Air strikes sa Marawi, sinimulan kahit marami pa ang di nakalikas; 1 sibilyan sugatan

0
323

Nasa kani-kaniyang mga tahanan pa ang mga residente ng Brgy. Marinaut sa Marawi City nang magsagawa ng air strikes ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaninang 10 a.m. Tinamaan ng splinter sa kanyang likuran ang sibilyan na si Jalil Hassan, 30.

Ayon sa mga ulat ng grupong Suara Bangsamoro at Bangsamoro National Movement for Peace and Development (BMPD), maraming residente pa ng Marawi City ang hindi pa nakakalikas nang simulan ng AFP ang air strikes laban sa tinutugis na Maute Group.

Nagdulot ng takot ang air strikes, na nagtulak sa tinatayang 1,000 na katao mula sa Barangay Mapandi, East Marinaut, Bango, at Matampay na magsilikas.

“Maya’t maya ay may naririnig kang pagbagsak ng bomba sa lupa,” ayon kay Jerome Succor Aba, tagapangulo ng Suara Bangsamoro, sa panayam ng Altermidya.

Sa tantiya ng grupo, nasa 90 porsiyento na ng mga residente ng Marawi City ang nakalikas. Pero marami pa umano ang natitira sa kani-kanilang mga tahanan.

Kinumpirma ito ni Drieza Abato Lininding, bise-presidente ng Bangsamoro Movement for Peace and Development.

“Mayroong naiwan na mga matatanda kasi bed-ridden na. Hindi maiwasan na may mga kamag-anak na maiiwan din. So iba’t ibang istorya. Maraming insidente na ganun kasi hindi naman lahat may access sa transportasyon, wala nang public transportation, kanya-kanya na,” aniya sa isang panayam.

Dagdag pa ni Lininding, grabe ang trapik sa haywey—ang dating 45 minuto na biyahe paalis sa Marawi ay naging walo hanggang 12 oras. “So kahit kung may sasakyan sila, kung pabalik-balik, wala na, hindi na kaya,” ayon sa lider-Moro.

Napalala umano ang sitwasyon ng lockdown na kasalukuyang ipinapatupad sa lungsod, bunsod ng napipintong pagdating ni Pangulong Duterte.

“Napakahirap hindi alam ng tao kung saan sila pupunta. Baka pag-initan sila ng Maute Group, o kaya paghinalaang sympathizer o supporter ng Maute Group. Napakahirap, nakakalungkot, nakakaiyak ‘yung sinapit ng mga tao,” aniya.

Dagdag pa niya, “hanggang ngayon, mayroon pa ring mga nagte-text, ‘i-rescue niyo kami dito, hindi kami makalabas…napaka-helpless.”

Nag-apela ang Suara Bangsamoro at BMPD sa AFP na itigil ang air strikes sa ngalan ng mga sibilyan.

Samantala, may 1,832 pamilya mula sa Sagurian, katabing munisipalidad ng Marawi, ang hindi pa umano nakakatanggap ng food assistance simula noong May 23.

Ayon kay Aba, hindi makapasok ang pagkain mula sa Department of Social Welfare and Development sa Iligan dahil sa pinahigpit na seguridad sa military checkpoints.

Ulat nina Micah Magaro at King Catoy

Leave a reply