FACT CHECK: Harassment at sapilitang pagpapalikas sa mga Lumad sa Mindanao, ‘palabas’ lang umano, sabi ng dating lider Lumad

0
182

Ang dating lider Lumad na si Jong Monzon, na nagsilbi rin bilang secretary-general ng “Pasakaday Salugpongan Kalimodan” (PASAKA), ay lumabas kamakailan sa ulat ng Philippine News Agency (PNA). Aniya, nakikipag-ugnayan ang mga Lumad sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) para palabasing patuloy na nakararanas ng harassment mula sa militar ang mga katutubo sa Mindanao.

Sa isinagawang virtual press conference ng 701st Brigade ng Philippine Army at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sinabi ni Monzon na ang CPP-NPA ang may pakana sa paglikas ng mga Lumad mula sa kanilang mga komunidad sa mga nakaraang taon, para palabasing ginigipit sila at magamit para makakalap ng pondo para sa mga “gawaing kontra-gobyerno”.

Inihayag din ni Monzon na ang mga Lumad na tumutuloy sa United Church of Christ–Haran (UCCP–Haran) sa Davao City ay nagpapanggap lamang na mga bakwit (evacuees), at pakana rin ito ng CPP-NPA.

ANG SABI-SABI:

Palabas lamang ang aktong paglikas (pagbakwit) ng mga katutubong Lumad mula sa kanilang lupang ninuno nitong mga nakaraang taon, at pakana ito ng CPP-NPA, ayon sa dating lider Lumad na si Jong Monzon.

MARKA:

HINDI TOTOO

ANG KATOTOHANAN:

Pinamumukha ng testimonya ni Monzon na ang mga naiulat na insidente ng harassment sa mga komunidad ng katutubong Lumad sa Mindanao, na kadalasa’y dumudulo sa kanilang pagbabakwit mula sa kanilang lupang ninuno, ay parte lang ng isang “palabas.” Pero kung babalikan, totoong nakaranas ng iba’t ibang porma ng panggigipit ang mga katutubo at hindi gawa-gawa lamang ang kanilang pagbabakwit.

Mula pa nang magsimula ang administrasyong Duterte noong 2016, nasa 300 na sibilyang katutubo at human rights defenders na ang napatay ng militar. Nitong Hunyo 2021 lang, tatlong Lumad Manobo ang ginahasa at pinatay sa Surigao del Sur — kabilang na ang isang 12 na taong gulang na bata.

Noong Enero 2020, isang armadong grupo ng paramilitar ang umatake sa UCCP–Haran, at sapilitang pinasok ang nasabing simbahan. Si Jong Monzon mismo ang nagsabi sa isang pahayag, bilang noo’y secretary-general ng PASAKA, na ang grupo ng paramilitar ay armado ng mga bolo at may kasama pa umanong mga pwersa ng estado.

Ang UCCP–Haran, na binanggit ni Monzon, ay nagsisilbi nang evacuation site para sa mga bakwit simula pa noong 1994. Nakapag-abot na ng tulong ang nasabing simbahan sa mahigit 600 na bakwit mula 2014, kasama na ang mga Lumad na napwersang iwan ang kanilang lupang ninuno dahil sa mga atake ng militar.

BAKIT KAILANGANG I-FACT CHECK:

Hindi na natigil ang mga pag-atake sa mga Lumad sa Mindanao, at sa mga grupong tumutulong sa kanila, sa nagdaang mga taon.

Ang UCCP–Haran, na nagsisilbing isa sa mga pangunahing sanktuwaryo ng mga bakwit, ay nakaranas kamakailan lamang ng bagong porma ng pag-atake. Dahil daw sa “paggamit ng pondo para sa terorismo,” pansamantalang ipina-freeze ng Anti-Money Laundering Council ang tatlong bank accountsng simbahan, bilang pagsunod sa resolusyong inilabas noong Marso 12, 2021.

Maliban pa sa mga aksyon para mapasara ang UCCP–Haran, iba’t ibang ahensya ng gobyerno rin ang sabayang naglunsad ng mga kampanyang paninira laban sa mga Lumad sa Mindanao, kabilang na ang pagbansag ng National Commission on Indigenous People (NCIP) sa salitang “Lumad” bilang salitang terorista. Ang mga atakeng ito sa mga Lumad ay nagdulot ng pagsasara ng kanilang mga eskwelahan, patuloy na pwersahang pagpagbabakwit paalis sa kanilang lupang ninuno, at maging pag-aresto at pagpatay.Maez Estrada and Joseph Gloria

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.