2024 BUDGET | PONDO SA DAYUHAN, PASISMO’T KORUPSIYON
October 24, 2023

Ni MARC LINO ABILA
Pinoy Weekly

Huli sa dalawang bahagi

Bulnerable sa abuso ang panukalang badyet ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil batbat ng mga kuwestiyonableng pondo na hindi malaman kung saan nga ba gagamitin.

Naging mainit ang mga talakayan sa loob at labas ng Kongreso sa confidential and intelligence funds (CIFs) ng iba’t ibang opisina at ahensiya kahit wala sa mandato ng mga ito ang pagsasagawa ng programa para sa pambansang seguridad.

Walang kaseguruhan ang mamamayan kung saan mapupunta ang pondo. Pilit ding pinagtatanggol at pinagtatakpan ng mga kaalyadong mambabatas ng administrasyon ang mga kuwestiyonableng pondo.

Nagdesisyon man ang Kamara na tanggalin ang mga CIF sa mga ahensiya kabilang ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education DepEd) upang ilipat sa Philippine Coast Guard na nagpapatrolya sa West Philippine Sea at sa iba pang ahensiyang may mandato sa pambansang seguridad, nananatiling may CIF sa Malacañang.

Maliban sa mga pondong hindi natin alam kung saan mapupunta, malaki rin ang dagdag na pondo sa mga proyektong imprastruktura. Nariyan din naglalakihang lump sum appropriation sa porma ng Special Purpose Funds (SPFs) na maihahalintulad sa pork barrel.

Pondo sa abuso’t korupsiyon

Umaatikabo ang mga naging debate sa plenaryo ng Kamara sa CIF ng OVP at DepEd na parehong pinamumunuan ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte.

Sa 2024 National Expenditure Program, humihingi ng CIF na P500 milyon ang OVP at P150 milyon ang DepEd. Katuwiran ng pangalawang pangulo, para raw ito sa kontra-insurhensiyang kampanya sa mga paaralan.

Liban sa OVP at DepEd, humihingi rin ng CIF ang maraming ahensiyang wala namang mandato sa pambansang seguridad.

Sa kabuuan, nasa P10.140 bilyon ang CIF na hinihingi ng iba’t ibang ahensiya sa 2024.

Ilan dito ang P50 milyon sa Department of Agriculture (DA), P111 milyon sa Department of Finance, P300 milyon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at P471.29 milyon sa Department of Justice.

May P1.897 bilyon naman ang CIF sa Department of National Defense (DND) kung saan nakapailalim ang pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at P906 milyon sa Department of the Interior and Local Government na nakapailalim ang pondo ng National Police Commission at Philippine National Police (PNP).

At ang pinakamalaki, ang CIF ng Office of the President (OP) na P4.56 bilyon.

Kasama rin sa badyet ng OP ang dambuhalang P733.2 bilyon na SPFs na tinawag na “presidential pork barrel” ng mga kritiko. Naging kontrobersiyal ang pork barrel ng mga mambabatas at SPFs ng Malacañang noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Nasa desisyon ng pangulo kung paano gugugulin ang SPFs na bulnerable sa padrino at korupsiyon dahil sa kawalan ng transparency sa paggamit nito.

Pero bakit mariin ang pagtutol ng oposisyon sa mga ganitong uri ng pondo?

Paliwanag ng Gabriela Women’s Party, limitado ang audit na maaaring gawin sa mga pondong ito. Hindi rin naisasapubliko ang resulta ng audit kaya bulnerable sa korupsiyon. Kataka-taka din anila ang alokasyon sa mga ahensiyang walang CIF ngayong taon kagaya ng DA at DICT.

Para sa dayuhan at negosyo

Mula sa Build Build Build ng nakaraang administrasyon ni Rodrigo Duterte na naging Build Better More sa kasalukuyang rehimeng Marcos Jr., ipinagmamalaki ng gobyerno ang kabi-kabilang proyektong pang-imprastruktura para umano sa kaunlaran.

Lolobo hanggang P1.42 trilyon ang pondo para sa imprastruktura. Paliwanag ng pamahalaan, makatutulong umano ito sa paglago ng ekonomiya dahil dadami ang trabaho.

Ngunit ayon sa IBON Foundation, “short-sighted and ineffective” ang ganitong estratehiya dahil pabor lang ito sa iilang malalaking dayuhan at lokal na korporasyon habang nawawalan naman ng tirahan at kabuhayan ang mga mamamayang masasagasaan ng mga proyekto. Marami rin sa mga proyekto ang konsentrado sa Kamaynilaan at mga karatig lalawigan.

“Napakalimitado ng long-term impact [ng mga proyekto] dahil walang maayos na patakaran para sa modernisasyon ng agrikultura at magtatag ng Pilipinong industriya. Kung anuman, pananatilihin lang nito ang kasalukuyang mababang value-added at non-industrial na istruktura ng ekonomiya,” paliwanag ni IBON Foundation executive director Sonny Africa sa Ingles.

Kung titingnan ang mga proyekto, marami ang hawak ng iilang korporasyon tulad ng San Miguel Corporation sa Bulacan Aerotropolis, Skyway at MRT-7 at Metro Pacific Tollways Corporation sa Cavitex-Calax Link, Cavitex-C5 South Link, Cavite-Laguna Expressway at Nlex-Slex Connector Road.

May sosyo naman ang mga kompanyang Hapones sa EEI Corporation at Megawide Construction Corporation sa Metro Manila Subway at iba pang mga railway project.

Maliban sa inutang ang malaking bahagi ng gastusin sa mga proyekto, nakasandig din ang mga ito sa importasyon mula sa United States, China, Japan at iba pang bansa dahil walang kakayahan ang Pilipinas na yariin ang mga materyales na kinakailangan.

Sa mga proyektong ito, apektado rin ang kalikasan at mamamayan. Ilan lang dito ang reklamasyon sa Manila Bay at iba pang baybayin sa bansa, pagkawala ng mga lupang sakahan at kabahayan para gawing kalsada at pagkasira ng mga kabundukan dahil sa quarrying at pagtatayo ng dam.

Patuloy na panunupil at pasismo

Tumitindi ang mga atake ng estado sa karapatan ng mamamayan. Patunay dito ang pagtaas ng badyet para sa sektor ng depensa, kabilang dito ang pondo ng DND, AFP at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Sa patuloy na paglaban ng mamamayan sa mga mapanirang proyekto, ginagamit ng gobyerno ang armadong lakas nito laban sa mamamayan upang supilin ang mga sumasalungat.

Tulad na lamang ng nangyari sa dalawang environmentalist na sina Jonila Castro at Jhed Tamano na inalok ng militar ng iskolarsyip at pangkabuhayan.

Saan naman kinukuha ng militar at pulisya ang pondo para supilin ang mamamayan?

Para sa susunod na taon, nasa P282.7 bilyon mula P232.5 bilyon sa kasalukuyang taon ang pondo para sa mga programang militar at pandepensa.

Dito kukunin ang pondo para sa pagtatayo at pagsasaayos ng mga pasilidad ng AFP na gagamitin ng mga tropang Amerikano sa mga dagdag na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site. Kumbaga, mamamayang Pilipino pa ang magbabayad sa pamamalagi ng mga sundalong Amerikano sa ating bansa.

Kasama rin sa halagang ito ang P50 bilyon para sa Revised AFP Modernization Program na ipambibili ng mga ng multi-role fighters, radars, frigates, missile systems at rescue helicopters sa susunod na limang taon.

Ginagamit ng AFP ang argumentong para umano sa pagdepensa sa West Philippine Sea ang AFP modernization. Ngunit hanggang ngayon, mas madalas pa ang pag-deploy ng mga puwersa nito sa mga komunidad sa kanayunan imbis na pagtuunan ang nangyayaring panghihimasok ng China sa ating Exclusive Economic Zone.

Ayon sa grupong Anakbayan, patuloy na pinopondohan ang AFPMP na tanging dahas sa mamamayan ang dadalhin imbis na pondohan ang edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan.

Nasa P9.7 bilyon naman ang pondo para sa NTF-Elcac na kilala sa panre-red-tag ng mga kritiko at aktibista. Kasama rin sa pondo nito ang P1.08 bilyon para sa PNP at P8.64 bilyon sa Barangay Development Program.

Sinabi ng human rights watchdog na Karapatan, magbubunga lang ng mas maraming paglabag sa karapatang pantao ang dagdag pondo sa sektor ng depensa.

Nakaasa sa pautang

Sa P5.768 trilyon na panukalang badyet sa 2024, nasa P4.3 trilyon lang ang kayang pondohan ng gobyerno batay sa makokolektang tax at non-tax revenue.

Kulang pa ng P1.4 trilyon ang makokolektang kita ng gobyerno para tustusan ang panukalang badyet. At dahil kulang ang kikitain sa buwis at iba pang pinagkukunan ng kita, mangungutang ang pamahalaan para punan ito.

Sa kabila ng mataas na direkta at hindi direktang buwis na ipinapataw sa mamamayan, kulang pa rin ang kinikita.

Patuloy namang nababawasan ang buwis ng mga mayayamang pamilya at malalaking korporasyon dahil sa mga reporma sa buwis ng pamahalaang Duterte.

Ayon kay Africa, magkakaroon ng tinatayang kabawasan sa kita ng gobyerno na P302.9 bilyon sa 2023 dahil mga tax reform ng nagdaang administrasyon.

Tumaas naman ang mga bagong buwis na ipinapataw sa mga konsyumer tulad ng excise tax sa mga produktong petrolyo. Dagdag ni Africa, nakaamba ring magkaroon ng buwis sa digital services, single-use plastics, sweetened beverages, junk food at Motor Vehicle and Road Users Tax.

“Sinusubukang punan [ng gobyerno ang mas mababang buwis ng mayayaman at korporasyon] ng mga mas mataas na consumption tax na pabigat sa mahihirap at panggitnang uri,” ani Africa.

Tinatayang sa pagtatapos ng 2024, aabot sa P15.8 trilyon ang utang ng Pilipinas o may pagkakautang na P138,764 ang bawat mamamayang Pilipino kung hahatiin ang kabuuang utang sa tinatayang populasyon ng bansa sa kalagitnaan ng 2024.

At para mabayaran ito, awtomatiko sa batas ang paglalaan ng pambayad utang na nasa P1.9 trilyon sa 2024. Mula sa halagang ito, P670.5 bilyon ang mapupunta sa interes at P1.44 trilyon naman sa principal amortization.

Pagbabantay ng mamamayan

Tumutok ang mga mata ng mamamayan sa mga pagdinig sa Kamara. Marami ang tumutol sa mga kuwestiyonableng pondo. Tinanggal man ng Kamara ang CIF ng OVP at DepEd, may mga pagdinig pa sa Senado na kailangang bantayan.

Maaari pa ring maibalik ang mga alokasyong ito sa oras na magkaroon ng pagpupulong ang parehong kapulungan ng Kongreso upang aprubahan ang huling bersiyon ng badyet.

Higit dapat ang pagmamatiyag ng mamamayan sa galaw ng mga talakayan dahil kaban at kinabukasan ng bayan ang nakataya.

Basahin ang unang bahagi

Read more

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This