Kayang mapangibabawan: Mga aral ng ibang bansa hinggil sa COVID-19
March 20, 2020

Sa gitna ng deklarasyon ng World Health Organization (WHO) sa Covid-19 bilang global pandemic (bagong sakit na mabilis na lumalaganap sa maraming bansa at nakakaapekto sa malaking populasyon ng mundo), pinatutunayan ng mga bansang Cuba, Singapore at Vietnam na malaki ang papel na ginagampanan ng kahandaan ng gobyerno at ang pagtitiyak nito ng maagap na tugon sa pagpigil ng paglaganap nito sa kanilang mamamayan.

Cuba: Maagang paghahanda

Marso 11 nang kumpirmahin ng Cuba ang pagdating ng pinakaunang mga kaso (tatlong kaso) ng Covid-19 sa kanilang bansa. Bago nito, nagpatawag ng malakihang kumperensiya si Presidente Miguel Diaz-Canel Bermudez para sa lahat ng matataas na opisyales mula sa lahat ng probinsiya para sa malinaw at mapagpasyang pagpapatupad at ebalwasyon ng Prevention and Control Plan ng pamahalaan. Kabilang sa naturang plano ang pagtukoy at sertipikasyon ng mga lugar para sa isolation (pagbubukod) at pag-o-ospital sa mga pasyente, lokal na produksiyon ng mga mask sa bansa, pagsasagawa ng mga health hearing sa mga komunidad at lugar ng trabaho, pagbibigay ng training para sa lahat, pagbibigay ng atensiyon sa pinakabulnerableng populasyon at pagsasagawa ng impormasyong publiko para manatiling updated ang lahat ng mamamayan.

Binigyang diin din ang halaga ng mga nakatalagang family doctor ng kani-kaniyang barrio, ng mga tourism professional at mga empleyado sa customs para sa close monitoring ng mga daungan at airport. Para matiyak din ang pagdaloy ng regular at araw-araw na impormasyon at update hinggil sa sakit, lumikha ang pamahalaan ng celphone app na siyang nagsisilbing lunsaran nito at siya ring nag-uugnay sa lahat ng institusyong pangkalusugan at health professional sa bansa. Libre at sapat din ang bilang ng test kit para sa naturang sakit.

Ani Public Health Minster Jose Angel Portal, nakahanda na rin ang badyet para sa pagbili ng mga rekursong kakailanganin bilang paghahanda sa nakikinitang malawakang epekto ng sakit sa bansa.

Sa kasalukuyan, nangunguna ang bansang Cuba sa pagprodyus ng Interferon Alpha 2B kabilang ang iba pang grupo ng mga gamot na ginagamit sa pagpapagaling ng mga pasyenteng may Covid-19 sa ibang bansa.

Singapore: Mabilis na deteksiyon

Samantala sa kaso ng Singapore, pinuri ng WHO ang maagap na pagpigil ng bansa sa naturang sakit. Dahil sa mga aral mula sa karanasan ng severe acute respiratory syndrome (SARS) outbreak noong 2002 sa bansa, nagpasya ang pamahalaan na itayo ang National Centre for Infectious Diseases (NCID) at National Public Health Laboratory (NPHL) na nakatutok sa pag-aaral ng mga nakakahawang sakit. Naglaan din ng mas maraming isolation room sa mga ospital at biocontainment laboratory. Kasabay nito, malaki ang nilaan at pinuhunan ng pamahalaan sa pananaliksik hinggil sa mga infectious disease.

Mabilis at maagap din ang pagtukoy sa mga may sakit sa pamamagitan ng mga libreng test kit. Bukod dito, mabusisi ang ginagawang 24/7 na contact tracing.

Araw-araw ding nakalathala sa front page ng pinakamalaking pahayagan ng bansa ang paalala ng gobyerno na nag-uudyok sa lahat ng may nararamdamang kahit anong sintomas para agad na magpatingin sa doktor at huwag pumasok sa trabaho o paaralan. Bukod sa libreng test kit, sagot ng gobyerno ang libreng pagpapagamot sa ospital, suspected case man o kumpirmado.

Para pagaanin din ang epekto ng quarantine sa kabuhayan ng mga pasyente, nagbibigay ng $100 Singapore dollars ang pamahalaan para sa mga ito samantalang pinagbabawalan din ang mga employer na ibawas ang mga araw ng quarantine sa annual leave ng kanilang mga empleyado.

Vietnam: Maagap na aksiyon

Gaya ng Singapore, umani rin ng papuri ang Vietnam mula sa WHO dahil sa maagap nitong aksiyon laban sa sakit. Umaabot na sa 57 ang natatalang kaso nito sa bansa ngunit sa kabila nito, wala pang natatalang bilang ng namamatay dahil dito.

Sa katunayan, bago pa man magkaroon ng unang kaso sa bansa, sinimulan na ng gobyerno ang paghahanda para sa epidemya noong unang bahagi pa lang ng Disyembre. Sa parehong panahon, agad nang sinuspinde ang mga flight papunta at pauwi galing Wuhan. Ilang linggo matapos nito, agad nang sinarado ang mga border gate sa pagitan ng Vietnam at China maging ang mabilis na pagquarantine sa mahigit 5,000 manggagawang Chinese na dumating sa bansa.

Samantala, nang magkaroon ng 11 kaso ng sakit sa probinsiya ng Son Loi, maagap din ang ginawang pagquarantine sa 10,000 taong naninirahan dito. Agad na dumating ang tulong mula sa pamahalaan na nagpadala ng mga doktor at nars mula sa mga karatig probinsiya at nagawang pagalingin ang lahat ng mga pasyente kabilang na ang isang tatlong buwang gulang na sanggol.

Sa gitna ng lahat ng ito, malaking bahagi ng tagumpay ng Vietnam sa pagpigil sa malawakang paglaganap ng sakit ay dulot ng matagal na panahong pag-iinvest at pagpaprayoritisa ng pamahalaan sa pampublikong kalusugan. Sa ilalim ng Vietnam Social Insurance, libre ang pagpapatingin at pagpapagamot sa sinumang nakakaranas ng sintomas ng sakit. Dahil dito, naging mabilis ang deteksiyon at maagap din ang mga ginawang aksiyon para sa paglaban sa naturang pandemic na patuloy na kumikitil ng maraming buhay sa buong mundo. Silay Lumber/pinoyweekly.org

Read more

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Ni AXELL SWEN LUMIGUEN, TRISHA ANNE NABORPinoy Weekly Ilang araw bago ang paggunita sa Buwan ng mga Magbubukid ngayong Oktubre, pinatay ang mga magsasakang sina Roger Clores at Ronnel Abril ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) sa Uson, Masbate noong...

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Matapos ang mahabang pakikipaglaban sa hindi makatarungang tanggalan at paglabag sa collective bargaining agreement (CBA), ipinahayag ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) ang tagumpay sa pagigiit nito ng katiyakan...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This