Ni RAYMUND VILLANUEVA
Kodao Productions
Maraming salamat sa imbitasyon sa akin bilang tagapagsalita at sa Altermidya bilang media partner ng Peryodiskusyon 2025. Binabati ko kayo sa pagpili ng isang napapanahong usapin bilang tema ng inyong aktibidad. Ipagpalagay nating lahat na ekstensiyon ito ng anumang inyong pag-aaral at pagsasanay bilang mamamahayag ngayon at sa hinaharap, at ekspresyon din ng inyong hangaring maging mabuting mamamayan, hindi lamang ngayong halalan kundi sa lahat ng panahon.
Ang aking ihahapag sa inyo ngayong hapon ay ang kaisipang maging makabayang mag-aaral, mamamahayag at mamamayan. Layunin kong ipaunawa na ang mga ito, sa esensiya, ay iisa at hindi dapat ipinaghihiwalay sa anumang pagkakataon.
Kailan lang ay nakapanayam ako ng ilan ninyong kapwa mag-aaral dito sa Bulacan State University para sa kanilang proyekto bilang graduating journalism students. Sa aming panayam, nabanggit ko na isang bangkaroteng kaisipan sa dyornalismo ang “bumalanse sa buo at lahat ng pagkakataon.” Ang ibig kong sabihin: hindi lamang ito makaluma subalit korap na ideyolohiya sa pedagogy at paggampan sa dyornalismo, lalo na sa nakaraan. Ang bigyan ng absolutong pagkakapatas sa espasyo ng pag-uulat ang lahat ng panig sa pagbabalita, impormasyon at opinyon ay hindi angkop, manapa ay hindi makatarungan, sa isang lipunang binubulok ng uri at hindi pagkakapantay-pantay.
Halimbawa nito, sa pagbabalita tungkol sa kandidatura ni Camille Villar at Bulakenyong si Danilo Ramos ng Malolos, matapat na dyornalismo bang matatawag ang walang kinikilingan o kinakampihan sa pagitan ng dalawa at dapat ay magkapareho ang espasyongh ilalaan sa presentasyon ng kanilang kinakatawang posisyon at interes?
Bangkarote rin kung aking ituring ang gawi at kaisipang “official” at “authority” sa balita lamang ang unahin, na ang ibig sabihin ay mas nakalalamang sa pagiging “totoo” ang pahayag, datos, interpretasyon o anupaman na galing sa pamahalaan, negosyo, o anumang “kapangyarihan.” Magkagayon, ang alinmang kaisipan, kahilingan, opinyon o anupaman galing sa hamak ay mas maliit ang halaga at hindi dapat kahati sa balita.
Malasin din natin ang oras na inilalaan ng corporate media maging sa mga artista at kanilang bagong bag at sapatos o biyahe sa ibang bansa upang magliwaliw. Ang lahat ba ay para sa content na lamang, kahit na winawaldas ang pambihirang column space o airtime para makapag-lingkod ng mas makabuluhan ng naaayon sa pangunahing tungkulin ng isang mamamahayag? Mas mahaba at mas marami ang ulat ng corporate media tungkol sa walang katuturang aliw o kabalastugan ng mga sikat kumpara sa pagrarali ng mga tsuper ng dyip na inaagawan ng prangkisa o ang panawagan ng magbubukid na taasan naman ang presyo ng kanilang aning palay.
Ang kanilang ibig: ang ordinaryong Juan at Juana ay konsyumer lamang ng balita at hindi ang sila ang balita. Kung ito ang masusunod at ang karaniwan ang siyang maisingit na laman ng balita ay bilang mga nasagasaan, nasunugan, nagahasa, nakapila sa ayuda, o binaha sa tuwing malakas ang ulan lamang. At kung ang mahihirap at karaniwan man ay mapagbigyan sa airtime at column space, mga reklamador lamang daw sila o mga pala-asa sa pamahalaan dahil mga tamad at hindi nagsikap mag-aral.
Ito rin ang isa sa mga dahilan kumbakit kadalasang ang nasasambit na lamang ng mga ordinaryong mamamayan tuwing nakakapanayam ay: Wala tayong magagawa, kasi ganyan, kesyo ganito ang kalakaran, at dahil mahirap lang tayo. At kung tayo naman ay nagpapaliwanag na tayo ay may magagawa, paparatangan pa tayong terorista ng pamahalaan, militar, pulisya, midya, at ilang mga simbaha’t tunay na panatiko’t hibang.
Ang mga maling kaisipan at gawi sa mas midya ang aming dahilan kumbakit kami sa Altermidya ay umiba sa corporate media at itinatag ang alternatibong pamamahayag na nakatuntong sa karaniwang mamamayan. Sa usapin ng presyo ng langis, ang tsuper at pasahero ang batayan ng aming balita at hindi ang masisibang korporasyong petrolyo at ang inutil na gubyerno. Sa usapin ng para kanino ba dapat kanila ang lupain sa Tungkong Manga sa San Jose del Monte, ang aming ulat ay tungkol sa mga nagbubungkal at hindi yaong mga nagtatayo ng sabdibisyon at shopping mall. Sa pagitan ng mga tumira sa mga reject na pabahay sa Pandi at sa mga bilyonaryong debeloper, hindi kami tutulad sa mga brodkaster ng malalaking istasyon na nagpapaligsahan sa pag-alisputa sa mga mahihirap at walang matirhan.
Ang alternatibong pamamahayag ay walang pagkukunwaring walang pinapapanigan. Panig na panig kami sa mga mahihirap, inaapi at pinagsasamantalahan. Kung sila man ay mag-protesta, sukdulang mag-aklas, hindi namin sila kokondenahin o subukang payapain. Karapatan ninuman ang humingi ng patas na pagtingin—sa isip, sa puso, sa gawa at sa batas, ng dito sa lupa o ng sa langit. Aming itinuturing na tungkulin na ibayong palakasin ang boses ng mga ayaw pakinggan, lalo na sa usaping hustisya sosyal. Ang bayan laban sa pang-aapi, ang bayan para sa pagbabago, ang bayan para sa pag-unlad. Iyan, para sa amin, ang pagbabalanse.
At sa mga pagkakataong ibinalita namin ang mga makapangyarihan, hindi ito upang lalo silang bigyan ng boses o lakas. Hindi rin upang maging pintakasi sa pagitan ng mga kampon ng kadiliman kontra sa kampon ng kasamaan. Inuuulat man namin ang kanilang mga ginagawa, ito ay upang lalong maipakita ang pangangailangang baguhin na nga ang bulok na lipunang kanilang pinaghaharian.
Huwag kayong magugulat sa inyong mga naririnig mula sa akin. Ilan sa mga kasapi ng Unang Kilusang Propaganda para sa kalayaan ng bayan ay mga Bulakenyo. Kilala niyo si Marcelo H. del Pilar? Si Mariano Ponce? Si Pio Valenzuela?
Ang kanilang sinimulang tradisyon ang ipinagpatuloy ng mosquito press noong panahon ng batas militar na pinangunahan din ng naging anak ng Bulacan na si Jose Burgos Jr. Iyan din ang pinagsusumikapang ipagpatuloy ng alternative press, noon hanggang ngayon.
At diyan din natin mauugat ang militante at makabayang pamamahayag ng campus press simula noong buong tapang itong kumampi at pumanig sa mamamayan bago ang pamamamayagpag ng batas militar noong dekada sitenta. Ang campus press ang mataas na porma ng pamamahayag ng mga estudyante sa loob ng pamantasan. Kasama sa tradisyon nito ang mag-ulat at magsulat ng mahahalagang usapin maging sa labas ng kampus.
Ang makabayang tradisyon ng pamamahayag ng mag-aaral, ng makabayang pamamahayag ng alternative, mosquito at maging revolutionary propaganda movement ang siya kong ihinahalimbawa hinggil sa inyong tungkulin bilang estudyanteng mamamahayag ngayong panahon ng halalan.
Mga hakbang
Una, pag-aralan ang kalagayan ng lipunan. Ang mag-aaral, ang mamamahayag, at ang mamamayan ay dapat nag-aaral ng kalagayan ng lipunan. Ilan ang mahihirap at ilan ang mayayaman? Ilang magbubukid ang may sapat na lawak ng lupa upang mabuhay ng marangal at iilan ang nagmamay-ari ng malalaking asyenda? Ilang manggagawa ang may permanenteng trabaho’t nakabubuhay na sahod at ilan naman ang bilyonaryo ng Pilipinas? Ilan ang kabataang nakapag-aaral at ilan ang nasa labas ng pamantasa’t napipilitang mag-hanapbuhay sa murang edad?
Pangalawa, suriin ang mga solusyong inilalako ng mga pampolitikang grupo at ipinapangako ng mga kandidato. Sino sa pagitan ng slate ni Marcos Jr. at slate ni Duterte ang karapat-dapat? Aling slate ang walang bastos o aling slate ang walang mamamatay-tao? Aling independent candidates ang tunay na independent? Alin ang tunay na oposisyon? Dapat pa bang pabalikin ang mga dati nang naluklok pero walang kontribusyon upang baguhin ang bulok na lipunan? Tama ba na may dalawang Cayetano, tatlong Tulfo, dalawang Villar, dalawang Estrada/Ejercito, nagpapalitang Binay se Senado? Dapat bang may bumalik pang Aquino? Tama ba na 80% sa Kamara ay miyembro ng dinastiya, 50% ng partylist ay gayon din, bukod sa karamihan ay walang nirerepresentang marhinalisadong grupo? At bakit ang Makabayan candidates ay mababa ang ranggo sa mga sarbey?
Pangatlo, alamin kung sa iyong tingin ang dapat at sino ang karapat-dapat. Kung mayroon man sa inyo ang boboto kay Ipe Salvador, Willie Revillame, Bato dela Rosa, Bong Go, Jimmy Bondoc at mga tulad nila, maari na nating tapusin ito’t wala na tayong mapagkakasunduan hinggil sa layunin ng pagtitipon nating ito.
Mula sa tatlong hakbang na ito, alamin kung ano ang mga dapat sulatin. Ano ang bibigyang pansin at diin. Ano ang isisiwalat? Alin ang dapat pag-ukulan natin ng pansin, oras at galing?
Unahin ang magsulat sa tingin ninyo ang dapat malaman ng inyong kapwa mag-aaral, ng mga kaibigan, kapamilya at ng buong bayan. Mag-ulat tungkol sa mga sitwasyong sa tingin ninyo ay dapat mabigyang pansin ng mga kandidato o dapat matugunan ng halalang ito. Paghambingin ang mga kandidatong trapo o sa inyong akala ay matino. Manawagan ng malinis at mapayapang halalan. Magsulat ng voters’ education pieces at isiwalat ang mga bawal at ilegal na tiyak na ginagawa ng mga trapo, tulad na lamang ng sobra-sobrang paggasta sa pangangampanya.
Higit pa riyan, tuwiran na sanang itanghal ng inyong mga sulatin at produksiyon ang mga kandidato at partidong may tunay na malasakit sa bayan. Iwaksi ang kaisipang ang pagiging obhetibo ay yaong walang itinatanghal na kandidato kung naghuhumiyaw naman kung sino ang dapat at hindi dapat sa balota. Sayang ang pagkakataon at pagod kung ang inyong ulat ay tulad din lamang nakikita na ng taumbayan sa mga nakapaskil sa mga poster at tarpaulin sa lansangan.
Gamitin ang lahat ng porma: balita, lathalain, editoryal, opinyon, literatura, cartoon, bidyo, podcast. Gamitin ang lahat ng plataporma: diyaryo, onlayn, radyo, telebisyon, polyeto, komiks, istiker, petisyon.
At huli, huwag na huwag ninyong linlangin ang mamamayan sa inyong sulatin na ang halalan ang gamot sa kanser ng lipunan. Mayroon lamang itong maliit na siwang na binubuksan upang makapag-luklok ng bago at matino. Madalas pa nga ay bigo tayo sa hangaring ito. Ang nagkaka-isang pagkilos ng mamamayan ang siyang tunay na makakapagpabago sa bansa. Kung paano ito, sa ibang Peryodiskusyon na natin pag-usapan iyan.
Sumali sa mga organisasyong makapagbibigay sa inyo ng pagkakataong maging mas aktibong mag-aaral, manunulat at mamamayan. Ang manunulat na nag-iisa ang boses ay mahina.
At dahil kayo ay botante’t mamamayan, sino ang iyong iboboto? Magkakasya na lamang ba sa pag-uulat? Ano ang hinihingi sa iyo bilang mag-aaral, mamamahayag, mamamayan at mabuting anak ng bayan?
Kung inyo mang tatanungin ngayon sa akin kumbakit sa kabila ng paggampan ko ng lahat ng ito simula noong ako’y batang tulad niyo ngayon ay lalong umaalingasaw ang kabulukan ng politika sa Pilipinas, aking sasabihing hindi ito ibig sabihin na tumigil na’t maging simpleng tagapag-masid lamang. Ang ibig lamang nitong sabihin, kailangang ibayong gampanan ng kabataan ang hindi dapat iwasang tungkulin ninyong maging pag-asa ng bayan. #
______________________________________
Si Raymund Villanueva ang national chairperson ng Altermidya – People’s Alternative Media Network. Ibinahagi niya ang talumpating ito sa ‘Peryodiskusyon 2025: Tungkulin ng Estudyanteng Mamamahayag sa Halalan 2025’ sa Bulacan State University noong Pebrero 2025.