Ang super majority ni Marcos Jr. sa Kongreso

0
203

Dekanong Makabayan
by Atty. Antonio La Viña

Ngayong opisyal nang nagsimula ang bagong pamumuno ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nais kong talakayin kasama kayo ang isang mahalagang bahagi ng kanyang pagkaPangulo—ang Kongreso.


Sa column ngayong araw, ipapaliwanag ko kung bakit mahalaga ang Kongreso ng Pilipinas at paano ito maaaring maging mapanganib sa ilalim ng bagong administrasyon.

Mahalaga ang Kongreso ng Pilipinas dahil ito ang lehislatibong sangay na nagsusulat at nagpapasa ng mga batas ng bansa. Walang batas ang maaaring maipatupad nang hindi dumadaan sa kanila. Sa kasalukuyan, isa itong bi-cameral legislature. Ibig sabihin, binubuo ito ng dalawang bahagi—ang Senado at ang House of Representatives na naglalaman ng district representatives at party list representatives na rehistradong nasyunal, rehiyonal at sektoral na mga organisasyon.

Bakit naman maaaring maging mapanganib ang Kongreso? Hindi maikakaila ang kapangyarihan na hawak ng Kongreso. Kahit ano pang batas ang nais ipatupad ng Pangulo, hindi ito mangyayari kung hindi isusulat, dadaan at maaprubahan ng Kongreso. Sa perpektong mundo, walang problema dito dahil makikita ang Kongreso bilang pagbalanse ng kapangyarihan ng Pangulo. Ngunit, wala tayo sa perpektong mundo.

Sa kasalukuyan, inaasahang magkakaroon ng ‘supermajority’ si Marcos Jr. sa Kongreso—parehong sa House of Representatives at sa Senado. Ngayon, anong ibig sabihin kung may supermajority si Marcos Jr.? Itinatakda ng supermajority na kalakhan ng Kongreso ay kaalyaado ni Marcos Jr. Dahil dito, maaaring hindi maging malinaw ang dapat na pagbalanse ng Kongreso sa kapangyarihan ng Pangulo. Mapanganib ito dahil sa sitwasyon ng supermajority, maaaring gamitin ng Pangulo ang Kongreso upang maipatupad ang mga batas na nais niya. Ang palagay na ito ay hindi lamang galing sa haka-haka. Nasaksihan na natin ito sa nakaraang administrasyon.

Noong administrasyon ni Rodrigo Duterte, mayroon ding supermajority ang Pangulo sa Kongreso. Ginamit ito ni Duterte upang itulak ang mga kaalyado sa Kongreso na ipasa ang mga batas na nais niyang ipatupad. Bukod sa kalakhan ng sakop ng kapangyarihan, nakakaalarma mismo ang mga batas na itinulak ng Pangulo dahil hindi sila makatao. Ilan dito ang Anti-Terror Law na ginagamit upang bansagang terorista ang oposisyon at ang pagpapasara ng ABS-CBN na naging dahilan ng pagkawala ng trabaho ng humigit kumulang 11,000 na empleyado.

Delikado ang supermajority sa panahon ni Marcos Jr. dahil maaari niya rin itong gamitin upang magpatupad ng mga batas na hindi rin makatao. Kamakailan lamang, kinausap na ni Marcos Jr. si Juan Miguel “Migz” Zubiri na inaasahang maging Senate President at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez na inaasahang maging House Speaker. Ang dalawang mambabatas na magiging mga pinuno ng Kongreso ay kaalyado rin ng Pangulo.


Bukod pa sa pagtulak ng mga batas na nais ng Pangulo, may kapangyarihan rin ang Kongreso na itulak ang Charter Change, na nakakabahala rin. Nagsimula na nga ang ingay tungkol rito. Itinutulak na ni Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na baguhin ang bilang ng taon ng termino ng Pangulo at Pangalawang Pangulo sa Philippine Constitution. Sa 1987 Constitution, anim na taon lamang ang paninilbihan sa dalawang posisyon at hindi posibleng ma-re-elect. Sa hain ni Gonzalez Jr., nais niya itong gawing limang taon ng paninilbihan at payagan ang isang posibleng re-election. Ayon sa Kongresista, hindi raw sapat ang anim na taon upang isagawa ang mga long-term na proyekto. Kung maipatutupad ito, maaaring umabot sa sampung taon ang termino ng isang Pangulo.

Hindi magandang hain ito kung babalikan natin ang masalimuot na kasaysayan ng ating bansa. Sa kasalukuyan, ang pinakamatagal na naging Pangulo ng bansa ay ang ama ng nakaupong Pangulo. Mahigit sa 20 taong naupo si Ferdinand Marcos Sr. bilang Presidente. Ang mahabang termino niya ay nagresulta sa pagbagsak ng ekonomiya at malawakang paglabag sa karapatang pantao ng ating mga kapwa Pilipino.


Litaw na mahalaga ang papel ng Kongreso sa pamahalaan kaya’t maaaring maging mapanganib ang supermajority na kaalyado ng Pangulo. Habang hindi pa tiyak at malinaw ang mga plano ng administrasyong Marcos Jr., makabubuting maging mapagmatyag tayo sa gitna ng ganitong mga panukala at posibilidad. Sa ganitong sitwasyon, tinatawag tayong alalahanin ang kapakanan ng mga kapwa mamamayan.

Maaaring magkaroon ng supermajority sa Kongreso, ngunit nandito tayo at nakaabang upang tumindig kasama ang mga ordinaryong Pilipino. Tandaan sana natin na sa pagmamatyag na ito, hindi tayo nag-iisa. ###

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.