Lider-simbahan, tanggol-karapatan, nanindigan vs abuso, militarisasyon
September 14, 2025

Ni MARC LINO ABILA
Pinoy Weekly

Nagkaisa ang mga lider ng iba’t ibang simbahang Kristiyano at mga grupo ng tanggol-karapatan laban sa lumulubhang paglabag ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. sa mga karapatang pantao at International Humanitarian Law.

Sa paglulunsad ng Manindigan, isang pambansang ugnayan para sa proteksiyon ng mga karapatan ng mamamayan, nitong Set. 6 sa Maynila, kinondena ng mga lider-simbahan at tanggol-karapatan ang bilyong pisong pondo para sa Confidential and Intelligence Funds at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na ginagamit ng mga ahente ng estado para supilin at labagin ang karapatan ng mamamayan.

“Ang mga komunidad, lalo na ang mga nasa kanayunan at katutubong lugar, ay patuloy na nakararanas ng pambobomba, panliligalig at militarisasyon. Isang panawagan ang Manindigan para sa kapakanan ng mga mamamayang tinatapakan ang mga karapatan dahil sa terorismo ng estado na pinopondohan ng salapi ng taumbayan,” ani Manindigan lead convenor at San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa wikang Ingles.

Ayon sa Manindigan, lumilikha ang militarisasyon ng “mala-Martial Law” na kalagayan sa kanayunan, lalo na sa mga lugar na may mariing pagtututol ang komunidad sa mga agresibong proyekto tulad ng imprastruktura at pagmimina na kadalasang kinakamkam ang mga lupang sakahan ng mga magbubukid at lupang ninuno ng mga katutubo.

Si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, lead convenor ng Manindigan, sa paglulunsad ng pambansang ugnayan para sa karapatang pantao noong Set. 6, 2025. Larawan mula sa Altermidya

Dagdag nila, ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos Jr. ang pagpapatupad ng mga patakaran ng rehimeng Duterte tulad ng Executive Order 70 na bumuo sa NTF-Elcac at Anti-Terrorism Act na nagpalubha sa red-tagging, terrorist-labeling at pagkriminalisa sa pagtutol.

“Sa ilalim ng ganitong balangkas, binabansagang ‘kaaway ng estado’ ang mga sibilyan, aktibista at kritiko at nagiging puntirya ng mga operasyon militar na pinalalabo ang linya sa pagitan ng pamamahalang sibil at kontrol ng militar,” pahayag ng Manindigan sa Ingles.

Kadalasan din anilang ginagamit ang mga puwersa ng Armed Forces of the Philippines para patahimikin ang mamamayan sa mga komunidad sa pamamagitan ng pananakot, pambobomba, walang habas na pamamaril at pagkakampo sa mga institusyong sibilyan tulad ng paaralan, barangay hall at health center.

Lumulubha rin ang mga abuso sa mga karapatan dahil sa matinding militarisasyon tulad ng sapilitang pagpapasuko sa mga ‘di umano’y rebelde, at seksuwal na pananamantala sa kababaihan.

Isa umanong kabalintunaan ang paggamit sa pera ng taumbayan sa mga operasyon ng estado laban sa mga karapatan ng mamamayan na mas mainam na gamitin sa mga serbisyo para sa pagpapabuti ng kanilang kalagayan.

“Hindi namin hahayaang magpatuloy ang kawalang pananagutan, kahit pa pilit na pinagtatakpan ni Marcos Jr. ang masalimuot na sitwasyon ng mga karapatang pantao sa bansa,” sabi ng Manindigan.

Patuloy anila silang titindig para sa mga karapatan at kapakanan ng mga katutubo at marhinadong komunidad sa kanayunanan na nilulunod ang boses ng mga nasa kapangyarihan.

Kasama ni Alminaza bilang convenor ang iba pang lider-simbahan na sina United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Middle Luzon Jurisdictional Area Bishop Francisco Aviso Jr., UCCP Bishop Dan Palicte, United Methodist Church (UMC) Davao Episcopal Area Bishop Israel Painit, Rev. Glofie Baluntong ng UMC, Vannessa Jane Dabay ng UMC Women at Blessy Grace de Leon ng Association of Women in Theology.

Kabilang din sa mga convenor ang mga tanggol-karapatan mula sa iba’t ibang larangan na sina National Union of Peoples’ Lawyers president Ephraim Cortez, Adamson University College of Law Dean Ana Maria Abad, Karapatan deputy secretary general Maria Sol Taule, premyadong manunulat na si Jun Cruz Reyes, patnugot at manunulat na si Kris Lanot-Lacaba, Katribu spokesperson Beverly Longid, Kalikasan spokesperson Jonila Castro, bilanggong politikal at lider-estudyanteng si Amanda Echanis at iba pa.

Read more

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This