‘Nakababahala’: Pilipinas, unang bansang nag-apruba sa GMO Golden Rice

0
452

Ni JV Ayson at Emem Crisostomo

Noong Hulyo 21, 2021 inaprubahan ng Department of Agriculture (DA) ang aplikasyon ng mga korporasyong agrokemikal para sa commercial production ng Golden Rice sa Pilipinas.

Sa buong mundo, ang Pilipinas lang ang bansang pumayag sa produksyon ng kontrobersyal na Golden Rice. Tinawag pa itong “regulatory milestone” ng Department of Science and Technology.

Nilikha ng Western scientists ang Golden Rice noong 1999 bilang isang genetically modified organism (GMO) at isang bio-fortified crop na lumilikha ng beta-carotene. Sagana raw ito sa Vitamin A, na hindi nakukuha mula sa ordinaryong bigas.

Sinimulan ang Golden Rice bilang isang project proposal para sa Rockefeller Foundation sa U.S. Layon nitong magsagawa ng genetic-engineered na bigas para dagdagan umano ang sustansya nito. Bibigyang solusyon daw nito ang matinding kakulangan sa Vitamin A at pagkabulag ng mga bata sa mahihirap na bansa. Target nito ang mga bansa sa Timog at Timog-Silangang Asya kung saan bigas ang pangunahing pinagkukunan ng carbohydrates.

Pero iba ang tingin ng mga samahan ng mga magsasaka hinggil sa pag-apruba sa Golden Rice.

Ayon sa grupong Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG), isa sa mga convenor ng Stop Golden Rice Network, hindi sinunod ng DA ang Joint Department Circular 1 of 2016 na nag-aatas sa kagawaran na suriing mabuti ang mga aplikasyon para sa commercial production ng genetically modified crops gaya ng Golden Rice.

Sa pagsisiyasat ng grupo, walang makabuluhang review process at independent risk assessment sa kalusugan ng tao ang ginawang proseso sa ilalim ng Joint Department Circular.

Wala rin daw inilathalang opisyal at komprehensibong pagsusuri sa mga epekto ng Golden Rice ang mga ahensya ng pamahalaan. Naniniwala ang grupo na inililihim ng mga ahensya ng gobyerno sa taumbayan ang totoong epekto ng Golden Rice sa kalusugan.

Mismong ang US Food and Drug Administration (FDA) ang nagpahayag na hindi sapat ang concentration ng beta-carotene sa Golden Rice para maabot ang sinasabi nitong nutrient content.

Ipinaliwanag din ng MASIPAG na hindi na kailangang lumikha ng mga pananim na genetically modified para lutasin ang kakulangan sa Vitamin A. Maaari raw itong makuha sa totoong pagkaing may taglay na beta-carotene, gaya ng carrot, kamote, at mga berdeng gulay.

Ayon kay Cris Panerio ng MASIPAG, “Mas mabuti sanang ginamit na lang ang bilyun-bilyong dolyar na ginastos para sa Golden Rice project sa pagsuporta sa lokal na produksyon ng pagkain, laluna ngayong panahon ng pandemya.”

‘Iskema ng korporasyon’

Dagdag ni Panerio, tila ang madaliang pag-apruba sa Golden Rice ay resulta ng pagtutulak ng malalaking korporasyon at mga multi-billionaire gaya ni Bill Gates sa mga iskemang magbibigay sa kanila ng kapangyarihang kontrolin ang mga sistema ng pagkain sa buong mundo.

Sang-ayon ang grupong AMIHAN na ang nasa likod ng pag-apruba sa Golden Rice production sa Pilipinas ay ang malalaking kumpanyang agrokemikal.

Ayon sa grupo, pagsuko raw sa dayuhang interes ang pagbibigay ng DA ng permit sa mga korporasyong agrokemikal na magpapalaganap ng binhi at teknolohiya ng Golden Rice sa bansa.

Ayon kay Zenaida Soriano, chairperson ng grupong Amihan, “Para kaming ginagawang eksperimento. Hindi kami guinea pig. Hindi dapat pakainin ang mga mamamayan ng ganitong klaseng pagkain na hindi naman ligtas.”

“Mapanganib kung ito ay ipagpapatuloy. Walang maayos na pagsusuri ang Golden Rice na ito,” aniya.

Dagdag ni Soriano, mapinsala ang Golden Rice kahit sa lokal na produksyon ng pagkain dahil maaari nitong lasunin ang mga lokal na pananim at lupang taniman ng mga magsasaka.

Aniya, hindi teknolohiya ang solusyon sa malnutrisyon o kagutuman sa Pilipinas. “May magagawa ang gobyerno para paunlarin ang agrikultura at gawing maging malusog ang mga mamamayan.”

Sa halip na hayaang magapos ang mga magsasaka at konsyumer sa interes ng malalaking korporasyon, hiling nilang manguna ang pamahalaan sa pagtitiyak na maunlad ang produksyon ng pagkain sa bansa at may ligtas, sapat, at abot-kayang pagkain ang mamamayan.

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.