HINDI TOTOO: 1987 Constitution, dahilan ng paglaganap ng political dynasties
April 22, 2022

Noong Abril 5, naglabas ang Facebook page na “Ang Malayang Balita” ng isang video na nagpapakita sa talumpati sa publiko ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batangas kung saan sinabi niyang mas pinalaganap ng 1987 Constitution ang sistema ng political dynasties sa bansa.

“If we dwell in the present structure crafted in the Constitution, ‘e wala talagang mangyayari [nothing would happen],” [Kung mananatili tayo sa kasalukuyang istrukturang ginawa sa Konstitusyon, ‘e wala talagang mangyayari] sabi ni Duterte, kasunod ng muling paghikayat sa susunod na Kongreso na amyendahan ang Konstitusyon.

Tinutukoy ni Duterte ang pariralang “ayon sa maaaring ipakahulugan ng batas,” na matatagpuan sa Artikulo II, Seksyon 26 ng Konstitusyong 1987 na naging dahilan umano sa hindi pagpapatupad sa probisyong “anti-dynasty,” dahil hindi nagpapasa ang Kongreso ng isang
“enabling law” na magbabawal sa political dynasties. Kontra daw kasi ang ganitong batas sa interes ng kalakhan ng mga miyembro ng Kongreso, na bahagi ng nasabing mga dinastiya.

ANG SABI-SABI:

1987 Constitution, dahilan ng paglaganap ng political dynasties

MARKA:

HINDI TOTOO

ANG KATOTOHANAN:

Narito ang buong Artikulo II, Seksyon 26 ng Konstitusyon na binabanggit ni Duterte: “Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastyang pulitikal ayon sa maaaring ipakahulugan ng batas.”

Totoong wala pang naisabatas na “enabling law” na nagbabawal sa political dynasties. Pero nililinaw ng mga eksperto sa batas na hindi dapat gamitin ang kakulangan ng Kongresong magpasa ng enabling law na rason para buksan ang Konstitusyon sa pag-amyenda.

Paliwanag ni Atty. Christian Monsod, isa sa mga nagbalangkas ng 1987 Constitution, na walang probisyon sa Saligang Batas na nagpapahintulot na palaganapin ang mga political dynasty. Sa kabaliktaran, dagdag ni Monsod, ang kagustuhan ng mga pulitikong galing sa political dynasties –kabilang na ang mga Duterte – na manatili sa kapangyarihan ay isa sa mga pangunahing motibo sa likod ng paghihikayat na amyendahan ang Konstitusyon.

BAKIT KAILANGANG I-FACTCHECK:

Pinakita sa isang pag-aaral mula sa Ateneo School of Government (ASOG) na ang paglaganap ng political dynasties ay nagpapahiwatig ng laganap na kahirapan at kawalan ng pag-ulad. “Moreover, dynastic officials can use the powers of the state for self-serving interests without fear of replacement or administrative sanctions.” [Higit pa, magagamit ng mga opisyal mula sa mga dinastiyang pulitikal ang kapangyarihan ng estado para sa kanilang pansariling interes, nang hindi natatakot na mapalitan o maparusahan.]

Binanggit pa ng mga iskolar na may ilang dahilan na pumipigil sa Kongreso mula sa pagpapasa ng enabling law, kasama na dito ang mga balakid na nakaugat sa mga pulitikal at sosyo-ekonomikong pundasyon kung saan nakatayo ang mga dinastiya. Ang mga dinastiyang ito ay mahigpit nang nakaugat sa istruktura ng pulitika ng Pilipinas kung saan 80% ng mga gobernador, 67% ng mga kongresista, at 53% ng mga alkalde na nanalo noong eleksyon 2019 ay mula sa “fat dynasties.”

Sa kabila ng mga pahayag ni Duterte na tumutuligsa sa mga dinastiya, dapat tandaan na si Duterte mismo ay nagtaguyod din ng ganitong pulitikal na dinastiya, na masasalamin sa pag-upo sa pwesto ng kanyang mga anak na sina Sara Duterte-Carpio at Sebastian Duterte na sabay na nanunungkulan bilang alkalde at bise-alkalde ng Davao City. Ang isa pa niyang anak, si Paolo Duterte, ay kasalukuyan ding nanunungkulan bilang kinatawan ng unang distrito ng Davao City.

Ang video na ibinahagi sa “Ang Malayang Balita” page ay kasalukuyang may 2.1 milyong tagapanood, 67,000 reaksyon, at 5,000 komento. – Vanessa Adolfo at Jamaica Marciano

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This