Hindi kami kasama sa NTF-Elcac —CBCP
September 2, 2023

CBCP president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David. Larawan mula sa Roman Catholic Bishop of Kalookan Facebook page.

Ni MARK LINO ABILA
Pinoy Weekly

Inanunsiyo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) nitong Setyembre 1 na kasapi na nito ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, organisasyon ng mga Katolikong obispo na siyang tumatayong awtoridad sa mga gawain ng Simbahang Katoliko sa bansa.

Ayon sa NTF-Elcac na kilala sa walang habas na panre-red-tag sa mga kritiko ng pamahalaan at progresibong grupo at indibidwal, isa ang CBCP sa dalawang private sector representative na nais maging kasapi ng task force. Sa kasalukuyan, kasapi ng NTF-Elcac ang halos lahat ng kalihim ng mga kagawaran ng pamahalaan.

Nilinaw ni CBCP president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na hindi mismong CBCP ang kasapi sa task force kundi ang isa sa 31 komisyon ng kumperensiya, ang Episcopal Commission on Public Affairs na pinamumunuan ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista.

Ayon sa pahayag ni David, mandato ng komisyon ang maging tagapamagitan ng publiko at pribadong sektor sa mga usaping panlipunan at pangsimbahan at bahagi nito ang pakikipag-usap sa NTF-Elcac upang talakayin ang usapin ng red-tagging sa mga grupong cause-oriented at mga organisasyon ng simbahan.

Dagdag din ni David na sa pagiging kasapi ng komisyon sa NTF-Elcac, magkakaroon ng pagkakataon na maihapag sa executive committee ng task force ang boses ng simbahan sa mga isyung panlipunan at magbigay ng “moral-ethical approaches” sa pagharap sa armadong tunggalian.

Nagpahayag naman ang ilang grupo ng saloobin sa pagiging kasapi ng CBCP Episcopal Commission on Public Affairs sa task force.

Sa pahayag ng Student Christian Movement of the Philippines, sinabi ng organisasyon na umaasa sila na “ipagpapatuloy ng CBCP, mga institusyon ng simbahan at kabataan Kristiyano ang pagsusulong sa usapang pangkapayapaan upang malutas ang ugat ng armadong tunggalian at hindi sa pamamagitan ng militaristang pamamaraan ng NTC-Elcac.”

Sinabi naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na dapat maging maingat ang CBCP sa pakikipag-ugnayan sa task force at iparating ang boses nito sa mga usaping kinahaharap ng mamamayan na siyang nakararanas na terorismo ng estado.

Inanyayahan din ng Bayan ang CBCP na pag-aralan ang national security policy ng rehimeng Marcos Jr. kung saan nakapaloob ang mga patakaran ng red-tagging at localized peace talks imbis na muling bumalik sa seryosong usapang pangkapayapaan.

Tiniyak naman ni David na tatalakayin at reresolbahin ng CBCP sa nalalapit na pulong ng permanent council kung ano ang magiging kahihinatnan ng pakikipag-ugnayan ng komisyon nito sa NTF-Elcac.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Silang umaasa sa pasada

Silang umaasa sa pasada

Kristen Nicole Ranario, Ma. Emmylou SolidumPinoy Weekly Hindi maipagkakaila, mga jeepney ang nagsisilbing sandigan ng karaniwang Pilipino upang makipagsapalaran sa karera ng buhay. Sa mas abot-kayang pamasahe at mga rutang kayang-kayang hagilapin, saktong-sakto ito sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This