Bagsak na ekonomiya, desperadong pasista
January 26, 2019

Ibinandera sa balita ng malalaking network sa telebisyon ang diumano’y pagbaba ng presyo ng mga bilihin noong nakaraang Kapaskuhan. “Bumaba ang inflation sa 5.2 porsiyento nitong Disyembre,” masayang ibinalita ng Philippine Statistics Authority (PSA), habang nagpalabas naman ng interbyu ang midya ng mga mamimili na natutuwa sa mas murang bilihin noong panahon ng Pasko.

Agad na ibinandera rin ito ng rehimeng Duterte. Ayon sa economic managers nito (mga miyembro ng gabinete na mula sa National Economic Development Authority, Department of Finance at Department of Budget and Management),inaasahang magpapatuloy ang pagbaba ng inflation sa taong 2019.

Pero sa unang tatlong linggo ng Enero 2019, tila nararamdaman na agad ng publiko ang muling pagbalik ng trend ng tuluy-tuloy na taas-presyo ng mga bilihin.

Nitong Enero 22, muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Umabot sa P0.10 ang itinaas sa gasolina, habang P0.40 naman ang itinaas sa presyo ng diesel. Pangatlong beses na itong tumaas ngayon pa lang Enero 2019. Noong Enero 8, tumaas ang gasolina nang P0.80 kada litro, habang tumaas naman ang diesel nang P0.70 kada litro. Matapos ang isang linggo, noong Enero 15, muling tumaas ito.

Siyempre pa, agad na naapektuhan ng naturang taas-presyo ng produktong petrolyo ang presyo ng batayang mga bilihin. Unti-unti nang nagsisitaasang muli ang mga ito.

Taas-presyo ng langis agad

Ang itinuturong isa sa pinakadahilan ng taas-presyo ng produktong petrolyo, siyempre, ay ang mga polisiya ng rehimeng Duterte sa ekonomiya.

Ayon sa Ibon Foundation, independiyenteng institusyon ng pananaliksik sa mga usaping pang-ekonomiya at pampulitika, patuloy ang pagpapatupad ng rehimeng Duterte ng Oil Deregulation Law (Republic Act No. 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998) na nagpapabaya sa industriya ng langis sa monopolyong kontrol ng malalaking kompanya ng langis sa daigdig at kapartner ng mga ito sa Pilipinas (hal. Pilipinas Shell, Caltex, Petron, atbp.).

“Iniluluwal ng oil deregulation ang overpricing (o sobrang pamemresyo sa langis sa pandaigdigang merkado),” sabi ng Ibon Foundation. “Dahil deregularisado ang industriya ng langis sa Pilipinas at nakaasa sa pandaigdigang merkado, mas malupit ang epekto ng (taas-) presyo sa mga konsiyumer, sa kabuhayan ng mga mamamayan at sa ekonomiya,” sabi pa ng Ibon.

Pinalalala lang ito, ayon sa grupo, ng 12 porsiyentong value-added tax sa mga produktong petrolyo at ng excise tax sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law.

Kay Duterte, ibayong hirap

Samantala, wala ring maiharap na lunas ang rehimeng Duterte sa dumadausdos na kalagayan ng mga mamamayan. Sa usapin lang ng sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor at mga kawani ng gobyerno, patuloy na tinatanggihan ng rehimen ang maingay na panukala para sa isang makabuluhang dagdagsahod na sasaklaw sa lahat ng manggagawa sa buong bansa.

Ikinakampanya ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang P750 na dagdag sa minimum na sahod sa buong bansa, mula sa mga probinsiya hanggang sa mga sentrong lungsod tulad ng National Capital Region. Sinasang-ayunan ito ng Ibon Foundation, na malaking tulong sana ang makabuluhang dagdag-sahod sa pag-agapay sa mga manggagawa sa panahong tuluy-tuloy ang taas-presyo ng langis at batayang mga bilihin. Makakatulong din sana sa mga manggagawa ang kaseguruhan sa trabaho, o ang pagbasura sa laganap na praktika ng kontraktuwalisasyon.

Pero nauna nang tinanggihan ng rehimeng Duterte ang pagtupad sa ipinangako niya noong tumatakbo pa lang siya – ang pagbasura sa kontraktuwalisasyon, ang taas-sahod.

Samantala, ang pagtalikod na ito ni Duterte sa mga pangako niya sa mga manggagawa ay bahagi lang ng mistulang pagpapasahol niya sa kalagayan ng mga mamamayan. Nakapaloob ito, ayon sa Ibon, sa pakete ng mga polisiyang neoliberal sa ekonomiya na itinutulak ng gobyernong US. Pagpapatuloy lang ito sa dati nang mga polisiya ng nakaraang mga rehimen, pero sa ilalim ni Duterte, pinatindi niya ang pagpapatupad nito. “Patuloy na pinagkakakitaan ng lokal na elite at dayuhang kapital ang pinakamahihirap na mayorya na namomroblema sa tumataas na bilang ng kawalan-ng-trabaho, mababang sahod, mataas na mga presyo, mabibigat na mga buwis at bulok na mga serbisyong pampubliko,” ayon sa executive summary ng Ibon Foundation sa inilunsad nitong BirdTalk, o talakayan hinggil sa kalagayang pang-ekonomiya at pampulitika ng bansa, noong Enero 17 sa Quezon City.

Pinalalala pa, siyempre, ang problemang ito, ang sunud-sunod na korupsiyon at kontrobersiya sa ilalim ni Duterte. Sa kabila ng madugong giyera kontra droga, nadadawit ang ilang piling opisyal ni Duterte sa malakihang smuggling ng ilegal na droga. Pati ang anak ng presidente, si Davao Vice Mayor Paolo Duterte, ay nasasangkot dito. Pinalalala din ito ng pagpapabor ng rehimeng Duterte sa gobyernong Tsino, kabilang ang pagbibigay ng malalaking kontrata sa mga kompanyang Tsino sa ilalim ng programang pang-imprastraktura na Build! Build! Build! na inaasahang lalong magpapalugmok sa bansa sa utang.

Sa harap ng tumitinding krisis na ito sa ekonomiya, inaasahan ang tumitindi ring pagtutol at protesta ng mga mamamayan. Hindi kataka-taka, kung gayun, kung bakit pinaiigting ni Pangulong Duterte ang pasistang panunupil sa bansa. Kasalukuyan, ayon sa maraming tagamasid sa pulitika ng bansa, may de facto (o hindi inaanunsiyo pero nangyayari na) martial law na sa bansa.

De facto batas militar

“Dinodoble na ng paksiyong Duterte ang mga hakbangin nito para palawakin pa kapangyarihan nito at palawigin ang pamumuno nito nang walang palugid,” sabi ng Ibon.

Kasalukuyan, itinutulak nito ang Charter Change o pagpalit sa Saligang Batas ng bansa, sa Kongreso, sa pamumuno ng dating pangulo, at alyado ngayon ni Duterte, na si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Sa panukalang Charter Change na ito, ayon kay dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na aktibo sa isyu, ang “pinakamasahol na Cha-cha sa kasaysayan.” Paliwanag niya, bahagi ng panukala na gawing sa 2022 na ang sinuod na halalan sa ilalim ng bagong Saligang Batas – ibig sabihin, kung maipapasa nga nila ang Cha-cha bago Mayo 2019, posibleng hindi pa matuloy ang halalan. Ibig din sabihin, palalawigin pa ang termino ng kasalukuyang nakaupong mga kongresista at senador sa bansa.

 Sa naturang Cha-cha ni Arroyo, sabi ni Colmenares, nakasaad din na kung sakaling bumaba sa puwesto o pumanaw ang kasalukuyang Pangulo, ang bise-presidente ang aaktong presidente hanggang maganap ang halalan. Pero “acting president” lang ang bise – taliwas sa nakasaad sa kasalukuyang Konstitusyon na ang bise ang magiging presidente sa panahong mawawala ang nakaupong presidente.

Nakapasok din sa Cha-cha na ito ang mga panukala sa pagpayag sa 100 porsiyentong pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga lupain sa Pilipinas. Pinahihintulutan din ng Cha-cha ni Arroyo ang 100 porsiyentong pag-aari sa mga industriyang katulad ng midya.

Para kontrahin ang tiyak na tumitinding galit ng mga mamamayan, tumitindi rin ang panunupil ng rehimen. Sa tala ng Karapatan hanggang Nobyembre 2018, sa ilalim ng giyerang kontra-insurhensiya na Oplan Kapayapaan ay nagkaroon na sumusunod na mga paglabag:

  • 216 extrajudicial killngs;
  • 378 biktima ng tangkang pagpatay;
  • 100 biktima ng tortyur;
  • humigit-kumulang 2,000 biktima ng ilegal na aresto;
  • 71,520 biktima ng banta at panghaharas;
  • 447,963 indibidwal na biktima ng sapilitang paglikas sa kanilang mga komunidad dahil sa mga pagbomba at operasyon.

Mistulang tuluyan nang sinara ni Duterte ang pinto sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan sa bansa. Ilang ulit na niyang idineklara na magkakaroon ng crackdown o malawakang paghuli sa mga progresibong organisasyon. Noong Disyembre, inanunsiyo na ni Duterte ang pagbubuo ng National Task Force to End Communist Insurgency. Sa task force na ito, pinakikilos ng Pangulo hindi lang ang militar kundi ang buong burukrasya ng gobyerno, para labanan diumano ang rebolusyonaryong kilusan. Noong Nobyembre naman, matatandaang naglabas din siya ng Memorandum Order No. 32, na nag-utos sa militar na buhusan ng puwersa ang isla ng Mindanao, ang rehiyon ng Bikol, gayundin ang mga probinsiya ng Samar at Negros.

Ang huling probinsiya, nasampolan na noong Diyembre 27. Ayon sa Karapatan, grupong pangkarapatang pantao, pinangunahan ng 302nd Infantry Brigade at 94th Infantry Battalion ng Philippine Army, katuwang ang Philippine National Police, ang serye ng mga atake sa mga komunidad ng mga magsasaka. Sa ulat na umabot sa grupo, may anim (6) na kataong napaslang—pawang mga lidermagsasaka o miyembro ng progresibong organisasyon ng mga magsasaka sa Negros.

Samantala, 16 katao naman ang inaresto, karamiha’y mga organisador sa hanay ng mga magsasaka. “Ayon sa kaanak ni Margie Vailoces (isa sa mga inaresto), walang mandamyentong ipinakita ang mga pulis at militar sa tahanan ng pamilyang Vailoces,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Siyempre, nariyan din ang extrajudicial killing kay Randy Felix Malayao, konsultant pangkapayapaan ng NDFP, noong Enero 30 sa Nueva Ecija. Mula noong nakaraang taon, pinaghuhuli rin at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso ang mga konsultant ng rebolusyonaryong kilusan tulad nina Adelberto Silva, Vicente Ladlad, Ferdinand Castillo at Rey Casambre.

Mukhang desidido ang rehimeng Duterte na supilin ang pampulitikang mga puwersa mula sa progresibong kilusan na pinaka-epektibong lumalaban sa mga polisiya nito. Ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), naglabas pa ang Securities and Exchange Commission ng “ilegal” na Memorandum Circular No. 15 na naglalayong uriratin ang pinagmumulan ng pondo ng nongovernment organizations (NGOs) at mistulang hadlangan ang kanilang mga operasyon. Marami sa mga progresibong grupo ay rehistradong NGO sa SEC ng gobyerno.

Pero katulad ng nakaraang matitinding krisis sa pulitika at ekonomiya—sa Pilipinas man o sa ibang bansa—iniluluwal lang ng matinding panunupil ang lalong matinding pagtutol. “Maaaring masilaban ito ng isa o bungkos ng mga pangyayari— flashpoints na katulad ng isang matinding pagbagsak sa ekonomiya, o, katulad ng nakaraan, matinding korupsiyon, o mga isyung elektoral na dumudulo hanggang sa presidente,” ayon sa Ibon. Ibig sabihin, kung itutuloy ni Duterte ang lalong pagsupil sa mga mamamayan, titindi rin ang paglaban.

Read more

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Ni AXELL SWEN LUMIGUEN, TRISHA ANNE NABORPinoy Weekly Ilang araw bago ang paggunita sa Buwan ng mga Magbubukid ngayong Oktubre, pinatay ang mga magsasakang sina Roger Clores at Ronnel Abril ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) sa Uson, Masbate noong...

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Matapos ang mahabang pakikipaglaban sa hindi makatarungang tanggalan at paglabag sa collective bargaining agreement (CBA), ipinahayag ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) ang tagumpay sa pagigiit nito ng katiyakan...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This