Alaala ng isang kaibigan, ka-tandem, lider-maralita
May 22, 2023

By KA BEA ARELLANO
Pinoy Weekly

Marahil gasgas na sa marami ang kuwento ng maralitang lungsod. Iyong naghangad ng mas maayos na buhay sa siyudad, pero mabibigo at lalong malalagay lamang sa peligro.

Sa isang banda, ganito rin ang buhay ni Carlito “Karletz” Badion. Ang malaking kaibahan, naging pambansang lider maralita si Karletz bilang secretary general ng Kadamay at kasamahan ko nang maraming taon. Ginugunita natin ang kanyang buhay. Tatlong taon na mula nung pinaslang siya ng militar noong Mayo 26, 2020 sa edad na 52.

Tubong Leyte, lumuwas sa Maynila upang magtrabaho si Karletz sa pag-aakalang aasenso siya. Edad 22 lang siya noon. Sari-sari at panandaliang trabaho ang kanyang pinasukan.  Sa isang garment factory sa Pasay City siya tumagal bilang taga-tabas ng damit. Kontraktuwal siya hanggang sa nagsara ang pagawaan at nawalan siya ng hanapbuhay.

Diyan sa isang komunidad sa tapat ng SSS siya dati nakatira kasama ang kanyang misis. Tulad ng maraming maralitang Pilipino, na-demolish ang kanilang tinutuluyan at na-relocate sila sa Payatas na talahiban pa noon. Bandang Lupang Pangako, Payatas B sila nakapuwesto. Nag-work-from-home naman siya bilang mananahi ng leather ng iba’t ibang gloves ng manggagawa. Mano-mano ang paggawa at batay sa bilang ng nagawa ang kita.

Sa Payatas din siya unang napasapi sa lokal na samahan ng mga manggagawa.

Sa taong 2000 noong magkaroon ng trahedya sa Payatas. Gumuho ang bundok ng basura at nalibing nang buhay ang mahigit 700 na tao. Nawasak ang tahanan ni Karletz. Binawian ng buhay ang mga kasamahan niya.

Sa panahong ito nagkakilala kami ni Karletz sa Kasiglahan Village sa Rodriguez, RIzal kung saan na-relocate ang mga biktima ng trahedya. Naging miyembro na rin siya ng Kadamay.

Ang kanyang galit at poot, ginamit niya para manawagan ng hustisya para sa mga taga-Payatas. ‘Di nagtagal, naging lider na rin siya ng Kadamay sa Rodriguez. At noong 2008, naging bahagi na rin siya ng pambansang opisina ng Kadamay.

Noong simula, babad si Karletz sa paggawa ng mga streamer. Mahusay siyang mag-lettering. Tagahatid din siya ng mga kasama sa rally bilang drayber ng grupo.

Taong 2012 naman at pareho kaming nahalal na lider ng Kadamay, ako bilang tagapangulo at siya naman ang secretary general. Tandem kami sa gawain, ako masasabi sigurong mas kalmado, siya naman punong puno ng sigasig. Minsan nga lang, mainitin ang ulo lalo kapag umaatake ang kanyang high blood.

Pero mas madalas naman ang palitan ng nakakatawang mga kuwento kasama si Karletz. May pilay siya sa paa buhat ng sakit na polio noong bata siya.

Biro ni Karletz bago magsimula ng talakayan sa mga komunidad, “Oo, alam kong may problema ako sa height. Magkaiba iyong sukat sa kaliwa at kanan.”

Gayunpaman, si Karletz ang madalas na unang rumeresponde sa komunidad tuwing may demolisyon o usapin sa mga pabahay ng gobyerno. Madalas mong makikita sa unahan ng hanay para humarap sa mga pulis na gustong humarang sa aming martsa.

Palaaral din si Karletz sa mga laban, mula sa pagtatanggol sa karapatan sa paninirahan, pagsusulong ng kapakanan ng mahihirap at pagbatikos sa mga pasistang patakaran. Kabisado niya ang mga polisiya.

Noong 2014 naman, inulat ni Karletz ang madalas na pagkausap sa kanya ng isang nagpakilalang ahente ng militar. Maraming alok sa kanya, magandang trabaho, gamit pang-eskwela para sa kanyang anak, regular na groceries para sa buong pamilya. Ang kapalit, sabihin lang ni Karletz lahat ng detalye tungkol sa buhay ng mga iba pang lider ng Kadamay at dalhin sila sa kapahamakan.

Nagtuloy-tuloy ito habang sinasalag ng Kadamay ang iba’t ibang atake. Kailanman hindi pumatol si Karletz sa alok nila. Hanggang sa inabutan na ng lockdown si Karletz sa kanyang probinsya. Noong Mayo 28, 2020, natagpuan ang bangkay ni Karletz sa may tabi ng sapa, nakabaon nang mababaw, dalawang araw matapos siyang paslangin.

Para sa kilusang maralita, malaking kawalan si Karletz. Matapang na lider, nangunguna sa laban, kabilang ang Occupy Bulacan noong 2017. Pero dapat magpursigi at huwag makalimot. Hindi man marinig ni Karletz ang ating pagpupugay, mas mahalagang marinig ng kapwa ang pupugay natin sa kanya pagkat tayo naman ang magpapatuloy sa laban.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

BAYAN to BBM: Do not let PH be another Ukraine

BAYAN to BBM: Do not let PH be another Ukraine

'US puppet Zelensky led his country to war against Russia’ Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) urged President Ferdinand Marcos Jr. to protect the Philippines from becoming another Ukraine, a casualty in another proxy war by the United States of America (USA) against...

ACT announces teaching supplies allowance increase

ACT announces teaching supplies allowance increase

Public school teachers will soon receive higher teaching supplies allowances from the current P5,000 to double the amount, the Alliance of Concerned Teachers (ACT) announced. ACT said it lauds the passage of the the “Kabalikat sa Pagtuturo Act” doubling the benefit to...

Manggagawa ka nga

Manggagawa ka nga

ni DOMINIC NOLASCO Mula sa umagang hindi pa sumisinag ang araw,sa dilim ng bukang liwayway ikaw ang tanglaw,Dala-dala'y Martilyo, Pagkaing baon, at ang iyong bimpo,Kaunting sikap na lang at matatamo ang kalayaang inaasam mo. Sa kamay ng mga mapanupil na korporasyon,Sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This