Anong mali sa pakikialam ng tropang US sa Marawi City? Marami.
June 22, 2017

Alinsunod sa Artikulo 18, Seksyon 25 ng Saligang Batas, ipinagbabawal sa Pilipinas ang presensiya ng mga dayuhang baseng militar, tropa, at pasilidad, maliban na lamang kung mayroong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng alinmang bansa. Ngunit iniikutan ang probisyong ito ng iba’t ibang kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Kabilang dito ang 1951 Mutual Defense Treaty, 1998 Visiting Forces Agreement, 2001 Mutual Logistics and Support Agreement, 2006 Security Engagement Board Agreement, at ang pinakabagong dagdag sa koleksiyon, ang 2015 Enhanced Defense Cooperative Agreement.

Pinangangatawanan ng Korte Suprema bilang constitutional ang mga kasunduang ito, kahit pa malinaw sa mga kritiko na nilalabag nito ang soberanya ng bansa, at nagbibigay-daan para lalong mangialam at manghimasok ang US sa mga internal na usapin. Gaya ng nangyayari ngayon sa Marawi City.

‘No boots on the ground’?

Nasa ikatlong linggo na ng armadong labanan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at Maute/Abu Sayyaf Group nang may namataang U.S. P3 Orion Surveillance aircraft na umaaligid sa Marawi City noong Hunyo 9. Kinabukasan, parehas na inamin ng Department of National Defense (DND) at ni US Embassy Spokesperson Molly Koscina sa publiko ang presensiya ng mga tropang Amerikano sa Marawi, sa kadahilanang nagbibigay lamang ito ng technical assistance sa AFP. Sa pahayag ng isang opisyal ng US (na hindi pinangalanan), ang suportang ibinibigay ng U.S. ngayon ay kinabibilangan ng aerial surveillance and targeting, electronic eavesdropping, communications assistance at training. “There is no direct U.S. participation in combat, which is prohibited by Philippine law, although our forces involved in training the Philippine military are authorized to defend themselves,” dagdag ng opisyal.

Taliwas sa sinasabing limitado ang papel ng mga tropang Amerikano sa pamamahagi ng intelligence information at technical assistance, namataan noong Hunyo 11, ang pagdating ng mga Amerikanong sundalo sa Camp Ranao sa Marawi City. Bitbit-bitbit nila ang kanilang mga kagamitan at pawang mga armado. Sa kabila nito, iginiit ni Lt. Gen. Carlito Galvez, kumander ng Western Mindanao Command (Westmincom) na hindi lumalahok ground operations ang mga tropang Amerikano.

Pero sa isang post sa social media, ipinunto ni Dante Simbulan, dating propesor ng Philippine Military Academy, na integral na bahagi ang intelligence at surveillance ng command and control sa mga operasyong militar. Kung gayon, ang diumano’y technical assistance lamang ng mga tropang Amerikano sa aktwal ay nangangahulugan ng mismong paglahok sa operasyon.

Hindi itinatanggi ni AFP spokesperson Restituto Padilla na matagal nang aktibo ang pwersang militar ng US sa Western Mindanao, dahil “tumutulong” ito na sugpuin ang Abu Sayyaf. Sa kabila nito, nakatakas pa rin ang lider ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon patungong Central Mindanao—at ito ang idinadahilan ng AFP sa paglipat rin ng mga tropang Amerikano dito. “Now that there’s fighting in Marawi, that capacity was just transferred to help ground commanders in Marawi,” ani Padilla.

Paliwanag pa ni Padilla, hindi malaking isyu ang paglipat ng mga tropang Amerikano sa Central Mindanao dahil nasa ilalim pa diumano ito ng jurisdiction ng Westmincom. Ito’y kahit nasa mahigit 500 hanggang 600 kilometro ang layo ng Jolo, Tawi-Tawi, at Basilan mula sa Marawi City.

Balik-tanaw sa Mamasapano

Dalawang taon pa lamang ang nakararaan nang sinuspinde ang Joint Special Operations Task Force (JSOTFP), isang grupong pinangunahan ng US para sa pagsasanay ng mga Pilipinong sundalo sa kontra-terorismo. Ito ay matapos ang bigong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015. Namatay ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF 44) sa operasyon dahil sa kawalan ng koordinasyon at pagrespeto sa mekanismo ng ceasefire sa mga rebelde ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ayon sa mga saksi, mayroong sundalong Amerikano na namatay sa sagupaan, at palihim na inilikas ng gobyernong US. Itinanggi ito ng embahada ng US.

Inamin noon ng gobyernong Aquino na “tumulong” ang US sa intelligence operations sa laban kay Zulkifli bin Hir a.k.a. Marwan. Pero ayon sa mga kritiko, posibleng pinangunahan pa ito ng Estados Unidos, at hinabol naman ng SAF ang $5 Milyong reward money ng gobyernong US para sa pagkakahuli ni Marwan. Dahil sa trahedya sa Mamasapano, naantala ang usapang pangkapayapaan sa MILF—na tinutukoy ngayon na posibleng isa sa mga dahilan ng radikalisasyon ng ilang mga grupong Muslim.

Sinuspinde ang JSOTFP nang hindi iniimbestigahan ang papel ng US sa operasyon ng Mamasapano. Gayunpaman, hindi ito nangahulugan ng pag-alis ng mga tropang Kano sa Mindanao. Sa katanuyan, bumuo lamang ng bagong grupo sa ilalim ng katawagang Forward Liaison Element. At patuloy pa ang pagdating ng US troops sa bansa sa porma ng iba’t ibang pagsasanay.

Noong Oktubre 2016, sinabi ni Pangulong Duterte na ang Philippine Amphibious Landing Exercises (PHIBLEX) ay ang huling lalahukan ng GRP na military exercises sa pagitan ng Pilipinas at US. Huli na rin daw ang paglabas-masok ng US Special Operation Forces sa Mindanao. Sang-ayon ito sa independent foreign policy na ipinangako ni Duterte sa umpisa ng kanyang termino.

Pero matapos lamang ang isang buwan, nagpulong sina US Pacific Command Adm. Harry B. Harris Jr. at dating AFP chief Gen. Ricardo Visaya para muling pag-usapan ang joint military exercises sa pagitan ng US at Pilipinas. Matapos nito, inanunsyo ng dalawa ang 258 na joint US-PH military exercises para sa taong 2017, kabilang ang 13 na major drills katulad ng Balikatan. Sa huling linggo rin ng Oktubre 2016, isang bagong batch ng US SOF ang naiulat na ipinadala sa Mindanao.

Samantala, patuloy namang nagpupulong ang Mutual Defense Board at Security Engagement Board ng dalawang bansa. Sa katunayan, umaabot sa $54.6 Milyong military at security aid ang ibinigay ng US sa Pilipinas para sa 2017. Sa isang artikulo sa New York Times kamakailan, ipinunto ni Zachary Abuza, propesor ng National War College sa Washington D.C., na ang milyun-milyong dolyar na ayudang militar ng US ay posibleng balon ng korupisyon sa AFP at dahilan kung bakit wala itong interes na tuluyang durugin ang mga grupong terorista gaya ng Abu Sayyaf.

Papel ng US sa gulo sa Marawi

Hinggil sa kasalukuyang presensiya ng mga Amerikanong sundalo sa Marawi City, hindi nagtutugma ang mga pahayag ng gobyerno ng Pilipinas at US.

Sa isang press conference sa seremonya sa pag-alala ng ika-119 Araw ng Kalayaan, sinabi ni DND Secretary Lorenzana na hindi na niya kinailangan pang humingi ng tulong mula sa US. “Kasi nandyan na sila, hindi na natin kailangan hilingin [ang tulong galing sa US] kasi tumutulong na sila. We just utilize them, tumulong sila since 2002, tumutulong sila sa Zamboanga,” ani Lorenzana. Itinanggi rin mismo ni Duterte na humingi siya ng tulong sa US, ngunit nagpasalamat na rin.

Sa kabilang banda, kinumpirma ng US embassy na ang assistance na ibinibigay ng US troops ngayon sa Marawi City ay dulot ng paghingi ng tulong ng gobyerno ng Pilipinas.

Anu’t anuman, maraming mga tanong ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) hinggil sa papel ng US sa nagaganap na krisis sa Marawi City. “Ang US ba ay ang nagbigay ng intelligence hinggil kay Isnilon Hapilon at sa Maute Group na ginamit ng AFP sa pagsasagawa ng bigong aresto na nagbunsod sa krisis? Itinulak ba ng US ang AFP na arestuhin si Hapilon kasabay ng biyahe ni Duterte sa Rusya, kahit pa mayroong posibilidad na magkagulo at makaapekto ito sa biyahe ng pangulo? Bago pa ang krisis, ano ang papel na ginampanan ng US troops sa Marawi?,” ani Renato Reyes Jr., tagapagsalita ng Bayan.

Dagdag pa niya, kung ang gobyernong US ay ginamit mismo ang ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) para sa pagpapatalsik ng rehimen ni Bashar al-Assad sa Syria, paano ito magiging epektibo sa laban sa lokal na grupo na inspired ng ISIS?

Ikinalulungkot ng grupo na umurong si Pangulong Duterte sa kanyang panunumpa na palalayasin ang mga tropang dayuhan mula sa bansa. “Ngayon ay pinahintulutan pa niya ang pakikialam ng US sa isang isyung domestiko. Magbubunga ito ng mga di-birong kapinsalaan,” sabi ni Reyes.

Bagama’t pinaninindigan ng gobyerno na naaayon sa konstitusyon ang mga kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at US mula pa noong 1951, malinaw na nagpapatuloy ang usapin ng panghihimasok ng US gamit ang mga kasunduang ito. Posible ring lumala ang gulo sa Marawi City at buong Mindanao dahil sa presensiya ng mga tropang Amerikano na tukoy na kaaway ng ISIS at hindi naging matagumpay sa pagsugpo ng terorismo, saanman sa mundo.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This