Personal na pagbabalikwas nina Abigail at Diana
January 22, 2023

Maid si Abigail sa isang eksklusibong yate. Marami silang Pinoy na nagtatrabaho doon, karamiha’y maid din. Naglilinis ng mga kuwarto, nagliligpit ng mga kalat, naglalaba ng mga damit. Samantala, hindi nalalayo ang kalagayan ni Abigail kay Diana. Namamasukang kasambahay sa isang mayamang fashion designer si Diana. Anuman ang kailangan ng amo, mula sa pagluluto hanggang sa paggamit ng kanyang mga karamdaman, nandiyan siya.

Pero kaiba sa karamihang domestic helper o overseas Filipino worker, malay sina Abigail at Diana sa kanilang abang kalagayan—at kung sino ang nagsasamantala sa kanila. ‘Di magtatagal, mahaharap sila sa isang pagkakataong maaaring makaganti sa nang-aapi, mababaligtad ang dating tagibang na relasyong pabor sa amo. Pero magkaiba ang kakahinatnan ng kanilang pagbabalikwas.

Magkaibang pelikula, siyempre, ang kuwento nina Abigail at Diana. Sa Triangle of Sadness, dinirehe ng premyadong Swedish na direktor na si Ruben Ostlund, lalabas lang si Abigail (ginanap ng Pilipinang aktres na si Dolly de Leon) sa huli sa tatlong akto ng pelikula.

Matapos ito mapakilala ang pangunahing mga karakter na dalawang magkasintahang modelo at social media influencer (sa unang akto) at iba’t ibang karakter na pasaherong mayayaman sa yate (sa ikalawang akto). Sa ikatong akto, darating si Abigail sa isla kung saan nadistiyero ang mayayamang pasahero. Siya lang ang marunong mangisda, magluto, gumawa ng apoy. Pagkakataon niya ito para siya ang mangibabaw, siya ang maging amo.

Sa pelikulang Nocebo naman, bigla na lang dumating si Diana (ginanap ng Pilipinang aktres na si Chai Fonacier) sa tahanan ng mag-asawang Ingles na sina Christine at Felix (ginangap nina Eva Green at Mark Strong). Maglilingkod siya bilang maid ng mag-asawa. Walang maalala si Christine na kumuha siya ng maid, pero dahil may misteryosong karamdaman at makakalimutin na, tinanggap niya sa tahanan ang Pilipina.

Agad na nakatulong si Diana sa mag-asawa: masarap na nagluto ng pata tim, kinaibigan ang anak, at ginamit ang kaalaman sa tradisyunal na paggagamot para matulungan si Christine sa sakit niya. Sa kabila ng pagdududa ni Felix, nakuha ni Diana ang loob ni Christine—at ang pagkakataon para makakuha ng hustisya.

Siyempre, madali ring ikumpara ang Nocebo at Triangle of Sadness dahil dalawang Pilipinang aktres ang tumampok sa mga ito: sina Dolly de Leon at Chai Fonacier. Dalawang karakter aktres sina Dolly at Chai na madalas na naeempleyo para gumanap ng mga maliliit o minor na karakter sa mga lokal na pelikula at palabas sa telebisyon.

Hindi sila nabibigyan ng malalaking tungkulin sa entertainment industry sa Pilipinas na binibigyang-halaga ang pisikal na kagandahan at kabataan sa halip na aktuwal na talento. Sa maraming panayam sa telebisyon matapos ang sunud-sunod na pagkilala sa Hollywood (sa Amerika) at Europa, sinabi ni Dolly na ganito nga ang problema sa showbiz sa Pilipinas, at kinailangan pa nilang mangibang bansa para makilala ang kakayahan sa sining ng pag-arte.

Pero sa mga proyektong pampelikula sa Amerika at Europa, limitado rin lang ang mga pagkakataon para sa mga Pilipino. Ilan lang naman ang mga pelikulang may importanteng karakter na katulad nina Abigail at Diana. Halos walang representasyon ang kuwento at karakter ng mga Pilipino sa dominanteng entertainment industry ng Kanluran. Mabuti na lang, mayroong mga katulad ng komedyanteng si Jo Koy, na nagtutulak na maiprodyus ang mga kuwento ng mga Pilipino-Amerikano—bagama’t kuwento lang ito ng espisipikong saray ng mga Pilipino-Amerikano at hindi pa ng kalakhang migranteng Pilipino.

Sa kabilang banda, tila iniluwal din ang mga karakter nina Abigail at Diana ng kasalukuyang sitwasyon sa daigdig: matinding krisis sa ekonomiya, pagtaas ng presyo ng bilihin, dumaraming manggagawa na walang trabaho, lumalawak na hidwaan sa pagitan ng iilang mayayaman at mayoryang mahihirap. Sa tindi ng krisis, pati Hollywood ay natutulak na ibaling ang galit sa mga elite. Katunayan, isa sa pinakamatagumpay na pelikulang Hollywood kamakailan ang Glass Onion sa Netflix na tila’y may pangungutya rin sa isang mala-Elon Musk na karakter.

Magkaiba man ang tono at porma ng parehong pelikula—satirikal o mapangutya ang Triangle of Sadness at horror o nananakot naman ang Nocebonakatuntong ito sa reyalidad ng kawalan ng katarungang panlipunan sa mundo.

Sa Triangle of Sadness, halata ang pangungutya sa ekonomikong elite ng mundo—ang mga bilyonaryong katulad nina Elon Musk, Jeff Bezos o Mark Zuckerberg, mga negosyanteng gumaganansiya sa giyera (tulad ng isang mag-asawang karakter sa pelikula) at pati ang mga influencer at celebrity (tulad ng magkasintahang modelo) na nag-aambisyong umangat sa antas ng elite.

Bugbog-sarado ang mga karakter na elite sa pelikulang ito: lahat sila’y dinapuan ng sakit ang nagsususuka sa yate dahil sa food poisoning na kagagawan din nila. Ilan ang ang natira sa kanila sa yate matapos atakihin ng mga pirata. Nang madistiyero ang ilan sa isang isla, wala silang life skill at kinailangang umasa sa dating maid nila na si Abigail para mabuhay.

Sa Nocebo, bagsak ang karera ni Christine bilang fashion designer dahil sa misteryosong sakit na dumapo sa kanya matapos ang malaman ang isang trahedya sa isang sweatshop sa Pilipinas na gumagawa ng kanyang mga dinisenyong damit-pambata.

Halatang malay ang direktor na si Lorcan Finnegan sa sistema ng pagsasamantala ng mayayama’t imperyalistang bansa sa murang lakas-paggawa ng mahihirap na bansa. Katunayan, ginamit ng nasabing direktor ang kantang “Pugon” ng progresibong banda na The General Strike sa pagtatapos ng pelikula. Malinaw ang anti-kapitalistang tindig ni Finnegan.

Pero magkaiba ang resolusyon ng dalawang kuwento. Sa kaso ni Abigail, sa dulo’y may indikasyong babalik sa status quo ang relasyon sa pagitan niya at ng mga distiyerong mayayaman; nasa kanya na kung papayagan niyang bumalik ito o hindi. (Hindi pinakita ng pelikula kung ano ang naging desisyon ni Abigail.) Sa kuwento ni Diana, nagtagumpay siya sa kanyang pagkuha ng hustisya. Pero personal na hustisya lang ito at hindi hustisya ng nakararaming katulad niyang nabiktima ng mga desisyon ni Christine.

Sa parehong kuwento, personal ang paglaban ng dalawang aping Pilipina. Mag-isa nilang sinagpangan ang pagkakataong makakuha ng kakarampot na tagumpay o kapangyarihan mula sa mga mang-aapi. Naparusahan man ni Diana ang punong salarin sa trahedyang sumapit sa kanya, hindi niya saalang-alang ang trahedyang sumapit sa iba na kagagawan ng parehong salarin. Napasunod o nauto man ni Abigail ang mga pasaherong mayayaman, darating din ang panahong mawawalan ng bisa ang kapangyarihan niya sa mga ito.

Kapos ang personal na paglaban nina Diana at Abigail. Papaano ang ibang katulad nilang inapi rin ng sistema—ang mga kapwa maid ni Abigail, ang mga kapwa manggagawa ni Diana? Marahil, ito ang mensahe ng dalawang pelikula. Bagamat nakakuha ng simpatya ang dalawang aping karakter, mababatid ng manonood na pansamantala o maliit lang ang nakamit nilang tagumpay. Hindi sapat ang maghiganti; kailangang makipagkaisa sa kapwang api, at ipaglaban ang panlipunang katarungan. Kenneth Roland A. Guda/pinoyweekly.net

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This