‘Gobyernong Marcos Jr., number one violator ng international humanitarian law’
August 22, 2025

MANILA— Ginunita ng progresibong mga grupo ang ika-75 taon ng pagbuo sa 1949 Geneva Conventions at International Humanitarian Law (IHL) sa isang protesta sa Mendiola noong Agosto 19.

Pinasinungalingan ng human rights group na Karapatan ang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na mayroong”‘strong and enduring legacy” ang gobyerno sa pagtupad sa IHL nang pangunahan ng bansa ang IHL Asia-Pacific regional conference noong Agosto 11 hanggang 14.

“Ipokrito si Marcos Jr., siyang numero unong lumalabag sa IHL. Iba ang tunay na sitwasyon ng mga kababayan natin, lalung lalo na ang mga magsasaka at katutubong nasa kanyunan na nakakaranas ng mga paglabag sa karapatang pantao at IHL,” ani Cristina Palabay, Secretary General ng Karapatan.

Sumama rin sa protesta ang mga organisasyon ng magsasaka at katutubo mula sa isla ng Mindoro na nakaranas ng militarisasyon, panghaharas, at pagpapalayas sa kanilang lupaing ninuno.

Ayon kay Larry Hernandez, katutubong Mangyan at tagapagsalita ng Defend-Mindoro, ginagamit ng gobyerno ang pagtugis sa kanilang kaaway para paalisin sila sa kanilang lupaing ninuno na gustong ikamkam ng malalaking korporasyon. “Tinatawag kaming NPA (rebeldeng New People’s Army) para kami ay maging target nila, takutin at paalisin, kahit na malinaw na mga katutubong sibilyan kami at lumalaban lang para sa aming kabuhayan,” aniya.

Ang International Humanitarian Law

Tuwing Agosto ginugunita ang pagbuo sa International Humanitarian Law— isang pandaigdigang batas na gumagabay sa mga kalahok sa armadong digmaan.

“Nilikha ang IHL ng mga estado noong 1949 sa pamamagitan ng isang lupon of pandaigdigang mga tratado na tinatawag natin ngayon na Geneva Conventions. Binuo ito dahil noong panahon ng World War II, napakaraming kalupitang naranasan ang mga mamamayan ng buong mundo. Kaya naitulak ang mga bansa na magsabi na kailangan kahit may giyera, dapat may batas na gumagabay dito,” sabi pa ni Palabay.

Dagdag ni Palabay, layunin ng batas na proteksiyunan sa mga sibilyan kapag may digmaan. Bukod dito, pagpapatibay ito na dapat kilalanin ang karapatan ng mga direktang kalahok sa armadong labanan, lalung lalo na iyung mga wala ng kapasidad na lumaban o “hors de combat”.

Pilipinas at ang IHL

Pandaigdigang mga digmaan sa pagitan ng dalawang magkaibang bansa ang pangunahing sinasaklaw ng IHL, pero aplikable rin ito sa mga giyerang sibil o mga lokal na armadong labanan, ayon kay Palabay.

Isa ang Pilipinas sa mga unang lumagda sa Geneva Conventions noong 1952. Kaya para sa Karapatan, obligado ang gobyernong tuparin ang IHL. Mayroong lokal na polisiya hinggil sa IHL gaya ng Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law at ang Executive Order No. 77 series of 2024 na bumuo sa Inter-Agency Committee on International Humanitarian Law o IAC-IHL.

Dagdag pa rito, mayroong kasunduang pinirmahan ang gobyerno ng Pilipinas at ang National Democratic Front of the Philippines noong 1998 tungkol sa paggalang sa IHL. Ito ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl).

“Yung Carhrihl ay one of its kind hanggang ngayon. Wala pang ibang civil war actors sa buong mundo ang may kasunduan tungkol sa pagrespeto sa karapatang pantao at IHL,” sabi pa ni Palabay.

Nagpapatuloy na IHL violations

Sa kabila ng pagkakaroon ng mga batas at framework tungkol sa paggalang sa IHL, patuloy pa rin ang mga paglabag dito, ayon pa sa Karapatan.

“Ang nakakalungkot nga ngayon, ang number one violator ng Carhrihl, ng domestic laws at IHL, at siyempre ang Geneva Conventions ay ’yung estado o nasa gobyerno. Sa partikular na panahong ito, ito ang rehimeng Marcos Jr,” ani Palabay. Sa kaso ng Pilipinas, sa pakikidigma ng gobyerno sa Communist Party of the Philippines (CPP), sa counter-insurgency programs nito sa National Action Plan on Unity, Peace and Development (NAP-UPD), kitang kita ang primacy ng militaristang paglutas sa ugat ng armadong tunggalian sa bansa, hindi tunay na paglutas sa mga kinakaharap nating problema.”

Sa 2024 year-end report ng Karapatan, iniulat ng grupo ang mga kaso ng IHL violations sa bansa gaya ng aerial bombardment at indiscriminate firing sa mga komunidad, sapilitang pagpapasuko, paggamit sa mga komunidad bilang kampo ng militar, at iba pa. Halimbawa rito ang kaso ni Juan Sumilhig, magsasakang sibilyan sa Mindoro na pinaratangang miyembro raw ng NPA at pinaslang ng mga elemento ng 4th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (4th IB-AFP) noong August 1.

Paniningil at pagpapanagot

Idiniin ni Sol Taule, abogadong pangkarapatang pantao at deputy secretary general ng Karapatan, na hindi titigil ang human rights organizations sa pagtulak na makamit ang hustisya para sa mga biktima ng IHL violations.

“Kung hindi kayang ibigay ng administrasyong Marcos Jr. ang hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa IHL, tayo ang hahanap nito, sa anumang paraan para mabigyang hustisya ang mga kaanak at mga biktima,” sabi ni Taule sa protesta. “Kaya patuloy nating sasabihin, hangga’t hindi tumitigil ang mga inhustisya at paglabag sa karapatang pantao, magiging makatarungan ang lumaban.”

Read more

In Search of the Sacadas

In Search of the Sacadas

It was one of those rare moments of clarity, or one when one's view of the world suddenly comes into complete focus. In my mind, I, of course, knew that this happens all the time, in one shape or another, in places both seen and unseen.  I only even saw  the...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This