‘Barikadang Bayan,’ ginunita sa pamamagitan ng protesta

0
264

by Kelsey Hadjirul

Sa ika-11 taong anibersaryo ng makasaysayang ‘Barikadang Bayan,’ nagsagawa ng kilos-protesta ang mga residente ng Sitio San Roque sa Quezon City kasama ang sektor ng mga maralita, kabataan, at LGBT kaninang umaga.

Matagumpay ding nakapaglunsad ng dayalogo ang grupo sa tanggapan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Ang ‘Barikadang Bayan’ ay kolektibong pagtindig ng mga residente laban sa malawakang demolisyong inilunsad ng Ayala Corporation kasama ang National Housing Authority noong 2010 sa Sitio San Roque.

Ayon kay Estrelita “Inday” Bagasbas, tagapangulo ng Kadamay San Roque, lalo lamang lumakas ang pakikipaglaban ng mga residente ng Sitio San Roque, kahit 11 taon na ang nakalipas mula noong naganap ang ‘Barikadang Bayan.’

“Ilang beses na tayong sinusunog, ilang beses na tayong pinapaaresto, ilang beses na tayong pinapadalhan ng pulis at militar pero nandiyan pa rin tayo tumitindig para sa lahat!” pahayag ni Bagasbas.

Sa kabila ng pandarahas na nararanasan ng mga residente ng Sitio San Roque noon at ngayong may pandemya, tuloy-tuloy pa rin ang mga residente sa pakikipaglaban kontra-demolisyon at sa disente, abot-kaya, at makamasang pabahay.

Sa Community Development Plan na binuo ng mga residente at volunteers mula sa Save San Roque Alliance, nabuo ang isang planong naglalayong mailaban ang karapatan ng mga maralita sa pabahay at pamumuhay sa lungsod.

Sa diyalogo kasama ang Kadamay San Roque, ipinahayag naman ni Mayor Belmonte na bukas ang kanyang tanggapan upang matulungan ang mga maralita sa kanilang laban.

“Ipinaglalaban talaga natin ang in-city housing at lahat po ng ating programs of work, ang ating agenda of governance, lahat po ay tungkol sa pilosopiya sa paninindigan ko na ang mga taga-Quezon City ay nakatira sa Quezon City,” sabi ni Mayor Belmonte.

 

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.