FACT CHECK: Natupad ni Duterte ang 9 sa 10 niyang pangako noong kampanya
May 6, 2022

Noong Abril 10, inilathala ng Manila Bulletin ang artikulong “Bong Go: 9 out of 10 of Duterte’s campaign promises have been satisfied” kung saan sinabi ni Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na natupad daw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karamihan sa kanyang mga ipinangako sa kampanya noong tumatakbo pa lamang siyang sa pagkapangulo noong 2016.

Sinabi ni Go na natupad ni Duterte ang kanyang mga pangako tungkol sa kapayapaan at kaayusan, pagpapaunlad ng imprastraktura, pagsugpo sa kahirapan, at sa laban sa korapsyon. Kahit walang detalyeng ibinigay ang senador para suportahan ang kanyang mga pahayag, sinabi pa niyang publiko ang saksi sa tagumpay ng pangulo.

MGA SABI-SABI:

Matagumpay na natupad ni Duterte ang 9 sa 10 niyang pangako noong kampanya

MARKA:

HINDI TOTOO 

ANG KATOTOHANAN: 

‘Maraming’ ipinangako si Duterte noong kampanya noong 2016. Kahit na sinabi ni Sen. Go na “9 sa 10 pangako ang natupad,” hindi niya naman talaga inisa-isa ang sampung pangakong nabanggit, at sa halip, mas binigyang-pansin niya ang mga punto sa (1) kapayapaan at kaayusan, (2) pag-unlad ng imprastraktura, (3) pagsugpo sa kahirapan, at (4) laban sa korapsyon.

Sa kapayapaan at kaayusan, nangako si Duterte na isusulong niya ang pulitikal na kasunduan sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. Pero maaga pa lang sa kanyang termino, gumuho na ang usapang pangkapayapaan, at mula noon, pumihit ang administrasyong Duterte tungo sa pag-aresto at pagpatay sa peace consultants ng NDF. Opisyal pang itinalaga ng gobyerno na ‘terorista’ ang CPP-NPA-NDF, at dumating pa sa puntong nagdeklara ng “all-out war” laban sa CPP-NPA-NDF.

Sa pagpapa-unlad ng imprastraktura, naunang ipinangako ni Duterte na magpapatayo siya ng 119 na ‘malaking’ proyekto sa ilalim ng programang Build, Build, Build (BBB). Ngunit sinabi ng research firm na Pantheon Macroeconomics na bigo ang administrasyong Duterte na makamit ang “ambisyosong” target nito. Inamin ng punong tagapagpatupad ng BBB at DPWH Undersecretary Emil Sadain, na 18 sa 119 na proyekto ng BBB ang matatapos bago magwakas ang termino ni Duterte.

Sa pagsugpo sa kahirapan, inilabas ni Duterte ang “AmBisyon 2040,” ang programang pang-ekonomiya ng gobyerno na naglalayon sanang pababain ang tantos ng kahirapan sa 14% pagdating ng 2022. Ngunit kahit na ang punong ekonomista ng gobyerno na si NEDA Secretary Karl Kendrick Chua ay inaming “hindi maaabot” ang 14% na target. Sa halip na mabawasan ang kahirapan, lalong dumami ang mga mahihirap na Pilipino mula 3.9 milyon hanggang 26.1 milyong indibidwal sa pagitan ng unang semestre ng 2018 at unang semestre ng 2021, ayon sa IBON Foundation.

Sa laban sa korapsyon, ipinangako ni Duterte na hindi niya palalagpasin “ni simoy” ng korapsyon. Pero ilang iskandalo ng korapsyon din ang yumanig sa administrasyong Duterte, kabilang na dito ang multi-bilyong kontrobersya sa Pharmally na tungkol sa overpricing ng personal protective equipment na binili ng gobyerno noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Sa huli, binawi ni Duterte ang kanyang pahayag at sinabing “corruption is endemic in the government.” Sa 2021 Corruption Perception Index of Transparency International, ang marka ng Pilipinas ay bumaba tungong “historic low,” sa ranggong ika-117 sa 180 bansa.

Dagdag pa rito, hindi rin natupad ng administrasyong Duterte ang ilan pa sa kilalang mga pangako nito kasama ang pagtapos sa “endo” at ang pagtanggol sa West Philippine Sea.

BAKIT KAILANGANG I-FACT CHECK: 

Sa kasagsagan ng kampanya, hindi lang importante na isaalang-alang ang mga pangako sa kampanya na inihahain ng mga kasalukuyang kandidato. Kasama rin dapat ang pagtatasa kung paanong ginampanan ng kasalukuyang administrasyon ang mga pangako nito noong nakaraang eleksyon. Ang mga pahayag sa publiko na pumupuri sa tinatawag na mga nakamit ng administrasyon, katulad ng sinambit ng naturang senador, ay matama lamang na suriin, lalo pa’t kaugnay ito ng interes ng publiko at direktang makakaapekto kung paano pipili ng susunod na mga pinuno ang mga botante. – Vanessa Adolfo at Jamaica Marciano

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

Read more

42 sa SONA51, laya na; Pag-aresto sa protesta, kinundena

42 sa SONA51, laya na; Pag-aresto sa protesta, kinundena

Isang araw matapos ang aresto ng kapulisan sa tinaguriang SONA51, nakalaya na ang 42 na indibidwal nang walang kasong isinampa. Sasampahan naman ng Quezon City Police District at ng kumpanyang Meralco ng iba't ibang mga kaso ang siyam na inaresto, kabilang ang...

Kampanyang Laya para sa mga bilanggong pulitikal, inilunsad

Kampanyang Laya para sa mga bilanggong pulitikal, inilunsad

Ni JOHN AARON CORPORAL at EMMANUEL GATA “Palakasin natin ‘yung kampanya sa national and international level para palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal, para ma-raise ang awareness kung sino sila at i-demand sa Marcos administration na palayain sila.” Ito ang...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This