Higit isang buwan na nang nakawelga ang United Rank and File Association of FOC Transportation Corp. sa Infanta, Quezon dahil sa hindi pagbibigay ng separation pay sa kabila ng mga diyalogo kasama ang National Conciliation and Mediation Board.
Ni ABIELLE VIKTORIA DIG
Pinoy Weekly
Sa Timog Katagalugan, nagwelga ang mga manggagawa ng FOC Transportation Corporation sa Infanta, Quezon. Higit isang buwan na nang magsagawa ng welga ang United Rank and File Association of FOC Transportation Corp.
Ayon kay Aniceto Itriuaga Jr.,coordinator ng Federation of Free Workers, humihiling ang unyon ng separation pay mula sa management pero hanggang ngayon bigo pa rin silang makuha ito sa kabila ng mga pagpupulong kasama ang National Conciliation and Mediation Board.
Nagpapatuloy ang pagtindig ng mga manggagawa sa kabila ng hindi makausap na management, pagbabawal na magbigay ng panayam sa midya at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga ito.
“Ang mga panggigipit na ginagawa ng management ng FOC Transport Corp. ay senyales ng kabulukan ng atrasado at makanegosyong sistema ng public transport,” pahayag ni Mody Floranda, presidente ng Piston.
Dagdag pa niya, “Hamon sa ating lahat na itaas ang antas ng laban, lagpas pa sa management, at tungo sa paniningil sa rehimeng Marcos Jr. at sa mga dayuhang nagbabansot at nanamantala sa industriya ng transportasyon.”