Demolisyon sa Patungan, Cavite: ‘Panahon pa kami ng Hapon nandito’

0
229

Ni Lyka Naranjo

Hindi unang beses humarap sa marahas na demolisyon ang mga residente ng Brgy. Patungan, Maragondon, Cavite. Marami nang pagtatangkang ginawa ang mga land developer para palayasin ang mga residente at itulak ang proyektong eco-turismo sa lugar.

Pero noong Enero 13, nauwi sa 12 sugatan habang apat ang nabaril sa muling pagtatangkang idemolish ang mga kabahayan sa Patungan. Nasa halos 1,000 miyembro ng demolition team kabilang ang mga pulis at security guards mula sa Seraph Security Agency ang pumunta sa barangay noong umaga pa lang.

Kasalukuyang nasa ospital ang apat na natamaan ng bala. Ayon sa mga saksi, sinikap nilang itawid sa dagat ang isa sa mga nasugatang residente para maipagamot, pero hinarangan ng mga pulis ang bangka nila. Imbes na ipagamot, dinala ang sugatan sa isang detachment kung saan siya pinosasan.

Ayon kay Susan ‘Ka Susi’ Agner, isang residente at tagapagsalita ng grupong Save Patungan Now, sinubukang pigilan ng mga tao ang ginawang pagharang ng pulisya. Pero binugbog, pinosasan, at ikinulong ang apat sa mga residente. Dinala umano sila sa Imus ng mga pulis.

Patungan Cove

Bahagi ang Patungan Cove ng Hacienda Looc, isang lupaing matagal nang inaangkin ng Manila Southcoast Development Corporation (MSDC) na pagmamay-ari diumano ng pamilyang Sy.

Ayon kay Ka Susi, kasabwat ng MSDC ang MTV Realty Corporation sa pagtutulak ng proyektong turismo nito sa Patungan. Pag-aari ni Maria Theresa Virata ang MTV Realty, at ayon sa mga ulat, binenta nito ang inaangkin niyang lupain sa MSDC para gawing exclusive beach resort.

Tinatayang nasa 1,200 na mga mangingisda at magsaksakang nakatira sa 602-ektarayang lupain ang mawawalan ng tirahan at kabuhayan sa nakaambang demolisyon ng MTV Realty Corp.

“Panahon pa ng Hapon, andito na ang komunidad,” ayon kay Ka Susi. “Marami sa amin, dito na tumanda at nagka-apo.”

Dagdag ni Ka Susi, may umiikot nang writ of demolition sa mga nakaraang buwan. “Pero noong inimbestigahan namin ito, hindi man lang nakadaan sa korte. Malinaw na iligal ang binaba nilang papel.”

Marahas na Demolisyon

Kwento ni Ka Susi, nagsimula ang demolisyon alas-7 ng umaga ng Enero 13. “Noong nakaraang araw pa lang, dumating na ang 30 bus na may lulang mga taong binayaran para gibain ang mga bahay,” aniya.

Napiligilan ang demolisyon noong umaga dahil agad nagbarikada ng mga residente.

Pero pagsapit ng hapon, sinubukan muli ng mga armadong tauhan na pasukin ang barangay. Nagkaroon ng tensyon at nagsimula umano silang batuhin ng demolition team, habang binaril ng mga armadong tauhan ang apat na residente.

Ayon sa mga saksi, matapos ng gulo ay hindi makalapit ang ilang mga residente sa mga sugatan dahil hinarangan sila ng mga pulis.

Kasalukuyang nanatiling alerto ang mga residente sa lugar habang may tinatayang 300 na tauhan mula sa Philippine National Police (PNP), Philippine Air Force (PAF), Seraph Security Agency, at mga myembro ng demolition team ang nagbabantang gibain ang mga bahay sa Brgy. Patungan.

Ayon sa ulat, ang ilan sa mga dinala para lumahok sa demolisyon ay mga menor-de-edad mula sa iba’t-ibang lugar sa Maynila at Cavite. Para sa halagang Php650, tumungo sila sa Brgy. Patungan sa pag-aakalang paglilinisin lamang sila ng resort.

Pero nagulat silang ang bumati sa kanila ay isang bayolenteng demolisyon.

Komunidad ng mangingisda

Matatagpuan ang Brgy. Patungan malapit sa dalampasigan, sa tabi ng Mt. Palay-Palay. Ayon sa ulat ng Pamalakaya, halos 90% ng mga residente nito ay mga mangingisda.

Maliban sa pagiging komunidad ng mga mangingisda, ang Brgy. Patungan ay may sariling paaralan, pagamutan, at iba pa. Isa rin itong kilalang tourist spot, lalo na noong binuksan ang Kaybiang Tunnel noong 2013.

Dahil sa angking ganda ng lugar, matagal na itong minamatahan ng ilang negosyante gaya ng mga Sy at Virata.

Kaya naman matagal nang ipinaglalaban ng mga residente ng Patungan ang karapatan nila sa lupa at kabuhayan. Ayon sa kanila, hindi man lang kinikilala at ginagalang ng mga kumpanya ang komunidad na matagal nang tinuring na tahanan ang lugar.

“Sa gitna po ng pandemya, ito po ang aming sinapit – inalisan kami ng bahay, tinanggalan ng kabuhayan. Walang malipatan at hanapbuhay,” kwento ni Ka Susi.

Kinundena ng iba’t ibang grupong pesante ang pagpapalayas sa mga residente para laat kahit pa nasa gitna ng pandemya ang bansa. Ayon sa pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan-Cavite, “Bukod sa krisis na iniinda na pagtaas sa Alert level 3 sa probinsya ng Cavite, inaalala pa ng lokalidad kung paano sila mabubuhay kung matatanggalan sila ng kabuhayan at malalayo sa mga batayang serbisyong panlipunan.”

Sa harap ng mga hamong ito, hiling ng mga residente ng Brgy. Patungan na tigilan na ang pinaplanong demolisyon sa kanilang tahanan. “Nananawagan ang Brgy. Patungan na makarating sana sa mga nakatataas sa pamahalaan na kami ay matulungan. Sana tuloy-tuloy ang pagtulong sa amin,” ani ni Ka Susi.

Nananawagan din ang Save Patungan Movement kay Mayor Rey Rillo at kay Gov. Jonvic Remulla na “unahin ang pangangailangan ng kanilang sinasakupan.”

Pero hanggang ngayon, walang tugon ang local government unit at opisina ni Gov. Remulla tungkol sa nasabing demolisyon.

Ayon sa ulat ng grupong Kasama-TK, hanggang Enero 15 ang ginagawang demolisyon sa lugar at hanggang ngayon, nagbabantay pa rin ang mga tao sa barikada ng Brgy. Patungan.

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.