Inilabas ng Facebook page na “BBM Is My President 2022” ang isang TikTok video nitong February 13 na naglalaman ng isang bahagi ng interview ni dating senador Juan Ponce Enrile. Ayon sa dating senador, na nanungkulan din bilang defense minister ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, idineklara daw ang Martial Law para pigilan ang paglawak ng Communist Party of the Philippines (CPP). Ipinaliwanag din ni Enrile na kung hindi idineklara noon ang Martial Law, maaaring tuluyang nakapamuno sa bansa si Jose Maria Sison, na nagtatag ng CPP.
ANG SABI-SABI:
Iniligtas ng Martial Law ang Pilipinas sa komunismo, ani dating Sen. Juan Ponce Enrile
MARKA:
Hindi Totoo
ANG KATOTOHANAN:
Ayon sa “Martial Law in the Philippines: The Methods of Regime Survival,” ang lumalawak na CPP at ang bagong tatag na New People’s Army (NPA) ay mahina pa noong panahong idineklara ni dating Pangulong Marcos ang Martial Law noong 1972. Iginiit ng mga akademiko na bagamat pagpigil sa paglaganap ng “communist rebellion” ang layunin ng Martial Law, ginamit raw itong dahilan ng dating diktador para pahabain ang kanyang termino. Noong 1972, nangangalahati na si Marcos sa kanyang ikalawa – at huling apat na taong termino – na itinakda ng Konstitusyon noong panahong iyon.
Sa halip na mapigilan ang communist rebellion, lumago pa ang bilang ng NPA mula 60 noong 1970s hanggang 25,000 nang matapos ang Martial Law. Ayon sa mga kritiko, ang paglala ng sosyo-ekonomikong kondisyon ng bansa, at kawalan ng pagpapahalaga sa karapatang pantao ang ilan sa mga dahilan kung bakit dumami ang sumuporta sa NPA noon. Dahil dito, tinagurian pa ngang “NPA’s best recruiter” ang yumaong diktador.
BAKIT KAILANGAN I-FACT CHECK:
Ang ipinakitang pahayag sa video ay mula sa punong tagapagpatupad ng Martial Law, na siya ring umaming nagpanggap na na-ambush upang sisihin ang NPA at magsilbing mitsa sa pagdeklara ng Martial Law. Ginagamit ng “BBM Is My President 2022” Facebook page ang nasabing video upang bigyang-katwiran ang Martial Law, sa kabila ng malawakang paglabag sa karapatang pantao na naitala noong panahong iyon. Mayroon nang 1,900 views at 224 reactions ang nasabing video. – Maez Estrada at Joseph Gloria
Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.
Magbasa ng iba pang artikulo rito:
