Ni JORDAN JOAQUIN at DEO MONTESCLAROS
Pinoy Weekly
Gulugod ng lipunang Pilipino ang uring magsasaka. Sa kanila nakasalalay kung may kakainin ang bansa, may mabibili sa palengke at may ihahapag sa mesa ang bawat pamilya.
Subalit may kabalintunaan ang kalagayan ng magsasaka sa bansa. Sila ang nagpapakain pero sila rin ang nagugutom, pinakamahirap at bansot na sektor sa ekonomiya.
Dahilan nito ang deka-dekadang palpak na programa sa repormang agraryo at kawalang-pakialam ng mga panginoong may lupa sa gobyerno na tugunan ang malalang problema sa pagkain at pag-aari sa lupa.
Sa kabila nito, may mga magsasaka at grupo na nananatiling nakikibaka at nagtataguyod ng kanilang karapatan upang bigyang dignidad ang buhay ng mga magsasaka sa bansa.
Bigong eksperimento sa agrikultura
Dekada 1970s nang magpatupad ng grandiyosong programa ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. para umano iahon sa kahirapan ang mga magsasaka at solusyunan ang krisis sa pagkain.
Ipinakilala niya ang Green Revolution at Masagana 99 sa kanayunan na pinondohan ng mga institusyong pampinansiya sa pangunguna ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB).
Sa halip na kaginhawaan, nabaon sa utang ang mga magsasaka. Ang “package of technology” na kinabibilangan ng mahal na imported na pataba, pestisidyo at binhi ang kumain sa natitirang kita ng mga magsasaka.
“Sa umpisa ay mukhang tagumpay ang Masagana 99. Tumaas naman ang ani at nabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na bigas. Pero hinikayat ng programa na ito na magtanim ang mga magsasaka ng high-yielding variety (HYV) na bigas, kemikal na pataba at pestisidyo na naging dahilan ng pagkalubog sa utang ng magsasaka,” paliwanang ni Danilo Ramos, ng tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at magsasaka mula Bulacan.

Hindi na rin maaaring magpalitan ng binhi ang mga magsasaka dahil sa kasunduang pinasok ng bansa sa mga multinasyonal at transnasyonal na korporasyon sa agrikultura.
Kalaunan, iminandato na itanim na rin ang genetically modified organisms (GMOs) kagaya ng Bt corn at Golden Rice upang pasiglahin ang demand sa merkado para may bumili sa mga produktong agro-kemikal ng mga dayuhang korporasyon.
Ang mga teknolohiyang ito’y nakatulong pa para dumepende ang mga magsasaka sa mga korporasyon dahil ang HYV at in-bred varieties na binhi ay maaari lang itanim ng dalawa hanggang tatlong cropping season. Habang ang karamihan sa binhing hybrid ay nakadisensyo para sa isang taniman lang.
Sa maikling sabi, pagkakakitaan ito ng mga dayuhang korporasyon sa binhi.
Ang Philippines Hybrid Seed Market ay nagkakahalaga ng $371 milyon noong 2023 na maaaring umakyat pa sa $478 milyon sa taong 2028. Dagdag pa ang unti-unting pagpasok ng mga genetically modified na pananim sa pamilihan na tiyak na pagtutubuan nang milyon-milyon ng mga korporasyon.
“Ibahin natin ang mga traditional rice varieties (TRVs) na noon pa man ay malayang [ibinabahagi, pinaparami at pinapaunlad] ng mga magsasaka. Sa mahabang panahon, ito na ang praktika ng mga magsasaka sa buong mundo. Ang mga binhi ay mayroong kapangyarihan na itakda ang sistema ng pagkain kung kaya inaalagaan nila ang kanilang mga binhi at iginigiit ang kanilang pag-aari sa mga ito,” ani Chris Panerio, dating national coordinator ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (Masipag).
Buhay na laboratoryo ng magsasaka
Negosyo ang kumikita sa modernisasyon ng agrikultura at kaakibat nito ang estratehiya sa pagsasaka na tinatawag na conventional farming.
Itinuro sa magsasaka ang pagiging “utak kemikal” na palaging nakasandig sa dayuhang binhi, nakadepende sa negosyo, paggamit ng mahal na abono upang ‘di umano makaani ng malakihan gamit ang mas magandang klase ng palay.
Sa kabilang banda, iba ang diskarte ng mga tradisyonal na magsasaka tulad nina Leody Velayo, 59, at Ronie Comiling, 65. Ipinagpatuloy nila ang turo ng kanilang mga ninuno sa likas-kayang pagsasaka o sustainable farming.
Para sa kanila, narito pa rin ang binhi na hinabi sa natural na kalagayan at angkop sa pamayanan. Dahil sa mga hamon tulad ng pagbabago ng klima at kawalan ng reporma sa lupa, nilinang nila ang kanilang lupa upang pataasin ang antas ng kalidad ng kanilang binhi at gawing buhay na laboratoryo ang kanilang sakahan.

Ang trial farm ng mga magsasaka ay isang laboratoryo para mahanap ang tamang klase ng binhing itatanim sa kanilang lugar.
Nasa 50 tipo ng binhi ang itatanim sa isang maliit na kwadradong bahagi ng sakahan ang sinusuri at pinag-aaralan ng mga magsasaka upang tiyakin na nakaayon sa klase ng lupa, dami ng tubig, tibay sa tagtuyot at hindi dumadapa sa malalakas na bagyo.
“Iyan ‘yong kaibahan no’ng aming ginagawa dito sa aming samahan na nagkakaroon ng trial na inaalam namin kung alin ba talaga ang angkop at aakma doon sa lugar para hindi mo gamitan pa ng chemical na fertilizer at pestisidyo,” banggit ni Velayo, magsasaka, farmer-breeder at kasapi ng Masipag.
Iba-iba ang pangangailangan ng mga magsasaka sa binhing kanilang itanim. Isa sa isinasaalang-alang ang lugar na kanilang tataniman.
Tulad ni Velayo, na nasa mataas na lugar ng Nueva Ecija at hindi naabot ng irigasyon, ang itinatanim niyang binhi ay umaangkop sa ulan at minimal ang patubig. Habang si Comiling ay nasa Surigao Del Sur, lugar na patag at madalas ang tagtuyot.
Kasama rin sa pamamaraan ng kanilang pagsasaka ang paggamit ng kalendaryo. Gabay ito para taon-taong obserbahan ang panahon sa partikular na mga buwan ng taniman at anihan.
Patuloy ang pagsasagawa ng siyentipikong pag-aaral ng Masipag at mga magsasaka. Kung kaya nakahanap sila ng akmang binhi ng palay na maaaring maani kahit may banta ng pagbabago ng panahon.

“Sa pagsasaka namin, gano’n pa rin, mayroon kaming trial farm kasi tinutuklas namin, pinag-aaralan namin kung ano ‘yong varieties, ‘yong mga binhi na adapted sa mga tagtuyot at tag-ulan,” paliwanag ni Comiling.
Sa kanilang lugar sa Surigao del Sur, napag-alaman nilang angkop ang variety ng palay na BMP 1-1 dahil kaya nitong lumago kahit tagtuyot. Kung tag-ulan naman, mga variety na PBB at GV 3 naman ang angkop itanim.
Bukod sa karanasan ng mga magsasaka, nagkaroon ng inisyatiba ang Masipag upang palawigin pa ang trial at backup farm, community seed banks at imbentaryo sa bilang ng lokal na binhi.
Ginawa ito ng organisasyon upang itaguyod at ipreserba ang mga lokal na binhi para sa susunod na henerasyon ng pagsasaka.
“Ang rasyonale kasi niyan, siyempre kung babalikan natin ‘yong kasaysayan kung bakit tinayo ‘yong Masipag ay tugon siya doon sa failures ng Masagana 99. Hindi lang sa failure sa socio-economic, failure din sa food security,” wika ni Eliseo Ruzol Jr., information officer ng Masipag.
Dagdag pa ni Ruzol, halos nawala ang mga lokal na variety ng palay dahil sa pagsusulong ng Masagana 99 sa pagtatanim ng mga binhing inilalako ng mga dayuhang agro-kemikal na korporasyon.
Sa pagsasapraktika ng likas-kayang agrikultura, natuto ang komunidad ng mga magsasaka na hindi umasa sa mahal na binhi.
Patuloy nilang iwinaksi ang pananaw na makakaani lang ng maganda kung gagamitan ng abono at pamatay insekto ang kanilang pananim. Para sa kanila walang pag-asa sa kapitalistang monocropping dahil inaabuso nito ang kanilang sipag at kakayahan.
Kaya binigyang prayoridad nila ang pagsasaka, pag-aalaga ng mga hayop sa bukid at pagtatanim ng gulay o diversification upang hindi matali sa pagsasakang hawak ng kapital at panginoong maylupa.
Pagpupunla ng kinabukasan
Mahaba ang karanasan at pakikibaka ng mga magsasaka at Masipag upang pumiglas sa dikta ng dayuhang agro-kemikal na mga korporasyon, ibalik ang kontrol ng mga binhi sa kamay ng mahihirap na magsasaka at libreng pamamahagi ng lupa.
Sa pamamagitan ng mahigpit na pagtutulungan ng mga siyentista at magsasaka, nakalikha sila ng binhi ng palay na locally adapted varieties, drought tolerant, pest and disease resistant, strong wind resilient, flood tolerant at salt-water tolerant.
Ito ang kanilang hakbang upang angkupan ang kalagayan ng nagbabagong klima at pagkasira ng kapaligiran dulot ng pestisidyo. Dahil sa ganitong pag-eeksperimento, may pag-igpaw sa kamulatan ng mga magsasaka.
“Sa sektor ng magsasaka ay may positibong epekto ito dahil bumabalik ang kompiyansa nila sapagkat sila mismo ang nagtatakda at nagtutukoy ng pamamaraan sa pagsasaka. Nade-demokratisa rin ang siyensya dahil magsasaka at siyentista ang nagsasagawa ng knowledge production,” paliwanag ni Ruzol.

Umaabante rin ang kanilang kampanya sa lokalidad. Sa kasalukuyan, may lampas 20 na ordinansa sa lokalidad para sa organikong pagsasaka, agroecology at pagbabawal sa GMOs. At inaasahan pa ang pag-abot nila sa antas rehiyon at iba’t ibang organisasyong magsasaka.
Kaalinsabay nito ang tuloy-tuloy na panawagan para sa tunay na repormang agraryo bilang mahalagang salik sa pagpapatupad ng likas-kayang pagsasaka sa buong bansa.
Paliwanag ni Ruzol, komplementaryo ang relasyon ng tunay na reporma sa lupa at likas-kayang pagsasaka.
“Kung wala kang lupa ay hindi ka makakapaglikas-kayang pagsasaka. Kung may lupa ka naman ay napakahirap imentina kung hindi sustenable ang pamamaraan ng produksiyon at kung hindi abot-kaya dahil mababaon ka sa utang dahil sa pataba, binhi at iba pa,” aniya.
Dahan-dahan ay nakakapagpunla ang mga magsasaka ng bagong kamulatan at praktika upang baguhin ang kalagayan nila.
Sa mga hakbang na ito mababanaag ang pag-asa na may darating na tunay na kaunlaran sa kanayunan at buong bansa.

![Ni JORDAN JOAQUIN at DEO MONTESCLAROSPinoy Weekly Gulugod ng lipunang Pilipino ang uring magsasaka. Sa kanila nakasalalay kung may kakainin ang bansa, may mabibili sa palengke at may ihahapag sa mesa ang bawat pamilya. Subalit may kabalintunaan ang kalagayan ng magsasaka sa bansa. Sila ang nagpapakain pero sila rin ang nagugutom, pinakamahirap at bansot na […]](https://www.altermidya.net/wp-content/uploads/2025/03/cover-photo-scaled-1.webp)







