Ni JENNY PAPASIN
Minsan akong nagawi sa Asyenda Luisita, Tarlac para makipag-aralan at makipamuhay sa mga magbubukid. Sa batayan ng lawak ng dagat sa kinalakihan kong isla, magkakahitsura sa akin doon ang “walang hanggan” sa lupa. Sa loob kasi ng asyenda, lagpas sa kayang abutin ng tanaw ang hangganan ng lupang kinamkam ng túbo at tubô. Dito rin marahil nakatitig ang mga Negrense, sinisikap na baguhin ang salansan ng lupaing kinatitirikan, tinipak sa tinipak.
Kaya may pamilyar na kirot sa akin ang mga pagtatanghal ng dulang Tiempo Muerto ng Sinagbayan. Mula sa “Mga Diklap ng Tiempos Muertos” noong 2016, itinanghal noong Hulyo 18 at 19 sa UP Film Studio ang kasalukuyan nitong anyo bilang “Tiempo Muerto: Paghulat sang Dugwak”. Ayon sa direktor nitong si Ekis Gimenez, hinimok ng napapanahon pa ring taguri sa isla ng Negros bilang “Massacre Capital” ang ikatlong pagtatanghal ng Tiempo Muerto.
Handog ng pinakabagong pagtatanghal na ito hindi lang ang mga bago at napakahuhusay nitong artista, kundi pati na rin mga bagong pagkukuwento at komentaryo sa lumang-luma nang kaayusan sa isla ng Negros.
Kasado sa mapanlahok nitong format, inilibot ng “Best in Tour Guide” na si Roger ang mga manonood sa buong isla. Mula sa pagiging mapandudang tagapakinig ni Ma. Rosa, marahan ang pag-unlad ng karakter ni Roger na kalauna’y hindi na lang magagandang tanawin ang ipinapakita kundi maging ang malalagim na katotohanan ng isla. Naging God’s strongest soldier pa nga siya laban sa fake news na talamak sa kasalukuyan.
Gayundin, nagsisilbing kritika sa kabalintunaan ng turismo sa Negros ang balangkas ng dula. Ipinakita nito ang matingkad na contrast ng mababaw na gradiyosong bihis ng isla kumpara sa araw-araw na reyalidad ng mga mamamayang bumubuhay sa luhong ito.
Absurdo, halimbawa, ang dinarayong Masskara Festival na nakikitaan ng pekeng mga ngiting nagbigay ng titulong “City of Smiles” sa Bacolod, ayon sa pagtatanghal ng awit na “Maskara” sa dula. Habang nilalayon ng nasabing pista na maging pantabing sa taggutom tuwing Tiempo Muerto, ibinubunyag naman ng kanta ang pagtataktak ng mumo ng mga magbubukid para lamnan ang kanilang umaangal na mga tiyan.
Gayundin, mula sa mga “old money” na mansiyon, tila ibang mundo nang ipasyal tayo ni Roger sa pamayanan ng mga magbubukid na namamasukan bilang mga alila sa kung saan-saan tuwing Tiempo Muerto. Dito, tila nakasalamuha na rin natin ang ilan sa mga martir ng Negros 19 na magiliw na tinatawag na mga “ate” at “kuya” ng bulinggit na si Mella.
Sa dalawang pagtatanghal na aking napanood, sina Ate Mau at Ate Alyssa ang aking nakasalamuha bilang bisita. Nagbukas din ito ng usapan: Oo nga, ano? Kung tutuusin, hindi naman estranghero sa mga dayo ang isla ng Negros. Matagal nang itinatanghal ang turismo bilang panakip sa malalalim na sugat na iniwan ng kasaysayan ng pang-aalipin at pagsasamantala sa mga magsasaka sa tubuhan.
Kung kaya bakit marami ang nagtataka kung bakit naroon sila Ate Alyssa, Ate Mau, kasama sila Kuya Errol, Kuya RJ, Kuya Lyle, Ate Kai, at marami pang nauna sa kanila?
Malamang, dahil hindi naman talaga ang presensiya nila roon ang usapin, kundi kung para kanino sila naroon. Malinaw na para sa turista lang bukas ang Sugarland, hindi sa mga tulad ng Negros 19.
Marahil, ayaw ng mga pamilyang asyendero roon na lumabas ang mga kuwentong kagaya ng kay Catalina. Ang panayam sa kanya ang isa sa pinakamakabagbag-damdaming eksena para sa akin. Hindi singtatas ni Ma. Rosa kung magkuwento si Catalina. Ni hindi nga siya naniniwalang may maniniwala sa kanya – na karaniwang ugali ng mga magsasaka. Pero nagawa niyang ikuwento sa kanyang mga bisita ang simpleng lohika ng pagkakaisa at paglaban ng masang magsasaka.
Itinawid ito sa atin ng dula hindi lang bilang manonood, kundi bilang tagapakinig din, na higit pang ginawang makatotohanan ng napakahusay na sound and music production. Sa karanasan ko, nagawang ipadama ng produksiyon ang bigat ng sandaling kailangan mong magpasya kapag nakarinig ka ng putok ng baril at alam mong isang kakilala ang tinamaan. Sa sandaling ito, mapipilitan kang mamili: maghanap ng pinakaligtas na lugar na matatataguan o humagilap ng anumang maaaring gamiting sandata para ipagtanggol ang sarili.
Hindi ko masasabing lubos kong nauunawaan ang katotohanan ng ganitong karanasan. Pero napaisip ako: ganito rin kaya ang pakiramdam ng mga masang Negrense na nahaharap sa ganitong kritikal na sandali hindi lang sa dula, kundi sa pang-araw-araw na buhay?
Sa simpleng sagot nga ni Ka Butch sa mga nagsasabing madaling buyuhin tungong karahasan ang mga kagaya nilang api: “Sabi nila, mga rebelde raw ang nag-udyok sa aming magwelga. (Pero) madaling sabihin ‘yun kapag busog ka.” Kuwento pa niya, “Gutom, Tiempo Muerto ang nag-udyok sa aming magwelga.”
Ikinuwento sa atin ng Tiempo Muerto: Paghulat sang Dugwak kung paanong ang mga kagaya nina Ka Butch at Catalina ay nasasadlak sa kaabahang hindi na kayang tiisin. “Sana nga NPA na lang kami para nakipaglaban kami sa [mga sundalo],” ang hinanakit ni Catalina.
Pero higit sa hinagpis ang hamon sa atin ng dulang ito. Higit pa sa pagtangis, nakatitig sa ating mga mata si Catalina, at ang kanyang sinasabi’y ikuwento natin ang nangyari sa kanyang pamilya, sa kanyang mga kasama. Sa kanyang nangungusap na mga mata, niyayakag niya tayong susugan ang hustisya.

![Ni JENNY PAPASIN Minsan akong nagawi sa Asyenda Luisita, Tarlac para makipag-aralan at makipamuhay sa mga magbubukid. Sa batayan ng lawak ng dagat sa kinalakihan kong isla, magkakahitsura sa akin doon ang “walang hanggan” sa lupa. Sa loob kasi ng asyenda, lagpas sa kayang abutin ng tanaw ang hangganan ng lupang kinamkam ng túbo at […]](https://www.altermidya.net/wp-content/uploads/2026/08/Untitled-design-2.jpg)







