Ecocide ng San Miguel, dapat panagutan, pagbayaran
August 16, 2024

Ni LYKA GENNETH ALBA at JACKYLYN SADJE
Pinoy Weekly

Nagdulot na naman ng sakuna ang San Miguel Corporation (SMC) sa Manila Bay noong Hul. 25 nang lumubog ang MT Terranova sa baybayin ng Limay, Bataan, na may kargang 1.4 milyong litro ng industrial oil. 

Kasunod ng insidenteng ito, lumubog rin ang dalawa pang barko sa Manila Bay: ang MTKR Jason Bradley na may lamang 5,500 na litro ng diesel at ang MV Mirola 1. Kumalat na ang mga langis sa iba’t ibang bahagi ng Bataan, Bulacan, at Cavite.

Ang Portavaga Ship Management Inc. ang may-ari sa MT Terranova na kinontrata ng SMC para sa importasyon at transportasyon ng kanilang fuel business. Nagdulot ng malawakang kontaminasyon sa dagat at pagkamatay ng mga lamang dagat ang pagkalat ng langis sa Manila Bay.

Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), SMC ang numero unong tagasira ng Manila Bay dahil sa kanilang malawakang reklamasyon at pagpapalayas ng daan-daang pamilya malapit sa mga baybayin. Dagdag pa rito ang pagtagas ng langis mula sa barko ng SMC na nakaapekto sa libo-libong mangingisda.

Batay sa datos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), nalagay sa panganib ang kalusugan at kabuhayan ng humigit-kumulang 29,000 mangingisda sa iba’t ibang bayan ng Cavite at nasa 9,000 naman sa Bataan. Dahil sa insidente, kasalukuyan nang nasa ilalim ng state of calamity ang Cavite.

Maraming mangingisda ang nahihirapan sa kasalukuyang sitwasyon dahil sa oil spill ng San Miguel. Malaki ang epekto nito sa kanilang kabuhayan, partikular na sa pagbebenta ng kanilang huli.

Ayon sa mangingisdang si Michael Boletres, “Nagkaroon ng agam-agam [ang mamimili] para ‘di bumili ng aming isda, kaya napilitan na kaming [ibenta] sa murang halaga. Dati P120 ‘yong kilo, ngayon nasa P50 na lang.”

“Apektadong-apektado na talaga yung kabuhayan namin,” dagdag pa ni Boletres.” Kaya naman, nanawagan si Boletres sa mga pamahalaang na agad na kumilos upang tugunan ang epekto ng oil spill sa kanilang kabuhayan. 

Hiniling niya na tiyakin ng mga lokal na pamahalaan na magbayad ng danyos ang may-ari ng barko at itulak ang pag-aksyon para sa kompensasyon, lalo na para sa mga mangingisda na lubos na naapektuhan ng insidente.

Binatikos naman ni Jonila Castro, advocacy officer ng Kalikasan PNE at tagapagsalita ng Akap Ka Manila Bay, ang buladas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang tagapagtanggol ng klima, habang nakikipagtulungan naman sa malalaking korporasyon tulad ng SMC sa mga gawaing nakakasira sa kalikasan at lipunan.

“Ang mga disaster na ito ay nangyari sa gitna ng napakaipokritong pagpusturang climate champion ni Marcos Jr. samantalang siya naman ang protektor ng mga sagad-sagaring tagasira ng kalikasan tulad ni Ramon Ang,” ani Castro. 

Nanawagan ang Agham Advocates of Science and Technology for the People sa administrasyong Marcos Jr. sa agarang aksiyon para itigil ang pagwawalang-bahala sa isyung ito.

Nais din ng grupo na agarang sagutin ng SMC ang mga gastos sa pag-aayos ng pinsalang dulot ng oil spill, pati na rin ng ang kanilang mga hakbang sa pag-iwas sa mga ganitong insidente sa hinaharap. 

“Ang pinagsamang kriminal na kapabayaan at pagbuyangyang ng ating kalikasan upang gawing punlaan ng tubo ng mga dayuhan at lokal na kumprador ang puno’t dulo ng mga disaster sa bansa,” idinagdag ni Castro, na mariing pinupuna ang administrasyon sa kanilang mga aksiyon at patakaran na nagdudulot ng mga kalamidad.

Binatikos rin ni Gerry Arances, executive director ng Center for Energy, Ecology and Development (CEED), ang SMC dahil sa kanilang papel sa sunod-sunod na oil spill.

“Ang pamana ng pinsala ng San Miguel Corporation ay nagpapatuloy sa pagkumpirma ng kanilang papel sa isa pang oil spill sa paglubog ng MT Terranova,” aniya.

Dagdag pa ni Arances, hindi pa rin napapanagot ang kompanya sa pinsalang idinulot nito sa libu-libong mangingisda sa Verde Island Passage na apektado rin sa paglubog ng MT Princess Empress noong Pebrero 2023, pagmamay-ari rin ng SMC ang industrial oil na dala nito.

Ayon sa mga tanggol-kalikasan, dapat panagutin sina Marcos Jr. at Ang sa patuloy na pagsira sa karagatan at kalikasan na nagbubunga ng pagdurusa ng mamamayan at lokal na ecosystem na pinagkukunan ng kabuhayan.

Read more

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Ni AXELL SWEN LUMIGUEN, TRISHA ANNE NABORPinoy Weekly Ilang araw bago ang paggunita sa Buwan ng mga Magbubukid ngayong Oktubre, pinatay ang mga magsasakang sina Roger Clores at Ronnel Abril ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) sa Uson, Masbate noong...

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Matapos ang mahabang pakikipaglaban sa hindi makatarungang tanggalan at paglabag sa collective bargaining agreement (CBA), ipinahayag ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) ang tagumpay sa pagigiit nito ng katiyakan...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This