FACT CHECK: Iligal ang paggamit ng ‘text blast machines’ para sa pangangampanya 

0
290

Noong Abril 24, nagpost ang isang Reddit user na ‘GreatChungaskhan’ sa subreddit community r/Philippines ng isang screenshot ng text message na kanyang natanggap na naglalaman ng link ng campaign video ng noo’y kumakandidatong pangulo na si Ferdinand Marcos Jr. Ayon sa post, natanggap niya ang mensaheng ito sa kanyang Smart Communications SIM account mula sa nagpadala na nagngangalang ‘Support’ na walang numerong nakarehistro.

Sa comment section ng post makikitang may ilan ding nagsabing nakatanggap sila ng kaparehong text message. Dagdag na pahayag sa post ay ang katanungang iligal ba ang paggamit ng ‘text blast’ bilang mayroong batas – Republic Act 10173 – na ipinagbabawal ang spamming.

ANG SABI-SABI:
Ang paggamit ng ‘text blast machines’ ay iligal.

MARKA:

TOTOO 

ANG KATOTOHANAN: 

Ang mga batas na Republic Act No. 30846 (Radio Control Law), 10175 (Cybercrime Prevention Act), at 10173 (Data Privacy Act), ay nagbabawal sa paggamit ng mga hindi rehistradong text blast machine at ang paglabag sa mga ito ay may karampatang parusa na multa at kulong.

Sa nakaraang dekada, hindi na bago ang paggamit ng SMS-blaster machines o SMS broadcaster radio machines bilang kagamitan ng mga pulitiko para mangampanya lalo na sa panahon ng halalan sa ating bansa. Layon ng taktikang ito na makapagpadala ng sunod-sunod na text messages mula sa isang machine patungo sa maraming bilang ng network users nang sabay-sabay.

Hindi nangangailan ng SIM card ang naturang machine at mabilis itong nakapagpapadala ng 28 texts bawat segundo o aabot ng 100,000 texts sa loob ng 1 oras sa kahit anumang telecommunication network.

Noong nakaraa’y inakusahan na ang kampo ni Marcos Jr. ng paggamit ng ganitong klase ng pangangampanya gamit ang phone networks.

BAKIT KAILANGANG I-FACT CHECK? 

Ang paggamit ng hindi natutunton at iligal na mga text blast machine ay hindi lamang para sa agenda ng mga kandidatong pulitiko ngunit layon ring ipakalat ang materyales na laman ang maling impormasyon. Umalma rin ang publiko dahil sa paglabag ng gawaing ito sa kanilang data privacy, dahil wala silang permiso na ibinibigay para makatanggap ng ganitong text message mula sa mga pulitiko. – Xander Dave Ceballos at Lhesly Charm Matias

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.