Buhay na ganap at kasiya-siya para sa lahat
August 18, 2023

ni Teo S. Marasigan
Pinoy Weekly

Nagbabalik ang “Panay Panayam.” Medyo natagalan dahil sa ilang ‘di inasahang pangyayari pero sana ay magtuloy-tuloy na. Lalong nagiging malinaw na sa kasalukuyang pormat na panayam sa email, mas mga aktibista at progresibo mula sa panggitnang uri ang maiinterbyu natin. Kailangan ng dagdag pagsisikap para sa mga galing sa mga batayang sektor ng lipunan. Baka sa hinaharap; ang mahalaga ay masimulan na muna.

Maraming salamat sa mga nagpaabot ng komento sa naunang panayam kay E. San Juan Jr., Marxistang intelektwal. Maganda raw, sabi ni EH ng isang research NGO at palabasa. Sabi ni JS, organisador ng mga manggagawa, nakakabuhay ng sigla sa pagsusuri. Si TT naman, iniugnay ang mga pagtalakay sa kaisipain ni Antonio Gramsci, Italyanong Marxista, sa mga libro ng ating kinapanayam, partikular ang “Only By Struggle” (1989).

Ang kapanayam natin ngayon ay si Pastor Irma Salvador Mepico-Balaba ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) sa Quezon City. Nagsimula siyang pastor sa Silangang Kabisayaan at tatlong dekada na ngayong manggagawang simbahan, sa tawag niya.

Bukod sa gawain ng kanyang simbahan, aktibong magpahayag si Pastor Irma sa mga pagkilos sa lansangan, gayundin sa Facebook. Maraming salamat sa graphic artist na nagpaunlak sa ating request para mag-ambag ng mga imahen para sa panayam na ito.

Pastor, paano ka naging taong simbahan at pastor?

Lumaki ako sa pamilya ng mga pastor. Ang lolo ko sa side ng nanay ay isang pastor at naging moderator sa UCCP Southern-Western Leyte Conference. May dalawang kapatid na pastor ang nanay ko. Si Tatay naman ay may isang kapatid na pastor. Silang lahat ay mga pastor ng UCCP. 

Hindi ako naimpluwensyahan nila. Wala sa “gusto kong maging” ang pastor. Gusto kong maging abogado ngunit walang magpapaaral sa akin nang namatay ang nanay ko. Ako ay naimpluwensyahan ng aming pastor na naging babaeng obispo ng UCCP, si Bishop Dulce Pia-Rose. Hindi siya tumigil sa paghikayat sa akin sa pagpasok sa seminaryo hanggang napagpasyahan ko na pumasok sa Silliman University Divinity School. Nahihirapan sa simula ngunit kalaunan ay napamahal sa akin ang paglilingkod sa Diyos, sa kapwa at sa bayan. Tatlong dekada na rin ako sa pagiging manggawang simbahan.

Ano ang paboritong subjects mo noon sa kolehiyo?

Social Psychology at Developmental Psychology, kasi dito mas napalalim ang pagkilala sa tao na siyang batayan sa kanilang pagtugon at hindi pagtugon sa mga nangyayari sa lipunan.

Paano ka naging pastor na may konsensiyang panlipunan?

Napakahalaga sa akin ng mga linya ng awitin sa panahong ako ay pumasok sa seminaryo na, “Ano ang papel ng teolohiya sa buhay ng sambayanang nagdurusa? Ano ang kahulugan ng magandang balita para sa bayang nakikibaka?” Palaging nakadikit sa tunay na kalagayan ng lipunan ang mga aralin sa Banal na Kasulatan bilang kasalukuyang konteksto ng ating pananampalataya. Patuloy itong nangungusap at nag-iiwan ng hamon.

Paano tinanggap ng mga magulang mo ang pagiging progresibong taong simbahan?

May tunggalian kami ni Tatay sa maraming bagay ngunit hindi ako tumigil sa pagpapaintindi sa kanya hanggang naintindihan niya. Naging supporter si Tatay sa mga gawain hanggang sa antas ng pagpapagamit ng sasakyan at pagluluto ng pagkain.

Ano, para sa iyo, ang sentral na mensahe ni Hesukristo at ng Kristiyanismo?

Ang sentral na mensahe ni Kristo sa kanyang pagsasakatawang-tao ay naipahayag sa Juan 10:10, “Ang mga magnanakaw ay pumarito lamang upang magnakaw, manira at pumatay. Ngunit ako ay pumarito upang kayo ay magkaroon ng buhay na ganap at kasiya-siya.” Masaganang buhay para sa lahat o “abundant life for all” ang ninanais ni Kristo, hindi lamang para sa iilan na nasa kapangyarihan. Ito ang esensya ng pagmamahal sa Diyos—ang pagmamahal sa kapwa. Walang saysay ang pagsasabing “I love you, Lord” ngunit nagpapahirap, nang-aapi at nagsasamantala sa kapwa.

Ano-anong paniniwala mo bilang Kristiyano, taong simbahan at mamamayan na nagpapatatag sa pagiging mulat at makabayan mo?

Hindi kalooban ng Diyos na marami ang maghirap sa mga mamamayang Pilipino at iilan lamang ang nakakatamasa sa yaman ng ating bansa. Ang pagmamalabis ng iilan ay nagreresulta ng paghihirap ng nakararami. At ang pagsusulong sa masaganang buhay para sa lahat ay hindi kailanman krimen tulad ng pagtingin ng mga nasa kapangyarihan. Ito ay napakahalagang ambag sa pagsakatuparan ng ninanais ni Kristo na buhay na ganap at kasiya-siya para sa lahat.

Paano ang maging pastor na may kamalayang panlipunan—sa salita at sa gawa?

Hindi makulong lamang sa loob ng simbahan. Napakahalaga ang pakikipamuhay, pakikilakbay at pakikiisa sa mga batayang sektor ng ating lipunan—silang mga bulnerable na nangangailangan ng pagkalinga at pakikiisa sa kanilang mga isinusulong na batayang karapatan.

Ano ang gusto mong malaman ng mga mambabasa tungkol sa mga taong simbahan na may kamalayang panlipunan sa Silangang Kabisayaan, rehiyong pinagmulan mo? 

Nagmula ako sa Sinirangan Bisayas. Maraming dumanas ng paghihirap sa aming rehiyon—mga magsasaka, manggagawa, mga maralitang tagalungsod, mga mangingisda. At sa mga pagkakataong iginiit nila ang kanilang karapatan, sila ay ginigipit. 

Dumanas din ng panggigipit ang mga kapwa ko manggagawang simbahan dahil sa aming pagtulong sa mga panawagan ng mga batayang sektor sa rehiyon. May mga dumanas ng pananakot, may hinuli at ikinulong, at may pinatay. 

Habang, sa kabilang banda, may mga dating pastor na ngayon ay nagpapagamit sa NTF-Elcac (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) at nagbabansag sa mga dati nilang kapwa pastor na mga rebelde, samantalang ito ay nagsasabuhay at nagpapatotoo lamang ng kanilang pananampalataya. Kailanman ay hindi krimen ang pagkalinga sa kapwa.

Ano-anong kaibahan ang naobserbahan ninyo sa rehiyong pinagmulan ninyo at dito sa Kamaynilaan?

Walang malaking ipinagkaiba dahil karamihan sa mga miyembro ng simbahang pinaglilingkuran ko ay nagmula rin sa mga probinsya. Mas maraming gawain na naisasagawa sa probinsya kumpara sa Kamaynilaan dahil busy ang mga miyembro dito dahil sa mga trabaho na kumakain ng malaking bahagi sa kanilang panahon, dahil sa layo ng lugar ng trabaho at dahil sa matinding trapik. Sa karanasan, mas maraming pagsangkot sa mga batayang sektor ang simbahan na pinaglilingkuran ko ngayon kaysa sa probinsya.

Nakikita sa Facebook ang mga aktibidad ng UCCP sa Quezon City sa hanay ng mga maralitang sektor. Ano ang masaya at makabuluhan sa gawain ninyo sa kanila?

Mula nang pagpasok ko bilang pastor sa simbahang ito, nagsimula sila sa pagbubukas ng simbahan sa mga batang Lumad; naging drop-off center ng relief distribution para sa rehiyon; nagsagawa ng community pantry sa loob ng ilang buwan sa panahon ng pandemya; namahagi ng food packs sa mga nasunugan sa Gumamela [Street] at Roces Avenue [sa Quezon City], mga binaha sa [Industrial Valley Complex sa] Marikina, at kahit na sa mga binagyo sa Leyte at Samar.

Nagawa ang mga ito sa inisyatiba ng simbahan sa kabila ng kanyang limitasyong pampinansya. Pinapatunayan ng simbahang ito ang pusong handa sa pagtulong at pagbukas sa kanyang pintuan bilang santuwaryo at ligtas na espasyo o safe space sa mga dumudulog nito.

Sino ang idolo mo—pwedeng inspirasyon, pwedeng guro—sa pagiging pastor ninyo?

Walang iba kundi si Kristo na nagsakatawang-tao, namuhay sa abang kalagayan, tumulong sa mga aba at mga itinaboy ng imperyo sa Roma, nanindigan sa kung ano ang makatarungan, sinaktan, nanindigan hanggang sa kamatayan ngunit nabuhay nang muli.

Sa dami po ng mga sektor ng lipunan natin na nakakaranas ng inhustisya, saan kayo pinakanaaantig at nakikipagkaisa? Bakit?

Sa mga magsasaka at mga manggagawa. Bilang anak ng magsasaka, ramdam ko ang hirap at pagpapagal ng mga magsasaka upang tayo ay may makain. Nagsaka sa hindi sariling lupa, na pinagmamay-arian ng mga panginoong maylupa. Mga manggagawa na nagbahagi ng kanilang lakas at kagalingan sa paggawa ngunit hindi nakakaranas ng makatarungan at nakabubuhay na sahod.

Ano po ang pagtingin ninyo sa pagharap ng simbahan sa mga usapin ng kababaihan at LGBT (lesbian, gay, bisexual and transgender) batay sa karanasan ninyo?

Marami nang mainline Protestant churches sa kasalukuyan ang nagiging bukas, nagbibigay ng ligtas na espasyo at nagbibigay ng makabuluhang katungkulan sa mga kababaihan. May mga pari, pastor at obispo na mga babae.

Sa usapin ng LGBT, iilang simbahan pa lamang ang naging accepting and affirming habang ang karamihan ay may mga reserbasyon pa. Inirerespeto naman ang kanilang tindig ngunit patuloy ang pagbubukas ng espasyo sa pag-uusap.

Hindi siguro lingid sa kaalaman mo na malaki ang papel ng mga grupong panrelihiyon sa pagsuporta sa mga konserbatibong lider gaya nina Donald Trump sa US, Jair Bolsonaro sa Brazil at maging Rodrigo Duterte sa Pilipinas. Ano ang tingin mo rito?

Batayang gabay pa rin ang paalala sa hanay namin ng mga taong simbahan ang pagtiyak na pumanig at sumuporta sa mga nagsusulong ng buhay, kabuhayan at kalikasan, pumuna sa mga mapang-api at mapagsamantala at hindi kailanman pumanig at magpagamit sa mga nasa kapangyarihan na nagiging sagka sa pagsasakatuparan ng buhay na masagana para sa lahat at hindi lamang para sa iilan.

Ano ang tingin mo sa red-tagging na ginagawa ng gobyerno sa mga taong simbahan at lider-simbahan?

Ito ay kapuna-puna at nararapat na tuligsain dahil ginagamit nila ang batas at rekurso ng bayan para sa pananakot, pagdukot at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga taong simbahan na nagsusulong sa mga karapatan ng mga batayang sektor ng lipunan, at dumulo pa sa pagkakulong at pagpaslang sa mga pastor, pari at obispo. Ito ay dapat matigil na. Ipanawagan natin ang pagbasura sa Anti-Terrorism Law na siyang naging tuntungan nito gamit ang NTF-Elcac.

Kung may irerekomenda kang mga pelikula o libro para mas maunawaan ang Kristiyanismong niyayakap mo, anu-ano ang mga ito?

Ang “A History of Christianity in the Philippines: The Initial Encounter, Volume 1” ni Dr. Valentino Sitoy Jr. at “Toward a Theology of Struggle” ni Dr. Eleazar Fernandez.

Mga paborito at isang pangungusap na paliwanag.

Sipi sa Bibliya. “Ang mga magnanakaw ay pumarito lamang upang magnakaw, manira at pumatay. Ako ay pumarito upang kayo ay magkaroon ng masaganang buhay.” —Juan 10:10

Karakter sa Bibliya. Hesus. Siya ang modelo sa tunay at tapat na pagmamahal at paglilingkod sa kapwa lalo na sa mga isinantabi sa lipunan na kanilang kinabibilangan.

Libro. “Cry of the Earth, Cry of the Poor” ni Leonardo Boff, “The Power of the Poor in History” ni Gustavo Gutierrez. Na-appreciate ko ang theological perspective ng mga liberation theologians sa kanilang konteksto na hindi malayo sa ating kalagayan.

Lider-relihiyon sa Pilipinas. Kinikilala ko ang mahalagang papel ng mga lider sa tatlong malalaking konseho ng mga simbahan sa Pilipinas: National Council of Churches in the Philippines o NCCP, Philippine Council of Evangelical Churches o PCEC at Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP.

Lider-relihiyon sa mundo. World Council of Churches.

Gawain ng pastor. Pastoral, priestly and prophetic. Magbahagi ng Mabuting Balita sa salita at sa gawa, at pakikilakbay sa mga bulnerableng sektor ng ating lipunan.

Awit pansimbahan. “Pagsamba at Pakikibaka” at “Misyon.” Dahil naglalahad ang mga awitin ng mga dapat na gampanin ng bawat Kristiyanong mananampalataya.

Kanta sa radyo. Mga kanta ni Barry Manilow, lalo na ang “One of These Days.” Actually, marami pa sa kanyang mga kanta pero ito iyung tumatak at nakaka-relate ako at gusto ko iyong tunog.

Instrumentong pangmusika. Gitara. Gitara dahil ito ang partner ko sa paggawa ng kanta.

Kantang kinatha: “We are Called to Witness,” “Magsasaka Lalaya Ka,” “A Call for Help,” “Kapayapaan ba o Digmaan.”

Pagdiriwang ng simbahan: Pasko at Easter. Iyong una dahil sa pagdating ni Hesukristo, iyong pangalawa dahil pagtatagumpay iy0n ng buhay sa laban sa kamatayan.

Mangangaral sa telebisyon: Hindi ako nakikinig sa kanila, lalo na kay Apollo Quiboloy na nagpapagamit sa mga politiko at nagsusulong ng pampersonal na interes.

Series: “Designated Survivor: 60 Days.” Mahalaga ang social relevance ng mga series na pinapanood.

Ulam na pang-araw-araw: Tortang talong, tortang dilis

Ulam na panghandaan: Lechon, sweet and sour fish

Ano po ang nagpapasaya sa isang taong simbahan na may konsensyang panlipunan na tulad ninyo?

Ang mga pangunahing tagumpay sa mga isinusulong na adbokasiya ng mga batayang sektor.

Sabi mo, hinikayat ka ng isang obispo na maging pastor. Kung manghihikayat ka sa mga kabataan ngayon na maging pastor na may konsensiyang panlipunan, ano ang sasabihin mo?

Mahalaga ang papel ng mga manggagawang simbahan sa lipunan. May mahalagang papel lalo na ang mga kabataan. Malawak ang impluwensiya ng simbahan sa pamamagitan ng mga ministries nito na makapaglingkod sa mga komunidad. Huwag mag-alinlangan sa pagpasok sa mga seminaryo—mag-aral at maglingkod bilang mga manggagawang simbahan.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

CHR: Red-tagging among threats to press freedom

CHR: Red-tagging among threats to press freedom

Red-tagging remains among the most prevalent threats to press freedom that also include violence against journalists and the media in the Philippines, the Commission on Human Rights (CHR) reported. In his keynote speech at the opening of the historic 1st Philippine...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This