Nagsimula noong Setyembre 21 at magtatapos sa Oktubre 6 ang mga pulong ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Iloilo City. Para sa APEC, gumastos ang pambansang pamahalaan ng milyun-milyon para sa pagtatayo ng mga imprastruktura, kabilang na ang P700-Milyong Iloilo Convention Center (na umano’y overpriced at maanomalyang pinondohan ng Disbursement Acceleration Program).
Bukod pa rito ang P5-M na ginastos ng lokal na pamahalaan para “pagandahin” ang lungsod—kabilang na rito ang pagpapatupad ng curfew sa mga kabataan, na bahagi umano ng tangkang pagtatago sa mga street children at pulubi mula sa mata ng mga panauhin mula sa 21 bansa.
Dahil sa pagbuhos ng pondo sa pulong ng APEC, habang binawasan naman ang pondo ng state colleges and universities gaya ng University of the Philippines Visayas na binawasan ng P2.2 Bilyon, nagmartsa noong Setyembre 24 ang nasa 400 estudyante at guro papunta sa kapitolyo ng Iloilo. Ngunit agad silang hinarang ng anti-riot police, at marahas na dinispers.
Labing-dalawang katao, kabilang ang dalawang guro at isang pari, ang inaresto, ayon sa ulat ng Bulatlat.com at lokal na midyang Sine Panayanon.
Habang nagaganap ang umano’y pagsikil sa karapatan sa malayang asembleya at pagpapahayag ng mga mamamayan, ano nga ba ang pinag-uusapan ng mga lider pang-ekonomiya sa mga esklusibong pulong ng APEC? At bakit, sa kabilang banda, may mga tumututol sa APEC?
Bukod sa mga nagrali sa Iloilo, inilunsad sa Maynila ang kampanyang #PHfightAPEC.
Bagsak ang lokal na ekonomiya
Sa katatapos lamang na Small and Medium Enterprises Ministerial Meeting sa Iloilo, nagkasundo ang mga bansa na bigyan ng “mas malawak na oportunidad ang MSMEs” (Micro, Small and Medium Enterprises) o maliit at katamtamang laki na mga negosyo. Magagawa umano ito sa pamamagitan ng integrasyon nito sa “global supply chain.”
Pero ayon sa Ibon Foundation, ang ibig sabihin lamang nito ay ang lalong pagwasak sa kakayahan ng maliliit na negosyo na umunlad bilang mga lokal na kapitalista. Imbes na mapagyaman ang kanilang kapasidad sa paglikha ng mga produktong gawang-Pinoy at para sa mga Pinoy, lalamunin na lang sila ng mga dayuhang kompanya para sa mga partikular na pangangailangan at serbisyo nito.
Katunayan, dahil sa liberalisasyon ng ekonomiya na itinulak ng APEC, nasa 2,520 MSMEs ang nagsasara kada taon simula taong 2000.
Ayon pa sa Ibon, lumala ang underdevelopment o pagkabansot ng ekonomiya ng bansa dahil sa mga polisiyang itinutulak ng APEC. Bumagsak na sa 5 – 10% ang mga taripa, kaya’t dagsa ang imported na mga produkto, maging ng batayang pagkain gaya ng bigas.
Patuloy ding bumabagsak ang pagmamanupaktura, na nasa 23% na lamang ng Gross Domestic Product. At dominado ito ng mga kompanyang transnasyunal (transnational corporations o TNCs), na kumukubra ng 70% ng kita mula sa pagmamanupaktura sa bansa.
Samantala, sa Philippine International Convention Center sa Maynila, naging keynote speaker si Pangulong Aquino sa APEC Public-Private Dialogue on Women and the Economy. Naroon sa nasabing porum ang mga kababaihang opisyal ng gobyerno gaya ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo (na sinusuyo ng Liberal Party na tumakbo bilang bise-presidente) at executives ng malalaking kompanya gaya ng Citigroup at Coca-cola Philippines at maging ng midya gaya ng Rappler, ABS-CBN at CNN Philippines. Sila umano ang patunay na umaangat ang kababaihan.
Pero ayon naman sa Center for Women’s Resources, maliban sa iilang kababaihan sa mga posisyong managerial, mayorya ng kababaihan pa rin ang naghihirap. Mas mababa ng P63 ang natatanggap na sahod ng kababaihan (nasa P261-466 lamang ang sahod ng ordinaryong manggagawa). Sa nakaraang limang taon, tumaas pa ng 10% ang bilang ng mga kababaihang manggagawa sa kontraktwal o short-term na trababo.
At habang pinangangalandakan ng APEC na uunlad ang kababaihan sa pamamagitan ng pangungutang ng kapital para sa pagtatayo ng maliliit na negosyo (MSMEs), lumalabas na 18% ng kababaihan na self-employed ang hindi kumikita at hindi makabayad ng utang.
APEC noon at ngayon
Unang nagpulong ang APEC sa Pilipinas noong 1996. Sa kulminasyon ng mga pulong ng APEC sa Maynila sa Nobyembre, inaasahan ang pagdating ng matataas na opisyal ng gobyerno ng iba’t ibang bansa, gaya ni US Pres. Barack Obama.
Itinutulak ni Aquino sa APEC ang pagpasok ng mas marami pang foreign investments o dayuhang pamumuhunan, na umano’y magpapaganda sa ekonomiya ng bansa, na pakikinabangan ng lahat (inclusive economy).
Pero ayon sa pananaliksik ng Ibon, simula 1996, tumaas na ng 55% ang foreign investments na pumasok sa bansa. Sa kabila nito, lumobo ang bilang ng mga wala o di sapat ang trabaho. Mula 8.3 milyon noong 1996, nasa 12.2 million na ngayon ang bilang ng mga unemployed at underemployed na Pilipino.
Ang pangamba ng lalong pagbagsak ng pambansang ekonomiya dahil sa globalisasyon na itinutulak ng APEC ang nagbunga ng malalaking protesta sa ilalim ng People’s Campaign Against Imperialist Globalization noong 1996. Muling binubuhay ng iba’t ibang grupo ang kampanyang ito dahil nagkatotoo ang kanilang mga pangamba, at buong giliw pa ring sinasalubong ng gobyerno ang APEC ngayong 2015.