FACT CHECK: ‘Red-tagging,’ inimbento lang ng CPP-NPA?
April 7, 2022

Ayon sa isang ulat ng Philippine News Agency (PNA), ang salitang red-tagging ay ginawa ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) upang protektahan ang kanilang mga umano’y “legal fronts.”

Binanggit sa artikulo ang mga pahayag ni Cristoni Latiban Monzon, na nagpakilala bilang isang dating rebelde, sa isang virtual press briefing na isinagawa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ayon kay Monzon, ginagamit ng mga rebeldeng komunista ang “red-tagging” para itago at protektahan ang kanilang “legal fronts” na tinanggap nang walang malay ng Commission on Election sa party-list system.

ANG SABI-SABI:

Inimbento ng CPP-NPA ang terminong ‘red-tagging’

MARKA:

HINDI TOTOO

ANG KATOTOHANAN:

Ang “red-tagging” ay hindi imbensyon ng CPP-NPA at hindi rin ito nagmula sa Pilipinas. Paliwanag ni Michael Tan, isang Pilipinong antropologo, sa kanyang kolum sa Philippine Daily Inquirer, ang red-tagging ay nagmula sa America kung saan ginagamit din ang terminong “red scare.”

Ipinaliwanag ni Tan na nag-umpisa ang “red scare” matapos ang magwagi ang mga Bolshevik noong 1917 sa gerang sibil sa Russia at pagkatatag ng Soviet Union. “The US saw the new powerful communist state as a threat to American capitalism” (Nakita ng Estados Unidos ang bagong estadong komunista bilang banta sa Amerikanong kapitalismo), ani Tan.

Mula umpisa ng World War II hanggang 1950s ay nagpatuloy pag-igting ng tunggalin sa pagitan ng Estados Unidos at ng Soviet Union na lalong nagpatindi sa takot sa komunismo at sa “red scare.”

Sa isang panayam sa Jezebel, sinabi ni Kathryn Olmstead, propesor sa University of California, na ang “red-baiting” o pagbansag sa mga indibidwal o grupo na komunista ay lumaganap noong termino ni Franklyn Roosevelt kung kailan inilunsad ang “New Deal,” isang hanay ng mga programang naglayong protektahan at tulungan ang mga mangagawa at kanilang mga unyon. Tinipon ni Herbert Hoover, na tinalo ni Roosevelt sa pagkapangulo noong 1932, ang mga konserbatibo upang atakihin ang “New Deal” na binansagan niyang sosyalista at komunista.

Unang ginamit ang “red-tagging” sa Pilipinas noong 1949 nang buuin ng gobyerno ang Committee on Un-Filipino Activities (CUFA) upang hulihin ang mga kasapi ng CPP at ang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) kasama na ang kanilang mga tagasuporta.

Lalong umigting ang red-tagging sa administrasyong Marcos nang akusahan si dating Sen. Benigno S. Aquino Jr. – isang kilalang kritiko ni Ferdinand Marcos Sr. – ng pakikipagsabwatan sa mga lider ng NPA na sina Bernabe Buscayno, o “Commander Dante,” at dating pulis na si Lt. Victor Corpus. Matapos maakusahan, sinentensyahan si Aquino ng death by firing squad sa salang subversion, murder, at illegal possession of firearms.

BAKIT KAILANGAN I-FACT-CHECK:

Ayon sa United Nations News, ang red-tagging ay isang matinding pag-atake sa trabaho ng mga human rights defenders na naglalagay sa kanila sa peligro. Sinasabi rin ng ilang civil society organizations na ang red-tagging ay mistulang isang death sentence. Ayon sa human rights organization na Karapatan, hindi bababa sa 78 katao ang napatay dahil sa red-tagging o mga operasyong kontra-terorismo ng pulisya sa nakalipas na mga taon. Shem Peter Acal at Richmond Sapasap

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This