Ni ANGELA MARIE VARGAS
Pinoy Weekly
Pormal na inanunsiyo ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang pagtanggap sa hamon ng mga kapwa guro na tumakbong senador sa isang talumpati noong Hun. 27 sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Kilala bilang matapang na tagapagtanggol ng mga karapatan ng mamamayan at aktibong lider sa sektor ng edukasyon, inaasahan si Castro na magiging boses ng pagbabago sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Nagtapos siyang cum laude sa Philippine Normal University at nagturo ng matematika sa pampublikong paaralan sa loob ng 25 taon. Bilang unyonista, naging pangulo siya ng Quezon City Public School Teachers Association at tagapagtatag na pangulo ng ACT-National Capital Region Union noong 2011 hanggang 2012.
Suportado ng Bayan Muna Partylist at iba pang progresibong grupo ang pagtakbo ni Castro. Inaasahang magiging mahalagang kandidato siya sa halalan sa 2025 at magsisilbing daan upang mas mapagtibay ang boses ng mga sektor na kanyang kinakatawan.