‘Pakinggan ang aming boses’: BPO workers sa gitna ng inflation
January 6, 2023

Si Rejeane Dumaual habang naghihintay ng masasakyang jeep. (Kuha ni Michelle Mabingnay)

ni Michelle Mabingnay

Isang beses na lang kung kumain sa isang araw si Rejeane Dumaual, isang call center agent sa Metro Manila. Tanghalian na lang ang kinakain niya para makatipid.

Maraming manggagawang kagaya ng 26-taong gulang na si Rejeane, na binabawasan na lang ang pagkain sa isang araw para makaraos, lalo pa at naitala ang 8% inflation rate nitong Nobyembre na ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay pinakamataas na antas mula noong Nobyembre 2008.

Sa bawat pagtaas ng inflation rate sa bansa, nababawasan din ang halaga ng sinasahod ng mga manggagawang Pilipino, ayon sa IBON Foundation.

“Nahihirapan kaming i-budget yung naka-allot na pera para sa mga bilihin o gastusin sa araw-araw, pati sa mga bills.” kwento ni Rejeane, na pangunahing tagapagtaguyod sa kanilang pamilya. Bukod sa dalawang anak na solo niyang sinusuportahan, kargo rin niya ang kanyang magulang at ang pag-aaral ng dalawa niyang kapatid.

Dagdag pasanin

Simula Abril ngayong taon, nagsibalikan na sa opisina ang maraming kumpanya sa BPO dahil sa binabang utos ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA). Matatandaang sumailalim sa work from home setup ang mga manggagawa ng business process outsourcing (BPO) sa loob ng mahigit isang taon, o simula noong sumirit ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Dahil kailangan nang pumasok sa opisina, naging dagdag na pasanin pa tuloy ng call center agents gaya ni Rejeane ang kanilang pamasahe. Aniya, sa arawang budget niya para sa sarili, lampas kalahati ang sa pamasahe lang napupunta. Kailangan kasi niyang bumiyahe mula Montalban, Rizal tungong Quezon City araw-araw.

Kwento naman ni Ken Garcia, 27, call center agent, dumoble na rin umano ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin sa kasalukuyan.

“Yung mga dating tig-30 o tig-40 lang na pagkain, ngayon tig-70 na, 80 pesos, minsan nga umaabot pa ng isang daan e.” ani Ken. Dagdag pa dito ang gastos niya para sa mga sinusuportahang kapatid, at magulang na binibilhan niya ng gamot pang-maintenance na umaabot ng Php500 kada araw.

Mababang sahod

Sa datos na nakalap ng BPO Industry Employees Network (BIEN), nagsisimula sa Php13,000/buwan ang karaniwang entry level pay sa mga nangungunang kumpanya sa naturang industriya.

Si Rejeane, na baguhang call center agent, Php16,000 ang natatanggap na buwanang sahod, kasama na ang allowance. Malayo ang agwat nito sa karaniwang $15 o Php825 ($1:Php55) kada oras na sinasahod ng mga bagong call center agent sa Estados Unidos.

“Hindi talaga sumasapat [ang sahod] at nagkakautang pa kung tutuusin,” ani Rejeane.

Ganito rin ang hinaing ni Ken na noong una’y inakalang mas mataas ang bigayan sa call center. “Overall, (kung ikukumpara) sa mga past experience, hindi siya ganon kalaki,” sabi ni Ken.

Sa pag-aaral ng IBON nitong Nobyembre, kailangan ng isang lima-kataong pamilya ang Php1,140 kada araw para mabuhay. Kalahati lang ito sa natatanggap na sahod kada araw ng mga manggagawa sa BPO tulad nina Rejeane at Ken.

“Historically speaking, malaki yung naging contribution ng industriya (ng BPO) sa growth ng ekonomiya natin. Pero yung epekto nito sa manggagawa, sa mga employees, sa mga call center agent, pababa nang pababa ‘yung sahod.” pahayag ni Lean Porquia ng BIEN sa isang online forum noong Nobyembre 25.

“Hindi ramdam, especially sa entry level, hindi ramdam kahit ‘yung bonuses and incentives dahil sa inflation.” dagdag ni Porquia.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang mahigit 1.6 milyong empleyado ang naturang industriya, ayon sa IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP).

Infographics from IBON Foundation

Nanawagan ng mas mataas na entry level pay ang mga manggagawa ng BPO, kasabay ng kampanyang ‘Sahod Itaas, Presyo Ibaba’, na panawagan ng iba’t ibang sekto sa nagdaang mga pagkilos.

“Para sa mga kapwa ko manggagawa, patuloy na ipaglaban natin ang karapatan natin. Patuloy nating i-push ang pagtaas ng sweldo at pababain ang (presyo ng) mga bilihiin. Huwag nating susukuan ang ganitong pinaglalaban natin para rin sa mga future generation,” ani Rejeane.

Read more

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Ni AXELL SWEN LUMIGUEN, TRISHA ANNE NABORPinoy Weekly Ilang araw bago ang paggunita sa Buwan ng mga Magbubukid ngayong Oktubre, pinatay ang mga magsasakang sina Roger Clores at Ronnel Abril ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) sa Uson, Masbate noong...

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Matapos ang mahabang pakikipaglaban sa hindi makatarungang tanggalan at paglabag sa collective bargaining agreement (CBA), ipinahayag ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) ang tagumpay sa pagigiit nito ng katiyakan...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This