Ni Jayson Enebrad | Baretang Bikolnon
NAGA CITY, Camarines Sur – Nagtipon ang nasa 300 human rights activists mula sa iba’t ibang bahagi ng Bicol Region para sa ikalawang asembliya ng Defend Bicol Stop The Attacks Network noong Hulyo 18 sa Naga City.
Tinalakay sa pagtitipon ang human rights violations (HRVs) sa rehiyon at kung paano ito tutugunan.
Ayon kay Atty. Maria Sol Taule ng grupong Karapatan, mahalaga ang nagkakaisang pagkilos ng bawat komunidad sa pagharap sa HRVs.
“Ang kailangan natin, mas palakasin ang pag-oorganisa. Hindi masasagot ng legal process lahat. Very limiting yung nakakulong ka sa apat na sulok ng remedyong legal. Pero ang pagsasama-sama ng mga tao, boundless ang pwede nating magawa.” aniya.
Dagdag ni Taule: “Kaya nating paalisin ang mga military sa community sa pag-iingay at sama-sama nating pagkilos at pagpepetisyon. Even ‘yung mga barangay na ini-infiltrate ng NTF-ELCAC, pwede natin silang hikayating pumanig doon sa mga mamamayan.”

Lokalisasyon ng Human Rights Movement
Ayon sa Karapatan, mahalaga ang lokalisadong pagkilos laban sa mga paglabag sa karapatang pantao dahil magkakaibang porma ng pang-aabuso ang dinadanas ng bawat rehiyon.
Sa Bicol region, mayroong 322 kasong paglabag sa karapatang pantao sa unang tatlo at kalahating taon ng pamumuno ni Ferdinand Marcos Jr., ayon sa Karapatan Bicol. Nakaapekto ito sa 917 biktima.
Naitala rin ng grupo ang 26 na extrajudicial killings, tatlong biktima ng sapilitang pagkawala at 25 na bilanggong pulitikal. Bukod pa rito ang mga kaso ng paglabag sa International Humanitarian Law, at pagkakampo ng mga militar sa mga komunidad.
“Kailangang ma-expose natin sa publiko ang pagpopostura ng military na pro-peace sila, pero sa totoo lang, sila ang lumalabag sa mga karapatan ng mga tao. Ang regional formations ang tumutulong sa atin na mag-expose ng fascism at militarization na may mga peculiarity sa bawat rehiyon,” pagpapaliwanag ni Taule.

Defend Bicol
Ang Defend Bicol Stop The Attacks Network ay isang network ng mga organisasyon sa Bicol region na nagsusulong sa pangangalaga sa karapatang pantao at kumukondena sa mga paglabag ng mga pulis at militar dito.
Ayon kay Taule, mahalaga ang papel ng mga kabataang miyembro ng network sa patuloy na pagsusulong ng pagprotekta sa karapatang pantao sa rehiyon.
“You have the energy, you have the skills, you have the knowledge. Nasa inyong oras, nasa inyo ang lakas. Kailangan kayo ng mamamayan at dapat handa tayong laging nasa unahan ng pakikibaka at tumutulong sa laban ng mamamayan,” aniya.
Tugon naman ng mga lider ng Defend Bicol Stop The Attacks Network, patuloy silang magkakaisa para labanan ang pang-aabuso ng state forces sa rehiyon.
“Nagkakaisa, organisado, at matatag, patuloy nating itinatayo ang isang Bikol kung saan nananaig ang katarungan, kapayapaan, at dignidad,” dagdag ng network. #

![Ni Jayson Enebrad | Baretang Bikolnon NAGA CITY, Camarines Sur – Nagtipon ang nasa 300 human rights activists mula sa iba’t ibang bahagi ng Bicol Region para sa ikalawang asembliya ng Defend Bicol Stop The Attacks Network noong Hulyo 18 sa Naga City. Tinalakay sa pagtitipon ang human rights violations (HRVs) sa rehiyon at kung […]](https://www.altermidya.net/wp-content/uploads/2026/07/20260718_170506-scaled.jpg)







