Ni JULIANE BERNADINE DAMAS
Pinoy Weekly
Sa kabila ng makatuwirang mga panukala ng mga manggagawa, nagmatigas ang management ng Nexperia Philippines Inc. sa kanilang posisyon kaya nauwi sa deadlock o hindi pag-abot sa isang katanggap-tanggap na kasunduan ang collective bargaining agreement (CBA) nitong Set. 6.
Ayon sa Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU), insulto ang naging pinal na panukala ng management sa kanilang negosasyon. Kabilang sa mga ito ang pagbaba sa orihinal na mungkahi na dagdag P50 sahod sa P19 kada araw, pagbawas ng mahigit sa kalahati sa signing bonus, at pagpapatupad ng clustering kung saan mas maliit ang makukuha ng mga manggagawang matagal ng nagtatrabaho at mas malaki sa mga bago pa lang.
Dagdag pa ng unyon, pagtalikod umano ito sa napagkasunduan at naaprubahan ng magkabilang panig sa unang paghaharap nila nitong Ene. 25 kung saan tinalakay ang ground rules.
“Pambababastos ang ginagawang ito ng kapitalistang Nexperia dahil kahit na napagkasunduan na ay pilit pa nitong binabago dahil lang sa kanyang kagustuhan,” sabi ng unyon.
Ilan sa mga gustong baguhin ng management ng Nexperia ang retroactivity ng sahod at benepisyo at terms of agreement ng CBA, kung saan kahit kailan matapos ang kanilang kasunduan ay epektibo pa rin na huling CBA na kanilang magiging tutuntungan.
Sa sunod-sunod na hindi makatarungang tanggalan, paglabag sa CBA ng mga manggagawa, at patuloy na hindi makamangggawang pagtrato ng management nitong mga nakalipas na mga buwan, naghain ang unyon ng notice of strike (NOS) sa National Conciliation and Mediation Board noong Hun. 26.
At bago maipanalo ang strike voting nitong Hulyo, iba’t ibang porma ng harassment ang ginawa ng management upang manghimasok sa mga aktibidad ng unyon. Kabilang na rito ang pagbaba ng mga kondisyon sa paggamit ng mga pasilidad, pag-upo ng isang grupo ng management para makita ang nangyayari sa botohan, pagta-tap ng ID ng mga manggagawa, at pag-stamp sa balotang gagamitin. Gayundin ang pagpapakalat ng mga tsismis na ituturing na absent without leave (AWOL) ang mga manggagawa na sasali sa welga.
Ayon pa sa unyon, nagbago ang naging takbo ng isyu ng tanggalan dahil sa naging resulta ng strike voting. Ipinakita umano nito ang kahandaan ng mga manggagawa na ipagtanggol ang kaseguruhan sa trabaho.
At ngayong hayag at nagpapatuloy ang pag-atake at pambabarat ng management sa CBA ng mga manggagawa, ipinahayag ng unyon ang kawastuhan ng pagpasa ng resulta ng strike voting.
“Tama lang na ipinasa na ang strike vote sa NCMB para kumpletuhin ang prosesong legal para isagawa ang magwelga ano mang araw mula ngayon. Muli ipakita ang ating mahigpit na pagkakaisa,” sabi ng unyon.