HINDI TOTOO: Campaign team ni VP Robredo, nagkakalat ng paninira laban kay Marcos Jr.
April 22, 2022

Isang video ang ibinahagi ng Facebook page na “Bisdak Gaming Channel” na nag-aakusang naglunsad ang kampo ni Vice-President Leni Robredo ng “smear campaign” laban sa katunggaling presidential candidate na si Ferdinand Marcos Jr.

Maririnig sa video ang boses ng isang indibidwal na nagpakilala bilang tagasuporta ni Marcos Jr. Ipinaliwanag niyang nadismaya siya nang makatanggap ng isang pamphlet na ipinamimigay ng mga nangangampanya para kay Robredo. Ayon sa video, paninira kay Marcos Jr. ang laman ng pamphlet. Higit sa 18,000 na ang komento sa nasabing video, at karamihan dito ay nagsasabing target talaga ng mga kampanyador ni Robredo na sirain ang reputasyon ni Marcos Jr.

ANG SABI-SABI:

Campaign team ni VP Robredo, nagkakalat ng paninira laban kay Marcos Jr.

MARKA:

HINDI TOTOO

ANG KATOTOHANAN:

Kung sisiyasatin ang pamphlet na ipinakita sa video, walang ebidensyang magpapatunay sa sabi-sabing mismong kampo ni Robredo ang naglabas nito o na bahagi ang nasabing campaign material ng “smear tactics” laban kay Marcos Jr.

Isang grupo ng mga volunteer mula Quezon City na nagngangalang “KYUSI FOR LENI MOVEMENT” ang naglabas na ng pahayag sa kanilang Facebook page noong Abril 5 na naglilinaw na sila ang nasa likod ng pamphlet na makikita sa video. Ayon sa grupo, hindi paninira kundi paglalahad lamang ng mga isyung kadikit ng track record ni Marcos Jr. ang layunin ng pamphlet, isang paraan umano para mapakita nila kung bakit si Robredo ang kanilang sinusuportahan.

BAKIT KAILANGAN I-FACT CHECK:

Kahit pa dumistansya na rin ang kampo ni Robredo sa campaign material na nasa video, kailangang balikan kung ano nga ba ang sinasabi ng mga batas ng bansa hinggil sa “defamation” o paninirang-puri.

Sa ngayon, wala pang kasong naisampa ukol sa nasabing campaign material, at sa gayon, wala pang korteng makakapagtiyak kung maituturing nga bang porma ng “libel” – isang uri ng krimen na “nakasulat o nakalarawan” – ang laman ng nasabing pamphlet.

Tampok sa pamphlet ang ilang mga balita at mga usaping pulitikal na kinasasangkutan ng pamilyang Marcos. Kung aaralin ang batas ng Pilipinas kaugnay ng libel, makikitang ginagamit nito ang doktrinang laman ng kasong New York Times Co. vs. Sullivan, na nagsasaad na sa mga kasong dawit ang isang pampublikong opisyal, “ang garantiya ng Konstitusyon sa malayang pananalita at pamamahayag ay pumipigil sa pampublikong opisyales na bawiin ang anumang pinsalang hatid ng paninirang-puri na may kaugnayan sa kanyang ‘official conduct,’ maliban na lamang kung napatunayan ng opisyal na ang pahayag ay ginawa na may kalakip na malisya.”

Kailangan ring ipuntong ang Facebook Page na “Bisdak Gaming Channel” ay nauna nang nagpakilala bilang isang page na naglalayong mag-upload ng content na may kinalaman sa “online gaming.” Pero sa pag-upload ng nasabing video na kinalauna’y naging viral, ipinakita ng page na isa na ito ngayong campaign page. Ang ganitong sitwasyon ay tumutugma sa isang pag-aaral ng #FactsFirstPh, kung saan inilahad na binabago ang maraming dating “non-political Facebook pages” para gawing lunsaran ng disimpormasyon kaugnay ng eleksyon. – Rome Medina at Neil Dizon

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This