Ayon sa Kawasaki United Labor Union, malaking kasinungalingan ang dahilan ng management na “financial loss” para tanggihan ang hinihinging dagdag-sahod at tamang benepisyo. Bukas pa rin ang unyon na makipag-usap kahit pa pinili na nilang magwelga.
Ni ABIELLE VIKTORIA DIG
Pinoy Weekly
“May mga batayan ang aming mga hinihingi at alam naming kaya itong ibigay ng kompanya. Hiling lang namin ang tamang benepisyo at makatarungang dagdag-sahod para sa aming mga pamilya upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng bilihin at serbisyo,” pahayag ng Kawasaki United Labor Union (KULU) sa kanilang welgang isinagawa noong Mayo 21 dahil sa deadlock sa collective bargaining agreement (CBA).
“Habang nasa loob ang aming mga paa, handa kaming makipagdiyalogo, handa kaming makipagnegosasyon. Pero sinayang ng ating presidente,” sabi ni Richard Balberan, presidente ng KULU.
Isinumete ng KULU ang kanilang Manifestation to Stage a Strike noong Mayo 14 sa Department of Labor and Employment (DOLE) para makapagsagawa ng welga matapos matigil ang negosasyon sa isang taong pakikipag-usap sa management. Ayon sa KULU, malaking kasinungalingan ang dinadahilan ng korporasyong “financial loss” para tanggihan ng management ang kanilang hiling.
“Ang aming welga ay pagpapakita sa mga kapitalista ng aming kahalagahan,” ayon sa unyon. Ito ang unang welga sa higit limang dekada ng Kawasaki Motors Philippines Corporation.
Bukas pa rin ang KULU sa mga conciliation meeting kasama ang DOLE kahit pa pinili na nilang magwelga.