An nawara nga kabukiran (Ang nawalang kabundukan)
September 3, 2023

Nasa laot pa lang, lantad na ang kinalbong bulubundukin ng mga mining company sa Barangay Casuguran sa Homonhon Island, Guiuan, Eastern Samar. Larawan mula kay Karl Montes.

Ni MICHELLE MABINGNAY
Pinoy Weekly

Buhay na pinta ang bumubungad sa kanila dati—nagsasalubong na puting ulap at asul na dagat, mga dahong tinatangay ng sariwang hangin, sumasayaw na mga tangkay ng nagtataasang puno at kababayang may bitbit na mga pagkain.

Ganito nilarawan ni Janice (‘di niya tunay na pangalan) ang kinalakihang isla ng Homonhon sa Guiuan, Eastern Samar.

Limang dekada na siyang naninirahan sa lugar. Maraming krusyal na pangyayari na umano ang kanyang nasaksihan. Ilan sa mga ito ang pagpasok ng mining companies sa isla, ang epekto ng pagmimina sa kanila at sa kanilang kapaligiran, at ang pagsama-sama ng mga residente para labanan ito.

Mapanirang pagmimina

Matagal nang hinuhukay para sa mina ang Homonhon. Noong 1983, nagmina rito ng chromite ang Heritage Mining Corporation. Samantalang noong 2009, sinimulan ng Cambayas Mining Corp. ang operasyon nito at binigyan naman ng permit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Techiron Resources Inc. para magmina sa isla hanggang 2034.

Sa ngayon, may apat na malalaking kompanya ang nagmimina ng nickel at chromite sa Homonhon. Ito ang Emir Mineral Resources Corp., King Resources Mining Corp., Global Min-net Resources Inc. at Techiron. Sa kalapit na isla ng Manicani, nagpapatuloy din ang operasyon ng Hinatuan Mining Corp., pagmamay-ari ng Nickel Asia Corp.

Sabi ni Janice, ang estilo raw ng ibang kompanya ay “exploration” o naghahanap pa lang ng potensyal na miminahin. Kinakatuwiran sa kanila ng mga tauhan nito na “hindi pa ‘yan mina, tinitingnan lang namin.” Kesyo sasampu lang daw sila. Pero napapansin niya na pinapagana na ang payloader at may lamang lupa na ang mga dumadaang dump truck.

“Paano kaya nila nagagawa ‘yon? Paano nakalulusot ‘yon sa DENR? Naisip tuloy namin na siguro tama naman kasi nakalulusot e. Pero paano naman magiging tama kung nakakalbo na ‘yong [bundok]? At kung restricted ‘yong lugar namin?” ani Janice.

Kabilang ang mga kompanyang Techiron, Emir at Hinatuan sa mga ipinasara ni dating DENR Secretary Gina Lopez noong 2017 dahil sa paglabag sa batas at regulasyong pangkalikasan. Pero nakabalik din ang mga ito sa operasyon matapos bawiin ng administrasyong Rodrigo Duterte ang suspensiyon noong 2020.

Ayon sa Mining Act of 1995, bawal magmina sa mga makasaysayang lugar tulad ng Homonhon at Manicani. Kailangang aprubahan muna ito ng National Historic Commission of the Philippines bago mabigyan ng Environmental Compliance Certificate.

Kilala ang Homonhon dahil dito unang dumaong ang barko nina Ferdinand Magellan noong 1521, samantalang ginamit naman ang Manicani bilang naval base ng Allied Forces noong World War II.

Sa ilalim ng National Integrated Protected Area System 1992, tinagurian ding “protected area” ang coastal areas ng Guiuan at mga kalapit nitong isla.

“Pinagtataka talaga ng [mga residente] kung paano sila nakakapag-operate at hinayaang makalbo ‘yong [bundok] namin,” sabi ni Janice.

“Isla kami dito e, konti ang mga tao, [mas] marami ang kabundukan. Pero ngayon, wala na, sinira na nila,” dagdag pa niya.

Epekto sa mga residente

Sa Barangay Casuguran sa Homonhon, halos 300 metro lang umano ang layo ng minahan sa komunidad. Ito pa naman ang sentrong barangay dahil naroon ang simbahan, high school, ospital, daungan ng pump boat at marami pa.

Nang pumunta si Karl Montes, dating residente ng Homonhon at ngayo’y nakatira na sa mainland Guiuan, sa nasabing barangay para kumuha ng retrato, bumati sa kanya ang makapal na alikabok.

“‘Yong camera ko ay sobrang dumi. ‘Yong buhok ko [naging] kulay pula. ‘Yong damit kong kulay puti, hindi ko na [yata] magagamit ulit kasi sobrang maalikabok,” kwento ni Karl.

Ayon kay Janice, tila normal na ang makakita ng residenteng naglilinis para tanggalin ang banika o alikabok na dumikit sa pader ng bahay o bakuran. Pero kahit anong linis, hindi pa rin nawawala ang dumi dahil nanggagaling sa kinalbong kabundukan ang hangin sa kanilang komunidad.

Kaya naman sa Homonhon Island Community Hospital, mabilis na nauubos ang cetirizine o gamot para sa allergy.

Wala na rin silang mapagkukunan ng malinis na inuming tubig. Dati, kilala umano ang Homonhon sa pagkakaroon ng masarap na tubig dahil direktang nagmumula ito sa kalikasan. Bukambibig nga ito ng mga taga-mainland. Pero dahil sa polusyon ng pagmimina, napipilitan na ang mga residente na bumili ng filtered at nasa jug na tubig mula sa Guiuan.

“Feeling namin nasa Maynila na kami kasi kahit tubig, binibili na namin,” wika ni Janice. Imbes na mga tao at mga produktong pang-agrikultura, mga water jug na raw ang karga ng motor boat ngayon.

Nangggaling na rin sa kalapit na barangay na walang pagmimina ang mga isdang kinakain ng mga taga-Casuguran. Dalawa o tatlo na lang kasi ang namimingwit sa kanilang komunidad, dahil mapula o madumi na ang dagat. Hindi na sumasapat ang huling isda para dalhin pa sa lokal na merkado.

Samantala, nagtatrabaho na sa minahan ang mga dating magsasaka. Napilitang silang ibenta ang lupang sinasaka sa halagang mahigit P100,000 na hindi umabot ng isang taon dahil sa mahal ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Ayon mismo sa Philippine Statistics Authority, nananatiling isa sa mga pinakamahirap na probinsya ang Eastern Samar noong 2021 sa kabila ng apat na dekadang pagmimina sa mga isla nito.

Nagmartsa ang mga residente mula sa iba’t ibang probinsya ng Samar noong Agosto 7 para ipakita ang kanilang pagtutol sa pagmimina sa kanilang mga isla. Larawan mula sa Diocesan Commission on Social Action-Justice and Peace (DCSA-JP) of Diocese of Borongan.

Nagkakaisang boses ng Eastern Samar

Noong Agosto 7, nagprotesta ang mahigit kumulang 2,000 residente mula sa iba’t ibang probinsiya ng Samar para irehistro ang kanilang pagtutol sa pagmimina sa mga isla ng Homonhon at Manicani, at iba pang mga isla ng Samar.

“I appeal to our government officials, the DENR, MGB (Mines and Geosciences Bureau), and all stakeholders: please, cancel all mining permits being used by mining companies in our areas. Let us not be blind to the current horrific effects of mining operations on our island,” sabi ni Bishop Crispin Varquez ng Diocese of Borongan.

Para kay Karl, mananatiling ang pagmimina sa kanilang mga isla hanggang walang alternatibong kabuhayan ang mga lokal. Kailangan umanong kumilos ang gobyerno—patigilin ang pagmimina, mamuhunan sa ecotourism at suportahan ang mga komunidad. Sabi pa niya, “malaki ang potensyal ng aming lugar.”

Ganito rin ang sentimiyento ni Janice. Aniya, dapat pakinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga residente at kagyat na suspendihin ang operasyong mina lalo na ngayong patuloy na bumababa ang lupa at anumang oras, puwedeng tuluyang burahin nito ang pinta ng kanilang komunidad.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Silang umaasa sa pasada

Silang umaasa sa pasada

Kristen Nicole Ranario, Ma. Emmylou SolidumPinoy Weekly Hindi maipagkakaila, mga jeepney ang nagsisilbing sandigan ng karaniwang Pilipino upang makipagsapalaran sa karera ng buhay. Sa mas abot-kayang pamasahe at mga rutang kayang-kayang hagilapin, saktong-sakto ito sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This