Seryosong bagay ang pagtakbo bilang halal na lingkod-bayan. Malaki ang epekto nito sa kinabukasan ng mamamayan kaya’t marapat lang na seryosohin at igalang ng mga partidong politikal ang proseso ng halalan.
Nakadidismaya na lantarang inaabuso ng mga partidong politikal sa bansa ang pagpapalit ng kandidato sa ilalim ng Omnibus Election Code kahit natapos na ang paghahain ng kandidatura noong Oktubre 8.
Matatandaan na sa huling halalang pampanguluhan, pinalitan ni Rodrigo Duterte na noo’y alkalde ng Davao City si Martin Diño bilang kandidato ng PDP-Laban nang umatras ang huli upang bigyang daan ang kandidatura ni Duterte.
Ngayong natapos na ang paghahain ng kandidatura at nalalapit na ang halalan, hindi pa rin natatapos ang mga usap-usapan sa pagtakbo sa pagkapangulo ni Sara Duterte-Carpio na naghain ng kandidatura sa pagkaalkalde ng Davao City.
Nagpahayag si Senador Bato Dela Rosa, na umamin na tinawagan siya para maghain ng kandidatura sa pagkapangulo ilang oras lang bago ito isara ng Commission on Elections (Comelec), na handa siyang bawiin ang kanyang kandidatura upang bigyang daan ng anak ng pangulo.
Napabalita rin na naghain ang isang ‘di kilalang indibidwal bilang pangulo sa ilalim ng Lakas-CMD, partido ng dating pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo.
Inamin din ng Lakas-CMD kalaunan na isang placeholder lamang ang naghain ngunit maaaring mapalitan sa oras na magdesisyon si Duterte-Carpio na tumakbo sa pagkapangulo.
Dahil sa mga pahayag na ito ng pagpapalit ng mga kandidato, naghain ng panukala ang mga kinatawan ng Makabayan sa Kamara upang amyendahan ang Omnibus Election Code, partikular ang probisyon sa paghalili ng kandidato. Naghain din si Rep. Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro City ng panukala na may parehong hangarin.
Inilarawan ni Rep. Carlos Zarate ng Bayan Muna na isang pangungutya sa prosesong elektoral at paraan ng panloloko sa mga botante ang ginagawang substitution ng kandidato.
Ayon naman kay Rep. Ferdinand Gaite ng Bayan Muna, insulto sa mga botante ang ginagawang pagpapalit ng kandidato at kinakailangang mapigilan ang ganitong pangyayari na nagpapalala lamang sa mala-karnabal na halalan sa bansa.
Sa ilalim ng kasalukyang Omnibus Election Code, pinahihintulutan ang substitution kung ang orihinal na kandidato ay nasawi, diskwalipikado o iniatras ang kandidatura.
Sa panukala ng Makabayan na House Bill 10387, pahihintulutan lamang ang substitution ng kandidato kung ito ay nasawi, diskwalipikado o permanenteng nawalan ng kakayahan.
Nais naman ng panukala ng Rodriguez na absolutong ipagbawal ang substitution ng kandidato ng mga partidong politikal.
Malinaw na ginagamit at inaabuso ng mga partidong politikal ang huling dahilan sa substitution sa kasalukuyang batas upang lalong manglito ng botante at paguluhin ang magulo na ngang halalan sa bansa.
Hindi katanggap-tanggap ang paglalagay ng placeholder at pagpapalit ng kandidato sa proseso ng halalan. Minamaliit ng ganitong kalakaran ang proseso ng halalan at ginagawang publicity stunt ng mga partidong politikal.
Dapat seryoso ang mga kandidato sa anumang halal na posisyon sa pamahalaan sa simula pa lamang. Hindi isang biro o publicity stunt ang proseso ng halalan na isa sa natitirang direktang politikal na pakikilahok ng mamamayan.









