Cumpio, Domequil umapelang baligtarin ang kanilang conviction sa kasong terrorism financing
August 10, 2026

Ni Chryseis Mactal

Naghain ng apela ang mga abogado nina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil sa Court of Appeals sa Cebu City noong Agosto 3 para hilinging baligtarin ang hatol na guilty sa kanila sa kasong terrorism financing ng Tacloban City Regional Trial Court Branch 45.

Ayon sa human rights lawyer na si Julianne Agpalo, walang batayan ang conviction sa dalawang aktibista ng paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 (TFPSA).

“Nag-submit tayo ng appellant’s brief. Dito sinasabi natin kung bakit nagkamali ang Regional Trial Court Tacloban sa pag-convict kina Frenchie Mae at Marielle. Ang panawagan nati’y i-reverse sana ang judgment,” ani Agpalo.  

Kasama sa mga nakiisa sa araw ng pag-apela sa Cebu City ang ilang sumusuportang aktibista, gayundin ang mga kaanak nila, kabilang ang kapatid ni Mariel na si Kyle Domequil na nagmula pa sa Tacloban. 

“Gusto rin naming ipakita na hindi namin tinatanggap yung conviction. Nag-file kami ng appeal sa naging desisyon ni Judge Perez sa RTC Branch 45,” sabi ni Kyle Domequil. 

Mahigit anim na taong nakapiit

Pebrero 7, 2020 pa nakakulong ang community journalist na si Cumpio at church worker na si Domequil matapos salakayin ng pulisya ang kanilang tinutuluyan sa Tacloban City, Leyte. 

Matapos ang halos anim na taong pagkakapiit, inabsuwelto sila sa kasong illegal possession of firearms and explosives noong Enero 22, 2026 sa Tacloban City Regional Trial Court.

Pero sa parehong desisyon, hinatulang maysala raw ang dalawang aktibista sa kasong terrorism financing sa ilalim ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012. Sa desisyong ito,  sinentensiyahan sila ng 12-18 taong pagkakakulong. 

Gayunpaman, iginigiit ng depensa sa appellant’s brief na nabigong patunayan ng prosekusyon ang mahahalagang elemento ng krimen. Kabilang rito ang designation o batayan na nagpapatunay na parte ng isang teroristang organisasyon ang dalawang umaapela na sina Cumpio at Domequil.

Ibinabahagi rin ng appellant’s brief na hindi napatunayan ang criminal intent o naturang intensyon sa paggawa ng krimen ng mga umaapela sa ilalim ng Section 8 ng TFPSA. 

Hindi rin anila napatunayan ang alegasyong isinampa kina Cumpio at Domequil gamit ang sapat na ebidensiyang may kredibilidad at independent corroborated evidence o malayang ebidensiya na nagmumula sa ibang tao o sanggunian. 

Sa madaling sabi, inilalarawan sa appellant’s brief na hindi makatarungan diumano ang hatol na ipinataw sa kanila at marapat na mapawalang-sala sina Cumpio at Domequil. 

Mahalagang gawain

“Lawful ang kanilang trabaho. Unfortunately, nakakagalit na ginagamit ng Estado itong mga military asset para magkaroon ng fabrication ng mga narration. Pina-fabricate ang mga istorya at itong mga military assets who are obviously kaya naman nilang gumawa ng mga kuwento Ito’y ginagamit laban kay Frenchie at Marielle. Ginagamit din ito sa iba pang aktibista sa buong bansa,” paliwanag ni Agpalo. 

Sa kanilang isinampang joint appellant’s brief, itinawag nila ang atensiyon ng korte sa mapanlinlang na paggamit ng military assets laban sa human rights workers tulad nina Cumpio at Domequil, sabi pa ni Agpalo.

Bukod rito, nagpahayag rin ng labis na pangamba ang ilang grupong nagsusulong ng kalayaan sa pamamahayag, kabilang ang United Nations (UN) Special Rapporteur on Freedom of Expression at Clooney Foundation for Justice. 

Ayon sa mga grupong ito, may kaugnayan ang mga kasong isinampa sa kanila sa kanilang trabaho sa larangan ng “community journalism, environmental reporting and humanitarian work.” 

Kabilang sa mahalagang gawain ng dalawa ang pagsisiwalat ni Cumpio sa pang-aabuso ng militar sa Eastern Visayas, gayundin ang gawain ni Domequil bilang organisador ng mga magsasaka para tuligsain ang landgrabbing o pang-aangkin sa lupa. 

Ipinaglalaban rin ng Clooney Foundation for Justice ang kaduda-duda at malabong testimonya na siyang naging basehan ng conviction. 

Anila, mayroong hindi pagtutugma sa cross-examination na isinagawa, halimbawa na lang ng alegasyon ng isang witness na nagsasabi na may koneksiyon na si Domequil sa Rural Missionaries of the Philippines noon pa mang 2010. 

Pero batay sa ebidensiyang inilapag ng depensa, malabo itong mangyari dahil 13-anyos pa lang si Mariel noong taong iyon at naninirahan siya sa ibang probinsya noong panahong iyon.

Read more

Residenteng kontra-mina, kinasuhan ng cyberlibel

Residenteng kontra-mina, kinasuhan ng cyberlibel

Naghain ang North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) ng cyberlibel complaint laban sa isang residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya na lumalaban sa mineral exploration ng naturang kumpanya ng mina sa tinatayang 4,456 ektaryang lupa sa kanilang lugar. Isinampa ng...

42 sa SONA51, laya na; Pag-aresto sa protesta, kinundena

42 sa SONA51, laya na; Pag-aresto sa protesta, kinundena

Isang araw matapos ang aresto ng kapulisan sa tinaguriang SONA51, nakalaya na ang 42 na indibidwal nang walang kasong isinampa. Sasampahan naman ng Quezon City Police District at ng kumpanyang Meralco ng iba't ibang mga kaso ang siyam na inaresto, kabilang ang...

Kampanyang Laya para sa mga bilanggong pulitikal, inilunsad

Kampanyang Laya para sa mga bilanggong pulitikal, inilunsad

Ni JOHN AARON CORPORAL at EMMANUEL GATA “Palakasin natin ‘yung kampanya sa national and international level para palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal, para ma-raise ang awareness kung sino sila at i-demand sa Marcos administration na palayain sila.” Ito ang...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This