Bagaman inanunsiyo ng Metro Manila Development Authority na magiging mas mababa ang multa dahil sa pagpapatupad ng single ticketing system, dagdag pahirap pa rin umano ito lalo sa mga tsuper na naghahabol ng kita ayon kay Piston national president Mody Floranda.
Ni M.A. ABRIL
Pinoy Weekly
Hindi ikinatuwa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang pagbabalik ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) nitong Mayo 26 kasunod ng partial lifting ng Korte Suprema sa temporary restraining order (TRO) sa NCAP noong Agosto 2022.
Anunsiyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA), magbabalik ang NCAP sa pitong mayor na kalsadang nasa ilalim ng pangangasiwa nito: EDSA, Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, Roxas Boulevard, C-5 Road, Ortigas Avenue at Macapagal Boulevard. Ayon sa Korte Suprema, mananatili ang TRO sa mga kalsadang nasa ilalim ng iba’t ibang pamahalaang lokal.
Ayon kay Piston national chairperson Mody Floranda, nagkaisa ang mga grupo sa transportasyon na ipasuspinde ang NCAP dahil isang malaking negosyo lang anila ang programa.
“Sa unang [implementasyon], maraming mga nabiktimang operator. Ang isang taxi operator noon sa Maynila, nagbenta ng tatlong unit [ng taxi] para lang [mabayaran] ang P380,000 na multa,” sabi ni Floranda, “Malaking money-making [scheme], malaking pahirap, kahit sa pribadong mga sasakyan.”
Bagaman inanunsiyo ng MMDA na magiging mas mababa ang multa dahil sa pagpapatupad ng single ticketing system, dagdag pahirap pa rin umano ito lalo sa mga tsuper na naghahabol ng kita ayon kay Floranda.
Dagdag ni Floranda, malalaking pribadong negosyo ang kakontrata ng mga pamahalaang lokal sa pagkakabit at operasyon pa lang ng mga CCTV. Hindi aniya proteksiyon sa publiko ang hangad ng programa, kung hindi kita ng mga pribadong kompanya.
Panawagan ng Piston, imbis na NCAP, dapat bigyang-pansin ng gobyerno ang pagpapaunlad ng ating pampublikong transportasyon at mga batas trapiko. Anila, ito ang tutulong sa pagresolba ng lumolobong bilang ng mga pribadong sasakyan, matinding trapik at mga aksidente sa daan.

![Bagaman inanunsiyo ng Metro Manila Development Authority na magiging mas mababa ang multa dahil sa pagpapatupad ng single ticketing system, dagdag pahirap pa rin umano ito lalo sa mga tsuper na naghahabol ng kita ayon kay Piston national president Mody Floranda. Ni M.A. ABRILPinoy Weekly Hindi ikinatuwa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at […]](https://www.altermidya.net/wp-content/uploads/2025/05/12.webp)







