggagawa ang buhay at pakikibaka ni Ka Elsie. Abutin man daw ang iba pang bahagi ng bansa ng batas militar, hindi papayag ang mga manggagawa na gamitin ito para supilin ang kanilang mga karapatang mag-unyon at magwelga. “Mula sa karanasan ng mga manggagawa sa La Tondeña…mayroon na tayong ideya pagdating sa pag-o-organisa kung paano haharapin ang batas militar,” aniya.

Binigyan ng KMU si Ka Elsie ng Gawad Lingkod Obrero, isang pagkilala sa kabayanihan ng mga lider-manggagawa. “Akala ko kinalimutan na ninyo ang aming ama. Pero ito pala kayo at binibigyan siya ng pinakamataas na parangal,” maluha-luhang sinabi ng isang anak ni Ka Elsie.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This