Nag-post ang Sonshine Media Network International (SMNI) ng isang photo statement noong Pebrero 25 tungkol sa pahayag ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Assistant Spokesperson na si Gaye Florendo na nagsasabing tumigil daw ang pagpatay sa mga katutubo sa Surigao at sa iba pang parte ng Mindanao nang maitatag ang NTF-ELCAC.
ANG SABI-SABI:
Tumigil ang pagpatay sa mga katutubo nang maitatag ang NTF-ELCAC
MARKA:
HINDI TOTOO
ANG KATOTOHANAN:
Pormal na naitatag ang NTF-ELCAC sa pamamagitan ng Executive Order No. 70 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 2018. Taliwas sa sinabi ni Florendo na tumigil ang mga pagpatay – lalo sa mga katutubo – lalo pang lumala ang sitwasyon mula nang maitatag ang ahensya na tinatawag pa nga ang mga pagpatay bilang mga ‘tagumpay.’
Aabot sa 204 na kaso ng extrajudicial killings ang naitala ng human rights group na Karapatan mula nang maitatag ang NTF-ELCAC. Ayon din Karapatan, 111 ang kaso ng frustrated extrajudicial killings, 12 ang kaso ng sapilitang pagkawala, 109 kaso ng torture, 2,085 na kaso ng pwersahan o pekeng pagsuko. Ang mga pang-aabusong ito ay pinaniniwalaang kagagawan ng mga pwersa ng gobyerno o state-sponsored.
BAKIT KAILANGANG I-FACT CHECK:
Naging mainit na sa mata ng publiko ang NTF-ELCAC dahil sa patuloy nitong pagsasagawa ng red-tagging laban sa human rights defenders at mga kilalang kritiko ng gobyerno. Sa halip na kapayapaan ang palaganapin, kadalasang nagiging biktima ng karahasan o kaya’y pamamaslang ang mga indibidwal na ni-redtag ng NTF-ELCAC, kabilang na ang mga katutubo. Sa naganap na deliberasyon sa Senado para sa 2022 national budget, inihayag ng mga mambabatas ang pagkaalarma nila sa kung paano naging daan ang NTF-ELCAC sa paglala ng mga paglabag sa karapatang pantao.
Kamakailan lang, maging ang European Parliament ay nanawagang buwagin ang NTF-ELCAC na binansagan nitong ahensyang “nangangasiwa sa red-tagging”. – Vanessa Adolfo and Jamaica Marciano
Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.
Magbasa ng iba pang artikulo rito:
