Dating Charge d’Affaires sa Syria, idenemanda
June 7, 2023

Larawan mula sa Migrante International

By ADI MARTINEZ
Pinoy Weekly

Pormal na naghain ng reklamong pagpapabaya at pang-aabuso ang 25 domestic worker sa Office of the Ombudsman laban kay dating Charge d’Affaires to Syria Alexander Lamadrid noong Mayo 26.

Ang charge d’affaires ang pansamantalang namumuno sa isang diplomatic mission o embahada habang wala pang naitatalagang permanenteng ambassador.

Ayon sa mga OFW, si Lamadrid at iba pang opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Syria ang dahilan kung bakit umabot sila ng dalawang taon sa shelter nang walang ugnay sa kanilang pamilya.

“Mga biktima kami ng human trafficking na nakaranas ng abuso sa aming mga employer sa Syria, kaya umasa kami sa embahada na i-rescue kami. Pero anong nangyari? Hinayaan kaming mabulok sa shelter at inabot kami ng dalawang taon dahil hindi kami inasikaso ni Lamadrid,” ani Lucy Ortega, isa sa mga nagsampa ng kaso.

Hindi rin sila nagkaroon ng pagkakataon na makausap ang kanilang mga naiwang pamilya sa Pilipinas sa loob ng dalawang taon.

“Mayroon sa amin na nawalan na ng asawa, nasira na ang pamilya at wala kaming kaalam-alam. Kahit ang anak ko, lumayo na ang loob sa akin,” sabi ni Hazel Valenzuela na isa ring biktima.

Noong August 2020, tumakas ang 10 kababaihan mula sa shelter ng embahada sa Syria upang humingi ng tulong sa social media. Nag-Facebook Live sila para isiwalat ang kanilang kalagayan.

Mula sa kanilang ulat, 55 silang biktima ng human trafficking—kababaihang Moro ang karamihan at 11 taong gulang lamang noong nagtungo sa Syria ang pinakabata.

Ayon sa mga kababaihan, trinato sila na malala pa sa mga nasa bilangguan.

“Kaunting pagkakamali ng isa, hindi papakainin ang lahat. Kapag nanghihingi kami ng update tungkol sa pag-uwi namin, sinasabihan kaming maghintay lang. May kasama kami na 16 years old na naging biktima ng sexual harassment ng isang opisyal ng Assistance to Nationals, pero anong nangyari? Wala,” daing ni Valenzuela.

Dagdag pa ni Aireen Serrano, isa sa mga OFW na nagsampa ng kaso, “Nasa embassy na ako pero sinubukan pa rin akong ibenta ng mga staff pabalik sa employer ko, kahit alam nila na muntik na akong gahasain ng amo ko.”

Itinanggi naman ni Lamadrid ang mga akusasyon laban sa kanya sa isang panayam sa telebisyon. Matapos mag-viral ang Facebook Live ng mga kababaihan, tinanggal siya sa kaniyang puwesto ngunit inilipat lamang ng posisyon sa Department of Foreign Affairs.

“If the case has been filed recently, I haven’t been informed about it yet officially until now,” wika ni Lamadrid.

Nanawagan naman ang Migrante Philippines sa pamahalaan na agarang bigyang katarungan ang naranasang pananamantala ng mga OFW sa Syria.

“We call on the Marcos Jr. administration to order, without any further delay, all the assistance, services and justice they have long been denied, and to discipline Lamadrid and all his partners and accomplices in crime,” ayon kay Migrante Philippines chairperson Arman Hernando.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

CHR: Red-tagging among threats to press freedom

CHR: Red-tagging among threats to press freedom

Red-tagging remains among the most prevalent threats to press freedom that also include violence against journalists and the media in the Philippines, the Commission on Human Rights (CHR) reported. In his keynote speech at the opening of the historic 1st Philippine...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This