KALUSUGAN, KABUHAYAN, KARAPATAN
April 2, 2020

Mahigit isang linggo matapos ideklara ni Pangulong Duterte ang “enhanced community quarantine” sa Luzon dahil sa paglaganap ng coronavirus disease-2019 (Covid-19) sa bansa, hindi pa rin malinaw ang planong tugon-medikal o medical response ng rehimen. Ang hitsura ng tugon ng pambansang gobyerno: presensiya ng mga pulis at militar sa mga checkpoint, at paghihigpit sa mga barangay – at paghingi ng emergency powers para makontrol ang pondo ng gobyerno.

Nitong Marso 24, matapos mairatsada sa espesyal na sesyon ng Kongreso ang emergency powers ni Duterte para makontrol ang pambansang badyet ng gobyerno, inanunsiyo pa niya ang isang National Action Plan para sa pandemyang Covid-19. Pero pamumunuan ito ng dalawang dating heneral at militarista: sina National Defense Sec. Delfin Lorenzana at Interior and Local Government Sec. Eduardo Año.

Ito lang – sa oras ng pagkakasulat nito – ang pinakahuli sa mga hakbang ng rehimen sa pandemyang Covid-19 na militarista ang katangian. Samantala, mula nang unang nakarating sa bansa ang sakit noong Enero 29, iginigiit na ng mga eksperto sa pampublikong kalusugan at sektor pangkalusugan na kailangan ng agarang tugon-medikal dito.

Kampante ang gobyerno?

“Galit na galit kami (sa tugon ng gobyerno sa Covid-19),” ani Jaimie de Guzman, nars sa San Lazaro Hospital, at kasalukuyang national treasurer ng Filipino Nurses United (FNU). Simula’t sapul, aniya, napakarami ang pagkukulang ng rehimeng Duterte at Department of Health (DOH) sa pagsawata sa pagkalat ng Covid-19.

Aniya, sa mga panahong kaunti o wala pang naitatalang kaso ng transmission ng Covid-19, “walang mga hakbang para tugunan o ipinal o maglikha ng mga protokol at polisiya sa maayos na paghawak ng mga kaso.”

“Masyado silang maluwag (noon),” aniya, “masyado silang kampante na may kontrol sila (sa pagkalat ng Covid-19).” Matatandaang noong unang linggo ng Pebrero, sinabi pa ni Duterte na hindi naman daw tatamaan ng Covid-19 ang mga Pilipino dahil “malakas naman ang resistensiya” ng mga ito. Nagtaka rin ang FNU kung bakit hindi pa rin kumilos ang DOH mula nang lumabas ang mga unang kaso ng noo’y tawag pang novel coronavirus (nCOV) ito.

“Sa ospital namin, walang nalagdaang mga protokol, lahat ng utos ay berbal. Walang gustong kumuha ng responsabilidad, walang gustong pumirma, kasi kung may mangyaring masama, ’yung nakapirma ang mananagot, hindi lang sa mga empleyado kundi sa mga mamamayang Pilipino,” ani de Guzman.

Noon sana ang tamang panahon, sabi pa niya, noong wala pang mga kaso ng Covid-19, para ihanda ang medical staff. Kaya noong dumating ang unang batch ng mga pasyente ng Covid-19, hindi sila handa.

Kung balisa ang publiko sa kung papaano haharap sa kumakalat na sakit, ganoon din kahit ang health workers. “Walang may gustong magduty, kasi noong unang linggo, na-traumatize kami,” sabi pa ni de Guzman. Walang datos, walang protokol, at, kalaunan, pakaunti nang pakaunti ang suplay ng mga kagamitang proteksiyon, ng personal protective equipment (PPE).

Nakakasama umano nila sa quarantine area ang mga positibo sa Covid-19. Nakasalang sila nang isang buong araw, kahit 12-oras lang ang kanilang duty. “Iyon lang, 12 oras ang compensated,” hirit pa ni de Guzman.

Sa pagkakasulat ng artikulong ito, nabalita na pagkamatay ng limang doktor na nasa frontlines o harapan ng pagtugon sa sakit na ito.

Krisis medikal

Sa oras na sinusulat ang artikulong ito, Marso 25, mayroon pa lang 552 kumprimadong kaso ng Covid-19, at may 35 patay at 20 na nakarekober.

Pero sa lagay na ito, nagrereklamo na ang mga ospital sa mga kaso ng mga pasyente ng Covid-19. Noong Marso 19, naglabas na ang mga administrador ng pribadong mga ospital katulad ng Makati Medical CenterManila Doctors Center, atbp. at grupo ng mga doktor na Philippine College of Physicians at Philippine College of Surgeons ng pahayag na nagtutulak sa gobyerno na isentralisa na ang lahat ng hakbang sa isa o dalawang Covid-19 ospital para sa pagtugon sa mga pasyente ng naturang sakit.

Checkpoint sa boundary ng Quezon City at San Mateo (JL Burgos)

Nitong Marso 24, inanunsiyo ng St. Luke’s Medical Center, isa pang pribadong ospital, na hindi na ito makakatanggap ng mga pasyente ng Covid-19 dahil hindi na kaya ng mga pasilidad nito sa Quezon City at Taguig. Kilalang mamahaling ospital ang St. Luke’s na hindi na rin naman talaga naaakses ng mayoryang mahihirap na pasyente.

Samantala, umalma ang mga doktor sa pampublikong mga ospital. Sabi ng Community Medicine Development Foundation (Commed), mistulang lumuluwa na ng pasyente ang pampublikong mga ospital.

“Mas halata ito sa labas ng Metro Manila. Sa rehiyunal na mga sentro. Di-hamak na mas marami ang pribadong tertiary hospitals kaysa sa mga ospital ng gobyerno. Sa 1,456 ospital sa bansa, isang katlo lang ang pinatatakbo ng gobyerno. Sa lokasyon, halos 60 porsiyento ng mga ospital ang nasa Luzon, samantalang ang natitira ay pinaghahatian ng Visayas at Mindanao,” ani Dr. Gene Nisperos ng Commed.

Samantalang kinikilala umano ng Commed ang katampukan ng ideya na magmantine ng isa o dalawang pangunahing ospital para sa Covid-19, hindi dapat maipasa sa pampublikong mga ospital lang ang obligasyon para rito.

Sa kagyat, ang iminumungkahi ng mga eksperto sa pampublikong kalusugan ay buhusan ng gobyerno ng pondo at atensiyon ang medikal na tugon sa problema. Ang mungkahi ni Dr. Joshua San Pedro ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH), di-bababa sa 75,000 testings ang isasagawa sa buong bansa kada buwan.

Kung sa halagang P6,000 ang kada kit, aabot ng P450- Milyon ang kailangang gastusin ng gobyerno para sa test kits. Matatandaang nagkomit ang National Economic Development Authority (NEDA) noong Marso 17 ng P27.1-Bilyon bilang “war chest” ng rehimeng Duterte. Pero ipinagtataka ng marami kung bakit sa pondong ito, P14-B ang ilalaan daw para sa mga programa ng Department of Tourism. Kasi raw, sabi ni Finance Sec. Carlos Dominguez III, “turismo ang pinaka-apektado” sa Covid-19 – hindi ang maralitang mga mamamayan, ang nadislokang mga manggagawa, ang health workers, ang mga bulnerable at maysakit.

Militarismo

Checkpoint sa boundary ng Quezon City at San Mateo (JL Burgos)

Samantala, mula sa pagpakat ng 40,000 pulis at militar sa Kamaynilaan para ipatupad ang “enhanced community quarantine” hanggang sa pagtalaga sa dating mga heneral ng militar na sina Lorenzana at Ano, malinaw na solusyong militar o pagwasiwas ng mapanupil na kapangyarihan ng Estado ang ginagamit ni Duterte “laban” sa Covid-19.

Sa memorandum nito para sa “enhanced community quarantine”, inutusan nito ang lokal na mga yunit ng gobyerno na magpatupad ng quarantine, checkpoints, at curfew sa kanilang mga lokalidad – bagay na mabilis namang ipinatupad ng maraming yunit ng lokal na pamahalaan maliban sa ilang katulad nina Pasig City Mayor Vico Sotto at Marikina City Mayor Marcy Teodoro.

Nilimita sa “frontline health workers”, mga alagad ng midya (na nais pa ring ipasailalim sa akreditasyon ng Presidential Communications Operations Office), mga manggagawa sa “esensiyal na mga industriya”, mga empleyado ng mga groserya, at siyempre, mga pulis at militar, ang maaaring bumiyahe sa mga kalsada. Itinigil ang pampublikong transportasyon (LRT at MRT, dyip, bus, pati mga traysikel).

Sa madaling salita, kinontrol ng militar at pulisya ang pagkilos at pagbiyahe ng mga mamamayan. Sangayon umano ito sa prinsipyo ng “social distancing” para mapabagal ang pagkalat ng Covid-19. Pero para sa maraming eksperto sa batas at sa pampublikong kalusugan, mali naman ang sobrasobra at walang batayang pagkontrol sa pagkilos ng mga tao, lalo pa sa pagkilos ng mga naghahanapbuhay at kahit health workers sa mga ospital.

Ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), malinaw ang mga limitasyon ng mga curfew sa batas. Ayon sa legal brief na inilabas ng grupo, sinabi nitong tanging Sangguniang BarangaySangguniang Bayan o LungsodSangguniang PanlalawiganKongreso o ang Presidente lang ang puwedeng magpataw ng curfew sa bansa sa panahon ng matinding krisis tulad ng nangyayari ngayon. Ang mga miyembro ng gabinete, kabilang ang presidential advisers, ay walang kapangyarihang magpataw ng curfew.

“Sa pangkalahatan, ang mga parusa ay dapat akma, espisipiko, at nakatakda o malinaw. Hindi maaaring arbitraryo. At dapat may kaugnayan ito sa isang kilos o di-pagkilos na pinaparusahan. Hindi maaari ang malupit, mapang-aba at di-pangkaraniwang pagtrato o parusa,” sabi ng NUPL.

“Dapat ding alalahanin na ang paglabag ng curfew ay hindi krimen sa ilalim mismo ng Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifialbe Diseases and Health Events of Public Health Concern Act,” sabi ng NUPL. Maaari lang umanong magpataw ng parusa na di hihigit sa P1,000 at hindi puwedeng magkulong kung ang batayan ay ang ordinansa sa barangay lang.

Hindi sapat ang lockdown

Sa tanong na kung epektibo nga ba ang tinaguriang “lockdowns” o ang “enchanced community quarantine” para pigilan ang pagkalat ng Covid-19, sinabi ni Mike Ryan, executive director ng emergencies program ng World Health Organization (WHO), na hindi puwedeng mistulang ikulong na lang ng mga gobyerno ang kanilang mga mamamayan para mapawi ang pagkalat ng sakit.

Imahe mula sa Sat’s Ire

Ang kailangan talaga nating tutukan ay ang paghanap sa mga maysakit, sa mga mayroong virus, at ihiwalay sila, hanapin ang mga nakakontak sa kanila, at ihiwalay din sila,” sabi ni Ryan, sa isang panayam sa estasyong pangbrodkas sa Inglatera na BBC.

Kaya naman, mariing itinutulak ng mga grupong pangkalusugan, at lalo na ng progresibong mga organisasyong masa, ang “libre at malawakang testing” para sa Covid-19. Bago ito, sinabi ng CPRH na kailangang tuunan ng pansin at pondohan ang “disease surveillance” o pagmonitor sa aktuwal na pagkalat ng sakit sa mga komunidad. Matapos ito, dapat na magkaroon ng malawakang testing sa mga may sintomas, sa PUI, sa mga bulnerable at frontliners. Sa gayon, matutukoy ang aktuwal na inabot ng Covid-19 sa bansa.

Malinaw na hindi ito ang ginagawa ngayon ng rehimeng Duterte. Nakakapagduda tuloy ang mga aksiyong tinatahak nito. Simula’t sapul, minaliit niya ang pagkalat ng Covid-19 na nagmula sa mga Tsino na bumiyahe sa Pilipinas galing WuhanChina – ang bansang nakikipagmabutihan kay Duterte at nagpapautang sa kanya ng mga panggastos sa mga proyektong pangimprastraktura ng rehimen.

Pero magmula nang nagkaroon ng lokal na transmisyon (ibig sabihin, hindi nagmula sa labas ng bansa ang pagkalat ng sakit), ginamit niya ang pagkakataong magpatupad ng mga restriksiyon sa pagkilos ng mga mamamayan, kabilang na ang restriskiyon sa pagtitipon ng maramihang mga tao – na pabor sa kanya dahil bawal na ang malakihang mga protesta laban sa kanyang rehimen. At sa pagpasa ng Kongreso ng emergency powers, lalong nakonsolida sa kamay ni Duterte ang kontrol sa pondo ng gobyerno. Mistulang pasistang diktador na nga ang Presidente.

Isang boluntir ng Cure Covid sa isinagawang massive information drive hinggil sa pandemya ng Covid-19

Noong Marso 25, pinasimulan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga organisasyong masa ang di-sentralisadong “kalampagan sa gobyerno”. Nanawagan sila sa mga mamamayan na mag-ingay sa kanilang mga bahay, sa labas ng kanilang mga pintuan, at kahit online lang, at irekord o ibrodkas ito sa social media.

Ayon sa Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (Cure Covid), sa esensiya’y ipinapanawagan ng pagkilos na ito ang tatlong bagay: Kalusugan, kabuhayan at karapatan. Kalusugan, para sa panawagang tugonmedikal at hindi militar; kabuhayan, para sa ayuda sa mga manggagawang nawalan ng kabuhayan o trabaho dahil sa krisis; at karapatan, para matigil ang di-makatwirang paghihigpit sa kilos ng mga mamamayan.

Tiyak, sa susunod na mga araw o buwan, hangga’t militar at hindi medikal ang solusyon ng rehimen sa pandemyang Covid-19, lalong matutulak ang mga mamamayan na mag-ingay o pagprotesta pa nga – habang isinasaalangalang pa rin ang pisikal na pagdidistansiya sa isa’t isa o social distancing. pinoyweekly.org

Read more

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Ni AXELL SWEN LUMIGUEN, TRISHA ANNE NABORPinoy Weekly Ilang araw bago ang paggunita sa Buwan ng mga Magbubukid ngayong Oktubre, pinatay ang mga magsasakang sina Roger Clores at Ronnel Abril ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) sa Uson, Masbate noong...

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Matapos ang mahabang pakikipaglaban sa hindi makatarungang tanggalan at paglabag sa collective bargaining agreement (CBA), ipinahayag ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) ang tagumpay sa pagigiit nito ng katiyakan...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This