Amboy sa White House para sa giyera ng amo
May 9, 2023

Sa pagdalaw ni Ferdinand Marcos Jr. kay US President Joe Biden kamakailan, pinagtitibay lamang nito ang mahigit isang siglong ‘di pantay na relasyon ng dalawang bansa.

By MICHAEL BELTRAN
Pinoy Weekly

Sinalubong ng mga nagpoprotestang Pilipino si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang tinutuluyang hotel sa Washington D.C. sa pagbisita niya sa United States (US).

Nasa $7,500 kada gabi ang gastos sa St. Regis Hotel at sinama pa ng pangulo ang 10 miyembro ng gabinete at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Hirit ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) USA na “sampal ito sa mukha sa lahat ng manggagawang Pilipino na nananawagan para sa nakabubuhay na dagdag-sahod.”

Itinaon sa Araw ng Paggawa ang pag-uusap ni Marcos Jr. kay US President Joe Biden. Bilang pangulo, unang pasyal ito ni Marcos Jr. sa White House at unang Araw ng Paggawa din. Pero hindi isyu ng manggagawa ang pinagkasunduan ng mga lider.

Kinondena ng Bayan USA ang pagkikita ni Biden at Marcos Jr. para magpalawig sa usaping seguridad at dagdag na dayuhang pamumuhunan na salamin ng matagal nang ‘di pantay na katayuan ng dalawang bansa.

Nitong Abril lang, inanunsyo ng administrasyon ang apat na dagdag na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa Pilipinas para sa mga sundalong Amerikano.

Kapansin-pansin din ang sunod-sunod na pakikipag-usap ni Marcos Jr. sa mga opisyal ng US patungkol sa seguridad mula pa noong Nobyembre.

Sa Maynila, nagmartsa ang mahigit-kumulang 10,000 manggagawa at mamamayan patungo sa US Embassy noong Mayo 1.

Para kay Renato Reyes Jr. ng Bayan, higit na pinagtibay ng dalawang lider ang Pilipinas bilang “military outpost” ng Amerika sa rehiyong Asya-Pasipiko. Paglabag din raw sa “pambansang soberanya at konstitusyon” itong pangingibabaw ng US sa Pilipinas.

Batikos ni Reyes, sinasamantala ng US ang hidwaan ng Pilipinas sa China at “pumapayag si Marcos na maging lunsaran tayo ng giyera ng US sa rehiyon, taliwas sa ating pambansang interes.”

Pangamba ng Bayan na tuluyang isadlak ang mga Pilipino sa giyera alang-alang sa pakinabang ng Amerika.

Protesta ang sinalubong ng mga Pilipino sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Estados Unidos. Larawan mula sa Bagong Alyansang Makabayan – USA (BAYAN-USA).

Numero unong amo

Sa White House, sinabi ni Marcos Jr. na buhat ng sigalot sa Timog-silangang Asya, “natural lamang para sa Pilipinas na abutin ang kanyang tanging partner sa mga tratado para palakasin ang relasyon natin sa gitna ng tumitinding tensyon.”

Pinuri naman ni Biden ang kanilang “alyansa” para harapin ang mga “bagong hamon” sa pagdepensa ng mga teritoryo.

Para sa ibang political analyst, biglang liko daw si Marcos sa pakikitungo sa Amerika, hindi katulad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kilala sa pagiging malapit sa China.

Pero sa katunayan, hindi naman lumayo ang Pilipinas sa dikta ng Amerika ayon kay Propesor Roland Simbulan, eksperto sa ugnayang US-Pilipinas.

“Ang pakikipagligawan ni Duterte sa China ay pawang sumpong lamang, hinayaan ng Amerika hangga’t hindi naman nakokompromiso ang kanilang mga interes,” ani Simbulan.

Tinawag niyang “lifeline” ng mga pangulong Pilipino, mapa-Duterte o Marcos Jr. ang US.

Paliwanag pa ng propesor, susi ang Pilipinas sa mga plano ng US at China. Pinag-aagawan ng magkaribal na bansa ang West Philippine Sea para makontrol ang kalakalang pandagat, pangingisda at mga yamang mineral at langis.

Sa lumipas na anim na taon, pumapangalawa ang US sa China sa pakikipagkalakalan sa Pilipinas. Pero ‘di hamak na lamang ang Amerika sa pagbebenta ng armas habang ang hukbong sandatahan, nakaasa sa military assistance ng US.

May aktibong bentahan ng armas ang US sa Pilipinas na nagkakahalagang $1.033 bilyon. Tampok din sa 2019 at 2022 ang pagbili ng Department of National Defense ng mga Black Hawk Helicopter sa halagang $865 milyon

Parehong nabubuhay sa suporta ng US ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Marami sa kanilang mga heneral, pinag-aral ng gobyernong US. Likas na kampi sa US ang mga hukbo ng gobyerno.

Ang ayudang militar, hindi naman para sa kakayahang depensahan ang bansa kundi para sa “internal operations ng AFP, dahil gusto ng US na manatiling nakaasa sa kanila ang Pilipinas,” ani Simbulan.

Ibig sabihin, hindi ligtas ang mga kritiko ng gobyerno sa armas na galing US.

Hindi lang madadamay sa giyera ng US, kundi pati sa mga karaniwang Pilipino maaaring itutok ang mga sandatang magmumula sa kanila.

Para sa mga anti-imperyalistang grupo gaya ng League of Filipino Students (LFS), ang ugnayan sa US ay “hindi nakaugat sa pagkakaibigan, ngunit sa pagsasamantala: ng isang kolonya at ng kanyang mananakop.”

Malalim ang relasyon ng mga Marcos sa gobyernong US. Ang Amerika ang isa sa mga pangunahing backer sa pagkapangulo ni Ferdinand Marcos Sr. Larawan mula sa BAYAN-USA.

Batang Macoy, Amboy din

“Welcome back,” bungad ni Biden kay Marcos Jr. “You’ve been here with your father.”

Pinapatungkulan iyong tinakas ni dating US President Ronald Reagan ang pamilyang Marcos matapos silang palayasin ng EDSA People Power.

Malalim ang relasyon ng mga Marcos sa gobyernong US. Ang Amerika ang isa sa mga pangunahing backer sa pagkapangulo ni Ferdinand Marcos Sr.

Kapalit nito, nagpadala naman ang dating diktador ng mga sundalo para sa Vietnam War. Nag-enganyo rin siya ng maramihang pamumuhunan mula sa Amerika, bagay na nagpaliit sa halaga ng piso at pumatay sa maraming lokal na negosyo.

At kahit may umiiral na kaso ng pandarambong ang pamilyang Marcos sa isang korte sa Amerika, pinayagan pa ring makadalaw si Marcos Jr. sa kanilang bansa. Katuwiran ng White House, may “immunity” na raw kasi ang mga pinuno ng bansa.

Para kay Propesor Michael Pante ng Ateneo De Manila University, hinayaan ng US na hindi maparusahan ang mga Marcos at nag-ambag iyon sa pagbabalik nila sa kapangyarihan.

Kagaya noon at ngayon, hangad ng US ang pagkontrol sa isang “masunuring gobyerno sa Southeast Asia.”

Dagdag pa ni Pante, “hindi pag-uusapan ulit ng US ang mga kaso ng pamilya Marcos. Ang mahalaga sa kanila, may mga sundalo sila sa Asya para harapin ang China bilang lumalakas na karibal.”

Mala-kolonyal na estado

Inanunsyo ni Biden ang paglulunsad ng “trade and investment mission” para paramihin ang produkto at negosyong Amerikano sa Pilipinas.

Nauna nang inamin ng pangalawang pinsan ni Marcos Jr. na si Philippine Ambassador to the US Jose Romualdez na prayoridad rin ng dalawang lider ang mga kasunduan sa ekonomiya para lamangan ang China.

Para kay Ibon Foundation executive director Sonny Africa, ito mismo ang hangad ng US sa bansa. Liban sa base militar, ginagawang tambakan din ng mga produkto’t kapital. Dahil diyan, napapanatili bilang “mala-kolonyal” na bansa ang Pilipinas.

Wika din ni Ivan Sucgang ng LFS, “nagpapatuloy ang economic policy na nakaasa sa foreign direct investment imbis na magpundar ng sariling lakas sa mga lokal at maliliit na negosyante ng bansa natin, pamamahagi ng lupa at iba-ibang suporta sa mga magsasaka natin at pagtitindig ng pambansang industriya.”

Nagsabi din ang White House na maglalaan sila ng $5 milyon para pondohan ang mga proyekto sa pagmimina, $3 milyon para sa imprastruktura, $100 milyon sa tubig at $5.3 milyon para sa relief and rehabilitation. Ito’y mga public-private partnership o mga proyektong isasailalim sa mga malalaking kapitalista.

Ayon sa Bayan, pawang mga pabuya lamang ito ng kampo ni Biden. Bira ni Reyes na kung tulong lang sa ekonomiya ang usapin, mabuti pang balikan ni Marcos Jr. ang hinaing ng mga Pilipinong dinedma niya nung Mayo Uno.

“Hanggang ngayon ay walang makabuluhang tugon ang rehimen sa mga batayang kahilingan ng ordinaryong mamamayan: itaas ang sahod, ibaba ang presyo,” ani Reyes.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This