Noong Marso 28, isang Doffer Cabillo ang nag-post ng live video sa kanyang Facebook account kung saan makikitang inaaway niya ang campaign volunteers ni Vice President Leni Robredo at sinasabing si Robredo at kanyang mga tagasuporta ay mga “komunista.” “Wala kaming pakialam sa red-tagging, komunista talaga kayo, maraming ebidensya,” giit ni Cabillo sa video.
Nasa akto ng pamimigay ng campaign materials sa Brgy. Morado, Ilagan City ang volunteers ni Robredo nang lapitan sila ni Cabillo at simulang kuhanan ng video.
Ang sabi-sabi:
Komunista si VP Robredo at lahat ng kanyang volunteers
Marka:
HINDI TOTOO
Ang katotohanan:
Nauna nang pinabulaanan ni Robredo ang mga alegasyon na umuugnay sa kanya sa Communist Party of the Philippines (CPP). Sa isang Facebook post, sinabi niya na ang mga akusasyong ito ay maaaring bahagi ng isang koordinadong online na atake sa kanyang kampanya, dahil sa nagtutugma na “tiyempo at script” ng mga Facebook at Twitter accounts na nagpo-post ng mga ganito.
Salungat sa sinabi ni Cabillo na maraming ebidensyang magpapatunay sa kanyang pahayag, walang sapat na katibayan na direktang mag-uugnay kay Robredo at kanyang kampanya sa CPP.
Bakit kailangan i-fact check:
Ipinaliwanag ng human rights group na Karapatan na nagsisilbing death warrant ang red-tagging dahil inilalagay nito sa kapahamakan ang mga napagbibintangan, lalo na ang community volunteers. Daan-daang kaso na ng red-tagging ang naitala ng Karapatan na dumulo sa pagpatay at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao.
Ang live video ni Cabillo ay may dalawang bahagi. Binura na ni Cabillo ang ikalawang bahagi kung saan nakunan ang kanyang pangre-red-tag. Samantala, ni-repost naman isang volunteer ni Robredo ang orihinal na video kalakip ang panawagang mapanagot si Cabillo sa kanyang walang basehang pahayag. – Vivian Vera
Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.