Ni CHARLES EDMON PEREZ at YZABELLE JASMINE LIWAG
Pinoy Weekly
Madalas sa umaga ay wala kaming tubig, magbabalik lamang ang tubig sa gabi, ngunit hindi pa rin malakas ang daloy kahit ganon.”
Ito ang karanasan ni Roi Detera, 22, residente ng San Jose del Monte, Bulacan mula nang Prime Water na ang namahala sa tubig sa kanilang lungsod.
Mula sa mahigit 500 na mga local water district (LWD) sa bansa, nasa 134 na ang sumailalim sa pribatisasyon sa pamamagitan ng joint venture agreement (JVA). Karamihan sa mga ito’y pinamamahalaan ng Prime Water na pagmamay-ari ng negosyante-politikong pamilya Villar.
Kung susumahin, ang Prime Water Infrastructure Corp. ang may pinakamaraming may hawak na LWD sa Luzon. Sa rehiyon ng Ilocos, mayroong 17 LWD na ang naisapribado sa Ilocos Norte, Pangasinan at La Union.
Sa Cagayan Valley at Central Luzon, nakuha na rin ng Prime Water ang kontrol sa tubig ng maraming bayan. Habang sa Calabarzon at Mimaropa, Prime Water din pati Maynilad at Manila Water ang mga nangungunang korporasyon na kumokontrol sa pamamahala ng tubig.
Pribatisasyon ng patubig
Ayon sa Local Water Utilities Administration (LWUA), dapat ang mga bangkaroteng LWD lang ang papasok sa JVA dahil layunin nito na tulungan at pondohan ang mga LWD na walang sapat na kakayahang matugunan ang serbisyo sa tubig.
“Bakit inuna nila yung mga good performing [na mga local water district]? Ibig sabihin, ang habol nila, hindi talaga serbisyo [kundi] ganansiya,” ani Manuel Baclagon, secretary general ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage).
Manilaw na target ng Prime Water ang mga high-performing water district tulad sa San Jose del Monte, Bulacan.
Mula nang maipatupad ang pribatisasyon ng serbisyo sa tubig, pare-pareho na ang naging daing ng mga konsyumer. Naging mahina ang buga ng tubig, madalas ang pagkawala ng suplay ng tubig, at mistulang kape o kaya’y amoy kalawang ang tubig.
Kasabay ng paglabo ng tubig na lumalabas sa gripo sa bawat tahanan ng pamilyang Pilipino, naging malinaw na negosyo at hindi serbisyo ang pangunahing layunin ng mga pribadong konsensyonaryo. Tumaas din ang singil ng tubig na naging dahilan ng lalong paglubog ng mahihirap na mamamayan sa suliranin sa tubig.
Ito ang naging isinalaysay ni Estelita Bagasbas, national vice chairperson ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Right to Water Conference noong 2023.
Aniya, pumapalo hanggang P140 kada cubic meter ang singil sa mga maralitang komunidad kaya mas pinipili na lang ng iba na magbayad ng P7 kada container ng tubig o P5 kada limang litro ng tubig mineral.
Ang dating P50 na asul na drum ng tubig na katumbas ng humigit-kumulang 10 galon, umaabot na ngayon ng P100, sabi ni Rose Bihag, deputy secretary general ng Gabriela.
Dagdag pa niya, napakataas din ng singil sa tubig ng Maynilad na pag-aari ni Manuel V. Pangilinan na may hawak sa kanlurang bahagi ng Kamaynilaan at ilang bahagi ng Cavite.
Mula sa unang 10 cubic meters na pagkonsumo, nagkakahalaga na ito ng P120 at karagdagang P120 sa kada dagdag ng cubic meter. Dahil sa sobrang singil, umaabot ng P500 hanggang P1,000 ang water bill ng mga konsyumer.
Bukod sa sumisirit na presyo at palpak na suplay ng malinis na tubig, isa pa sa dagdag-pasakit ng pribatisasyon ang ilegal na tanggalan sa mga manggagawa ng LWDs.
Paliwanag ni Baclagon, ikinukubli ng JVA sa planong reorganization ang tanggalan ng mga empleyado ng LWD.
“Kasi, siyempre, may tao din yung private concessionaire [na] gusto ipasok ‘yon. Sa unang epekto niya, tanggalan sa trabaho ng mga empleyado ng local water districts,” ani Baclagon.
Ganito ang naging sitwasyon sa Bacolod Water District (Baciwa) matapos mailipat ang operasyon sa Prime Water noong 2020. Ilegal na tinanggal sa trabaho ang 59 na empleyado dahil sila raw ay “redundant employees” o mga labis na bilang ng manggagawa.
Hanggang saan?
Sa mas malawak na konteksto, higit pa sa kita ang masidhing epekto ng pribatisasyon sa mamamayan. Bagaman karapatan ang akses sa malinis na tubig, ang mga papel na ginagampanan nito sa produksiyon ng bawat sektor ay hindi agad napupunan dahil sa kakulangan ng inisyatiba mula sa pamahalaan.
Sa sektor ng mga magsasaka, ibinahagi ni Mao Hermitanio ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas na mano-mano pa rin ang mahigit 68% ng mga gawain sa sakahan, kung saan ang mga kalabaw at araro pa rin ang nagsisilbing pangunahing kagamitan nila.
Dagdag pa dito, isang masidhing problema pa rin sa mga sakahan ang kawalan ng irigasyon. Ipinahayag ng datos mula sa National Irrigation Administration (NIA) na mahigit 2 milyong ektarya ng lupa ang wala pa ring mga sistema ng irigasyon dahil sa patuloy na pribatisasyon, pangangamkam ng lupa at land-use conversion.
Ganito rin ang sitwasyon ng mga maralitang lungsod. Dulot ng tumataas na presyo ng tubig, napagkakakitaan sila ng serbisyo sa tubig ng mga malalaking korporasyon.
Ani Bagasbas, ang mga low-income communities ang labis na nakakaramdam ng tumataas na presyo, partikular sa mga maralitang lungsod na napapaligiran ng mga matataas na gusali, sapagkat hindi raw ito binalanse ng tumataas na sahod.
Manggagawa sa water district
Para sa mga manggagawa ng bawat LWD, malaking katiwalian ang pagsasapribado ng serbisyo sa tubig nang walang kahit anong konsultasyon sa mga manggagawa nito.
Ayon kay Even Calajate ng San Jose del Monte Water District, bagaman ipinahayag ng kanilang organisasyon sa isang liham sa kanilang alkalde ang kanilang hindi pagsang-ayon sa pribatisasyon, nakatanggap na lang daw sila ng isang pahayag noong Mayo 2018 na nasa ilalim na sila ng isang JVA.
Sabi ni Marnie Garbo ng San Pablo Water District mismong ang pamahalaang lokal ang madalas na gumagawa at humahawak dito.
Ipinatupad ng pamahalaang lokal ng San Pablo City, Laguna ang Bulk Water Supply Project upang tugunan ang krisis ng tubig sa lungsod. Ngunit nang isagawa, ito isinara ang mga pumping station na nagsanhi ng malawakang tanggalan at pagpapalit puwesto ng iba.
Ganito rin ang sitwasyon sa Baciwa kung saan laganap din ang tanggalan ng mga manggagawang lumalaban sa patuloy na pribatisasyon ng LWD. Sa kasalukuyan, tuloy pa rin ang pakikibaka ng mga manggagawa ng bawat LWD na manatili sa serbisyo.
Bagaman marahas na kumikilos ang pamahalaan upang ituon ang mga pampublikong yutilidad tulad ng tubig sa direksiyon ng kita ng pribadong sektor, isang paglalarawan ang laban ng mga LWD sa pangangailangan ng pagkilos.
Hindi dapat kita ang dapat namamayagpag sa mga institusyong pinaglilingkuran ang taumbayan.