FACT CHECK: NAIA, PGH, TESDA, SSS, at GSIS, si Marcos Sr. ang nagtayo?
March 23, 2022

Isang TikTok video mula 2021 na naglalaman ng mga pahayag tungkol sa dating diktador na si Ferdinand Marcos ang muling kumakalat sa iba’t ibang social media platforms. Isa sa mga pangunahing pinangangalandakan ng video ay na ipinagawa umano ng dating diktador ang Manila International Airport (MIA), na kalauna’y pinangalanang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at ang Philippine General Hospital (PGH) na nasa Maynila. Itinatag din umano ng administrasyong Marcos ang ilang ahensya ng gobyerno kabilang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Social Security System (SSS), at ang Government Service Insurance System (GSIS), at iba pa.

ANG SABI-SABI:

Administrasyon ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos ang nagpatayo sa NAIA at PGH, at nagtatag ng ilang ahensya ng gobyerno kabilang ang TESDA, SSS, at GSIS.

MARKA:

HINDI TOTOO

ANG KATOTOHANAN:

Bagama’t ang ilang importanteng pagsasaayos at pagpapaunlad ng imprastraktura para sa MIA – na ngayo’y tinatawag na NAIA – ay tunay na ginawa sa ilalim ng administrasyong Marcos, hindi totoong administrasyon niya ang nagpatayo nito. Gumagana na ang paliparan ilang taon bago pa man ang manungkulan si Marcos bilang pangulo. Ang airport complex na matatagpuan sa lungsod ng Pasay at Parañaque, ay nasa operasyon na matapos itong ilipat noong 1948 mula sa dating lokasyon sa Grace Park Airfield sa Caloocan City.

Samantala, ang PGH ay ipinatayo noong 1907 sa bisa ng Philippine Commission Act No. 1688, at binuksan sa publiko noong 1910.

Ang TESDA naman itinatag sa bisa ng Republic Act No. 7796 na pinirmahan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1994. Sa kabilang banda, ang SSS ay naitatag noong 1954 sa pamamagitan ng Republic Act No. 1164. At ang Government Insurance System (GSIS) ay naitatag sa pamamagitan ng Commonwealth Act No.186, na ipinasa ng National Assembly noong 1936.

BAKIT KAILANGAN I-FACT-CHECK:

Kilala ang administrasyong Marcos sa pagkakaroon ng tinatawag na “edifice complex,” dahil napakaraming proyektong imprastraktura ang pinasok ng nasabing administrasyon. Gayunman, isiniwalat ng iba’t ibang dokumento na ang marami sa mga proyektong ito ay hindi lamang nagpalobo sa foreign debt ng bansa mula sa $360 milyon nang magsimula ang administrasyong Marcos noong 1962, hanggang sa humigit-kumulang $28.3 bilyon noong siya ay mapatalsik noong 1986, kundi naging pangunahing pinanggagalingan din ng “gross overspending, garishness, and corruption.”

Dahil sa mahabang listahan ng mga proyektong pang-imprastraktura ng administrasyong Marcos, naging madali para sa ilan na magdagdag ng mga proyekto sa listahan kahit hindi talaga iyon ipinagawa ni Marcos, gaya ng ginawa sa TikTok video na siniyasat. Ang Tiktok user na si @marymy143 na nag-upload ng video ay mayroon ding 93.6 thousand followers, at umabot na sa 788,800 views, 91,000 likes, 6,082 comments, at 4,765 shares ang video. – Joemilyn Abareta & Ma. Connie Naag

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

Read more

42 sa SONA51, laya na; Pag-aresto sa protesta, kinundena

42 sa SONA51, laya na; Pag-aresto sa protesta, kinundena

Isang araw matapos ang aresto ng kapulisan sa tinaguriang SONA51, nakalaya na ang 42 na indibidwal nang walang kasong isinampa. Sasampahan naman ng Quezon City Police District at ng kumpanyang Meralco ng iba't ibang mga kaso ang siyam na inaresto, kabilang ang...

Kampanyang Laya para sa mga bilanggong pulitikal, inilunsad

Kampanyang Laya para sa mga bilanggong pulitikal, inilunsad

Ni JOHN AARON CORPORAL at EMMANUEL GATA “Palakasin natin ‘yung kampanya sa national and international level para palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal, para ma-raise ang awareness kung sino sila at i-demand sa Marcos administration na palayain sila.” Ito ang...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This