40 mangingisda, kabilang ang 6 na bata, hinuli sa Taliptip

0
123

By Kelli Castro

Hinuli ng 2 hinihinalang sundalo ang nasa 40 mangingisda, kabilang ang anim na bata, mula sa Malolos, Hagonoy at Obando at sapilitang dinala sa military detachment sa Sitio Dapdap, Brgy. Taliptip, Bulakan, Bulacan noong Oktubre 29, alas-12 ng tanghali.

Sa panayam sa mga biktima, pumapalaot sila para manghuli ng isda nang lapitan sila at hulihin ng dalawang armadong lalaking nakabantay sa mga barkong nagsasagawa ng dredging o paghuhukay ng lupa sa ilalim ng dagat.

Hindi umano nakuha ng mga mangingisda ang pagkakakilanlan ng mga dumakip sa kanila ngunit  namukhaan nila ang isa sa mga lalaki na isa sa mga sundalong dati nang rumoronda sa kanilang sitio.

Isinasagawa ang dredging kaugnay ng P735.6-bilyong Aerotropolis project ng San Miguel Corporation (SMC), kung saan balak itayo ang New Manila International Airport sa 2,500-ektaryang lupain sa Brgy. Taliptip.

Patung-patong na banta

Napilitan umano ang mga mangingisda na sumama sa dalawang bantay dahil pinagbantaan silang bubutasin ang kanilang mga bangka kung hindi sila aahon.

Pagkaahon, inilista ang kanilang mga pangalan, kinunan ng litrato at dinala sa malapit na military detachment. Iginiit ng mga humuli na bawal daw mangisda malapit sa tinatayuan ng Aerotropolis.

Pagdating sa detachment, inutusan umano sila na mag-igib ng tubig na galing pa sa kabilang sitio na may 1 kilometo ang layo at magsibak ng kahoy maghapon.

Kwento ni Carlo (13 taong gulang, hindi tunay na pangalan), isa sa mga batang kasamang dinakip, pinagbabantaan sila na dadalhin sa presinto dahil sa kanilang ginawang pangingisda.  “Ididiretso daw po kami dun sa kulungan, sa kulungan po sa Taliptip,” ani Carlo.

Bandang alas-5 na ng hapon nang makauwi ang mga biktima matapos sunduin ng isang opisyal ng kanilang barangay.

Serye ng pagdakip

Sa parehong araw, bandang alas-6 ng gabi, pito pang mangingisda, kabilang ang isang menor de edad, ang hinuli rin ng nasabing mga bantay. Gaya ng mga naunang dinakip, dinala rin sila sa military detachment, at pinagawa ng mga sign board na may nakasulat na “bawal pumasok” at “proyekto ng gobyerno.”

“Kami po yung huling nahuli, natakot po kami nu’ng naglagay ng magasin (sa baril). Akala namin babarilin na kami,” kwento ni Jepoy (hindi tunay na pangalan, 12 taong gulang), ang menor de edad na kasama sa mga dinakip.

Pinauwi sila bandang alas-8 ng gabi at pinagbantaan pang pagmumultahin na sila ng P40,000 sakaling mahuli silang mangisda sa lugar sa paligid ng Aerotropolis, na pagmamay-ari daw ng gobyerno.

“Para na raw po naming kinalaban ang gobyerno,” dagdag ni Jepoy.

‘Perwisyong proyekto’

Patung-patong na pasakit na umano para sa mga mangingisda ang dala ng pagsisimula sa pagtatayo sa Aerotropolis project. Dati, kumikita ng P150 hanggang P500 ang mga maliliit na mangingisda mula sa “pangangapa” o “hand fishing” sa mababaw na parte ng dagat. Ganito ang kabuhayan ng maraming maralitang mangingisda na walang bangka o lambat, kabilang ang mga batang kasama sa mga hinuli.

Ayon sa mga biktima, hindi na nila nagagawa ang pangangapa at napipilitan silang pumalaot sa malayo dahil natataboy ng ginagawang paghuhukay sa baybayin ang mga isda.

Bukod sa perwisyo sa hanapbuhay, nagbunsod din ang pagsisimula ng Aerotropolis project ng pagpapalayas sa mga residente ng Brgy. Taliptip. Pangamba ng mga residente ng Brgy. Taliptip, ganitong perwisyo din ang mararanasan ng mga residente sa baybayin ng karatig na mga bayan ng Obando, Malolos, Hagonoy, at Paombong kapag umabot na doon ang konstruksyon kaugnay ng Aerotropolis project.

Disyembre noong nakaraang taon nang maghain ang grupo ng mga manginigisda kasama ang Oceana Philippines ng petisyon para sa “Writ of Kalikasan” laban sa Aerotropolis project. Ayon sa petisyon, bahagi ng baybaying saklaw ng proyekto ay nauna nang idineklarang “Bulacan Fishing Reservation.” Saklaw rin ng tinatawag na “forestland and permanent forestland” ang 2,500 ektaryang lupang balak tayuan ng paliparan, ayon sa National Mapping and Resource Information Authority.

Bukod sa kagutuman bunsod ng kawalan ng nahuhuling isda ay humaharap ngayon sa takot na mapalayas din sa kanilang tirahan at tuluyang mawalan ng hanapbuhay ang iba pang residente ng buong baybayin ng Bulacan.

Ninanais ng mga residente na huwag matuloy ang airport para mapigilan ang pangamba sa kawalan ng tirahan at hanapbuhay ngunit sa kagyat.

“[Sana] payagan na po kaming mangapa do’n (sa dagat) habang ‘di pa po ginagawa yung airport, habang ‘di pa natatambakan,” ayon kay Carlo.

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.