Ni CARINA MAGTIBAY
Pinoy Weekly
Sa inilabas na resulta ng sarbey ng Social Weather Stations para sa ikalawang kuwarto ng 2024, 23% ng mga respondent ang nagsabing wala silang inaasahan na matutupad sa mga pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Nasa 48% naman ang sumagot na ilan lang ang matutupad, habang 9% lang ang naniniwalang matutupad ang lahat ng kanyang mga pangako.
Sa pahayag ni Marcos Jr. nitong Ago. 9 sa kanyang opisyal na social media, ipinangako niya na ipagpapatuloy ang umano’y pag-unlad ng ekonomiya ng bansa at pabababain ang antas ng kahirapan sa bansa.
Muling bibigyang prayoridad umano ng administrasyong Marcos Jr. ang pagpopondo ng mga “job-generating infrastructures” sa balangkas ng Build Better More at “social security programs.”
Binatikos naman ng Kilusang Mayo Uno ang ipinagmamalaking pagdami ng may trabaho sa bansa.
Ayon sa sentrong unyon, ang mga nalikhang trabaho sa ilalim ni Marcos Jr. ay mababang kalidad at panandalian lamang. Dagdag pa anila ang katotohanang nagtitiis ang mga manggagawa sa napakabarat na sahod.
Sa kasalukuyan, nananatiling walang makabuluhang pagtataas sa sahod ang mga manggagawa. Malayong-malayo ang bagong minimum wage sa National Capital Region na P645 sa tinatayang family living wage na P1,207 ayon sa Ibon Foundation.
Kasabay nito, muling sumirit ang implasyon sa bansa sa 4.4% noong Hulyo 2024 dahil sa mataas na presyo ng pagkain at mga non-alcoholic beverages, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority.